HIBLANG ABO ni Tauhan: Huse mananalaysay, 70 Sotero dating magsasaka, 75 Blas dating manggagawa, 70 Pedro dating magsasaka, 72 Tagpo: Sa isang silid sa institusyon ng abandonadang matatanda Panahon: 1980 Tagpuan: Isang abuhing silid; semento ang inaamag na dingding. Busalsal ang pagkakapalitada. May apat na kamang kalawangin. Ang plehe; sa tabi ng bawat isa, may munting kabinet na kupas ang barnis. Sa umpisa ng dula, nakatiklop ang gapok na kutson sa tatlong kama; bakante ang tatlong higaan. May tatlong bakante sa institusyon ng mga abandonadang matanda.Sa kanan, ibaba, may isang mesang kainan at apat na silya. Kupas at simula nang mabakbak ang pintura. Ang dula ay isang alaala, isang mapait na alaala. UNANG YUGTO Unang Tagpo (Lugmok na nakaupo si HUSE, 70, sa silya. Nag-iisa. Nakapako ang tingin sa sahig. Binabaybay ng lipaking palad ang hilatsa ng puluhan ng lumang tungkod.)(Naglalakbay ang tingin sa mga bakanteng kama. Babalong sa mata ang luhang di malaglag-laglag). HUSE: Anong sumpa ito? Anong sumpa? Hanggang kailan ang pagtanghod sa tulalang pader? Malamig. Malamig na malamig. Parang haplos ng karit ni kamatayan. Parang haplos… Si Pedro. Si Blas. Si Sotero. Tatlong dula na kung bata-bata ako-marahil- itinarak ko na sa papel ang lahat. Nang wala na akong kimkim-kimkim! Putang-ina… Nakakabaliw ang maghapong pagharap sa pader. Bakit hindi ba ako inilipat sa ibang silid? Bakit ako iniwan dito? Kakausapin ko si Misis Salvacion. Magpapalipat ako sa ibang silid. Sa silid na di ako mumultuhin ng gunita ni Pedro, ni Blas, ni Sotero. - Ngunit…saang silid? Kailangang isiwalat ang kanilang kasyasayan. Ngunit paano? Kung bata-bata ako…kung…putang-ina! Wala bang papel dito o kahit anong supot? (Tatayo. Maghahanap sa munting kabinet na katabi ng kanyang higaan). HUSE: Wala ba kahit lapis? Sa opisina ni Misis Salvacion. Tiyak may lapis at papel. Hihingi ako. Pero…itatanong nila. "Aanhin n'yo, lolo?" (Matagal na mag-iisip) Aanhin ko nga ba? HUSE: Paano ko sasabihing gusto kong isulat ang dula nina Pedro? Sinong luko-luko ang maniniwala sa akin? Ako? Sumulat ng dula? Ha, nakakatawa nga! (Uupo sa higaan. Ihihiga ang tungkod sa dalawang hita) HUSE: Kanina, hindi ako sumama sa kalestenika. Maaga naman akong nagising. Alas-singko pa lamang, dilat na ako. Alas-singko, alam ko. (Hihiga Patuloy sa pag-aalala. Mahinang tunog ng sasakyan sa madaling araw) HUSE: Dinig na dinig ko ang paisa-isang sasakyan sa hayway. Alas-singko. Paisa-isang sasakyan. (Papalayo ang tunog ng sasakyan. Katahimikan). HUSE: Alas-sais nang tumunog ang kampana. Sunod-sunod. (Babangon. Mahinang tunog ng kampana) HUSE: Alas-sais na. Kalesteniks. Wan, tu, tri, por. Wan, tu, tri… (Tila nag-eehersisyo) HUSE: Alas-sais na. (Pabagsak na uupo sa higaan) HUSE: Ayokong mag-ehersisyo. Ayoko. Ayoko. Ayoko! Bakit pa? Hindi na manunumbalik ang lakas ng masel ko kahit maghapo't magdamag akong mag-ehersisyo. May laban ba kayo sa rayuma? Ayoko. Ang gusto ko'y isiwalat ang mga araw at gabi ng aming pag-iisa. Oo, apat kami sa silid na ito. Apat sa aming pag-iisa. Apat na tumpok ng basahan! - Pero sino'ng maniniwalang dati akong manunulat? Si Misis Salvacion? Ang mga social worker? Si Sor Felisa? Si Dok? - Putang-ina! Bakit ayaw kang maniwalang naniniwala sila? Naniniwala nga kaya sila? (Tatayo. Lalapit sa mga bakanteng higaan. Lilibutin ang buong silid) HUSE: Tandang-tanda ko nang una kong makaharap sa opisina niya si Misis Salvacion. "Anong pangalan n'yo, lolo? "Huse." "Buong pangalan po." "Huse Santo." "Yan po ba ang tunay n'yong pangalan?" Aba'y ang lintik na 'to - sa loob-loob ko - at bakit ko ikakaila ang tunay kong pangalan? May kapangalan ba akong magnanakaw? Ilang Huse Santos ba ang me rekord sa Munti? - Hindi na lang ako umimik. "Naniniguro lang po kami, Lolo. Alam n'yo may ilang kaso kaming ganyan dito. Nagpapalit ng pangalan. Nagkakaila. Gusto lang po naming maayos ang inyong rekord." HUSE: Tumang-tango ako. Ilang araw na ring akong ini-imbestigahan mula nang mapulot nila ako kasama ng mga pulubi overpass sa Raon. Paulit-ulit ang mga tanong. "Ano po'ng pangalan n'yo, Lolo?" "Huse Santo po." "Masuwerte kayo't may bakante kami ngayon." "S-salamat po." "Ilang taon na po kayo?" "Sisenta'y nuwebe po." "Me asawa po ba kayo?" "Patay na po." "Mga anak?" "Dalawa po." "Nasaan po sila?" "Ang isa'y nasa Leyte yata. Ang isa'y sa Mindanaw. H-hindi. Sa Basilan nga ba?" "Alam po ba nila ang lagay n'yo ngayon?" "Matagal na pong wala akong balita." "May kamag-anak ba kayo dito sa Maynila?" "Mayroon po." "Bakit di kayo makipanuluyan sa kanila?" "Binaklas ang bahay nila sa Bagong Baryo, tatlong buwan na ngayon ang nakararaan. Walo ang anak nila. Ayaw kong maging pabigat." "Ano po ang dati ninyong trabaho?" "W-wala po." "Wala po?" "Manunulat po." A lintik! Ilagay n'yo kahit ano. Karpintero. Kantero. Kaminero. Pulubi. Bagamundo. Kahit ano! Pinagdaanan ko naman lahat ng iyan. Pero pwede bang painumin n'yo ako kahit kape? Tatlong araw na akong nanginginig sa gutom! (Lalamlam ang ilaw. Lalakad si HUSE sa pinakadulo ng tanghalan, sa bahaging pinakamalapit sa manonood) HUSE: A, kung maisusulat ko lamang ang dula naming apat. Sa silid na ito. Sa abuhing silid na ito. In Sotero. In Blas. In Pedro. Ganito kaya ang maging tagpo? Ganoon kaya ang naging wakas? (Sa dilim, papasok sina BLAS, 70; SOTERO, 75; at PEDRO, 72. Sa muling pagliliwanag ng tanghalan, nasa kani-kaniyang higaan ang tatlo. Maayos na ang kanilang mga gamit tulad ng kay HUSE. Matagal na sila sa silid na iyon). Ikalawang Tagpo BLAS: Huse! Hu, Huse!--Mahina na bang talaga ang tenga mo? HUSE: Nag-iisip ako. BLAS: Na naman? Huse-halika't tulungan mo akong kumbinsihin itong si Teroy. Saka mo na isipin 'yang - kung ano man ang iniisip mo! SOTERO: Basta…Bukas na bukas - (Sasalin ng ubo.) BLAS: Ayun - ang matandang tinale. Akala mo ba'y malakas ka pa? Wag na nating lokohin ang sarili natin, Teroy. Walis tingting lang at tro pilo (throw pillow) ang kaya nating bunuuin. Tigilan mo na 'yang kaululan mo. Hoy, Huse, ikaw nga ang kumausap dito. PEDRO: (Kay SOTERO) Saan mo ba balak pumuta? SOTERO: Kahit saan. Sa probinsiya. Sa nayon. Si Victoria. Gusto kong puntahan ang aking si Victoria. PEDRO: Sabi mo'y wala na roon ang anak mo. Sino'ng babalikan mo sa Laguna. SOTERO: Makikita ko si Victoria. Hindi siya hinanap maige. Makikita ko siya, maniwala kayo. BLAS: At kung hindi mo siya makita? SOTERO: (Susulak ang galit) Makikita ko siya! Makikita ko! (Matitigilan ang mga kausap. Mapipilan sa pagsulak ng poot ni SOTERO) SOTERO: Ipagtatanong ko siya. Baka lumipat siya ng ibang bayan. Nakapag-asawa. Oo, nakapag-asawa si Victoria. At bumalik siya sa nayon namin. Bumalik ang bunso ko. Hinanap niya ako. Alam ko. Gabi-gabi ko siyang napapanaginipan. Tinatawag ako. Victoria, victoria… HUSE: Padadalhan ko ng sulat si Rosa. Pakinggan n'yo ito - Maganda ba ang simula? "Rosa, Tala ng aking buhay"- BLAS: Nabasag ang antipara in Rosa noong isang araw. Hindi niya mababasa ang sulat mo. HUSE: "Tala ng madilim kong buhay"- SOTERO: Hindi kayo naniniwalang makikita ko si Victoria? PEDRO: Kabaligtaran ang mga panaginip. BLAS: Naligo ka ba kangina? HUSE: "O, Rosa ng aking buhay!" PEDRO: Masaya naman tayo, di ba? SOTERO: Kakausapin ko si Misis Salvacion. Aalis ako. BLAS: Hindi ka papayagan! PEDRO: Masaya naman dito, di ba? HUSE: Ano kaya ang magandang kasunod? "Rosang ligaya ng aking mga lumbay…" BLAS: Wala, sira na ang isang ito. Hoy, kumain ka naman, di ba? PEDRO: Pag nasa labas ka, paano ka kakain? SOTERO: Sanay akong magutom. PEDRO: Matatanda na tayo. BLAS: Hindi pa ba malinaw 'yan? - Hoy, Huse mahiya ka sa sarili mo. Kaya mo pa bang paligayahin si Rosa? HUSE: Baka siya ang walang itagal. PEDRO: Mahirap makipagsapalaran. Mahina ka na. BLAS: Ikiskis mo na lang sa pader. HUSE: Sino? Si Rosa? (Magtatawanan sina BLAS at HUSE) PEDRO: Hindi ka ba masaya dito? (Uupong palugmod si SOTERO sa kanyang higaan) SOTERO: Hindi nga kayo naniniwala sa akin. HUSE: Magtatag ka na, Teroy. SOTERO: Bakit ayaw ninyong maniwala? BLAS: Putang-ina, Teroy. Matagal na tayong magkakasama rito. Kilala kita. PEDRO: Paano kung sasalin ka ng ubo? SOTERO: Makikita ko si Victoria. BLAS: Mahiga na tayo. SOTERO: Sampung taon ako sa Bilibid. Pag labas ko, wala na si Victoria. Wala na ang aking saka. Wala na akong babalikan. BLAS: Memoryado ko na 'yan. Ilang ulit ko nang narinig. Uulitin mo na naman? HUSE: Sige bukas, kausapin mo si Misis Salvacion. BLAS: Hindi ka papayagan no'n! SOTERO: Ano bang pakialam nila? Ano'ng nalalaman ninyo tungkol sa akin? BLAS: Hindi mo na kayang umalis! SOTERO: Kaya ko! BLAS: Hindi ka aalis! SOTERO: Ipakikita ko sa inyong kaya ko! (Itutulak in BLAS si SOTERO. Aawatin sila nina HUSE at PEDRO. Mapapahiga si SOTERO sa kanyang kama. Sasasaling muli ng ubo . akbay-akbay na ihahatid ni HUSE ang bubulong-bulong na si BLAS. Dahan-dahan namang babalik sa lugar niya si PEDRO, nakalingon pa rin sa sinasasal - ng - ubong si SOTERO.) HUSE: Gabi na. Matulog na tayo. PEDRO: Masaya naman dito, a. bakit gusto mong umalis. Hindi kita maintindihang tao ka. (Lalamlam ang ilaw hanggang sa dumilim. Nakahiga na ang lahat. Si HUSE na lamang ang maiiwang nakaupo sa gilid ng kanyang higaan.) Ikatlong Tagpo (Nakaupo si HUSE sa kanyang higaan) HUSE: Buong gabi kaming hindi pinatulog ng ubo ni Teroy. Maririnig ang pag-ubo sa dilim. Malalayo ang pagitan. Sa simula'y pasumpong-sumpong. Walang tumitinag. Sanay na kami kay Teroy. Tuwing mayroong Doktor, si Teroy ang unang-unang nagpipilit na magpatingin. (Didilim sa kinauupuan in HUSE) TAGPO SA KLINIKA (Liliwanag sa bahagi ng mesa. Babangon si SOTERO. Uubo-ubo. Lalapit ang DOKTOR at si MISIS SALVACION sa mesa. Isusuot ng DOKTOR ang istetoskop) SOTERO: Hindi na naman ako pinatulog ng ubo ko, doktor. DOKTOR: Ininom n'yo ba 'yung binigay kong tabletas? SOTERO: Ubos na po. (Bubuksan ng DOKTOR ang polo in SOTERO. Aalalayan ni MISIS SALVACION) DOKTOR: (Kay MISIS SALVACION) Hindi ba't kasama si Lolo Sotero sa huling batch na pina-X- ray natin? MISIS: Oo. Okey na naman sabi mo. DOKTOR: Alin pa ho ang masakit, Lolo? SOTERO: Itong ubo ko lang ho. DOKTOR: Hindi naman kayo nilalagnat o nanlalamig kaya sa gabi? SOTERO: Inuubo lang ho. Ngayo'y panay na panay na naman kung sumumpong. (Maglalabas ng sampol na gamot ang DOKTOR) DOKTOR: Inumin n'yo 'to, Lolo. Tatlong beses isang araw. Wag n'yong kalilimutan. SOTERO: Salamat ho. (Uubo-ubong aalis si SOTERO. Maiiwan ang DOKTOR at si MISIS SALVACION. Mapapailing ang DOKTOR habang inililigpit ang mga gamit niya) DOKTOR: I don't know…I have a feeling psychological lang ang sakit ni Lolo. Maayos naman ang resulta ng X- ray niya. MISIS: Naglalambing lang marahil ang matanda. DOKTOR: We better keep an eye on him. (Lalabas sina MISIS SALVACION at ang DOKTOR) (Liliwanag sa higaan ni HUSE. Maririnig ang papalakas na ubo ni SOTERO) HUSE: Nang gabing iyon, tulad ng maraming gabi, pabugso- bugso ang ubo ni Teroy. Pabugso-bugso hanggang sa sumasal. Hanggang sa maging kalunos-lunos na taghoy. (Magpapantay na ang dilim sa silid. Panay-panay ang ubo ni SOTERO. Halos di makahinga) SOTERO: V-Victoria! Victoria! Victoria! (Mapapabalikwas ang lahat) HUSE: Sotero! Sotero! (Ibabangon ni HUSE si SOTERO. Paiinumin ng tubig ni PEDRO. Nakamata lang si BLAS.) SOTERO: Si Victoria…Kitang-kita ko ang aking bunso. Bumubulusok sa dilim. Hawak-hawak ko ang aking anak. Madilim. Mabilis na mabilis ang pagbulusok ng aking si Victoria. Humalagpos sa aking kamay. Nabitiwan ko siya - Victoria! (Muling sasasalin ng ubo) PEDRO: Kung ano-ano kasi ang iniisip mo. SOTERO: Sa simula nama'y maganda. P-parang - tutuong-tutuo. Kausap ka pa nga ang aking asawa. Si Didang! Parang buhay na buhay si Didang! BLAS: Lagukin mo na 'yang tubig at mahiga ka na. SOTERO: Hindi! Ayoko! HUSE: Hatinggabi na, Teroy. Marami pang gawain bukas. PEDRO: Darating si Sor Felisa. Gagawa tayo ng palaspas. Sa makalawa'y Ramos na. SOTERO: Ayokong matulog! Iwan n'yo ako. Ayokong pumikit! BLAS: Nakakabulahaw ka Sotero! SOTERO: Hindi ako matutulog. Muli akong mananaginip. Madilim. Madilim na madilim- BLAS: Sotero, hatinggabi na! SOTERO: Ayokong managinip! BLAS: Itigil mo na 'yan! SOTERO: Mabibitiwan ko ang aking bunso! BLAS: Tigil! (Maaagaw ni BLAS ang tungkod ni HUSE. Hahampasin niya si SOTERO. Panay ilag lamang ang gagawin ni SOTERO. Itutulak ni HUSE si BLAS) HUSE: Blas! BLAS: Tayo-tayo ang nagtatakutan - SOTERO: (Umiiyak) Wag po…wag po… PEDRO: Sabi ko naman sa 'yo, kalimutan mo na ang nakaraan. Tapos na 'yon. HUSE: Ininom mo ba ang gamot mo? PEDRO: Giniginaw ka ba? SOTERO: Si Didang, parang buhay si Didang… (Magsisimulang humikbi) PEDRO: Mamahinga ka na, Teroy. SOTERO: Hindi ka man lamang ba dinadalaw ng panaginip? PEDRO: Gusto mong kumutan kita? SOTETO: Hindi mo man lamang ba naaalala ang iyong asawa't mga anak? PEDRO: Ubusin mo na 'tong tubig. SOTERO: Ha, Pedro? (Dadalhin ni HUSE si BLAS sa higaan nito. Maiiwan sina SOTERO at PEDRO) PEDRO: Gusto ko nang matulog, Teroy. SOTERO: Sagutin mo muna ang tanong ko. PEDRO: Hindi. SOTERO: Kahit minsan? PEDRO:Kahit minsan. (Anyong lalakad si PEDRO sa kanyang higaan) SOTERO: Hindi mo ba sila mahal? (Matitigilan si PEDRO. Lilingon kay SOTERO) PEDRO: Pag-usapan natin 'yan bukas. SOTERO: Aalis na ako bukas. PEDRO: Inaantok na ako. SOTERO: Ilang saglit lang. Gusto kong marinig ang sagot mo. PEDRO: Bakit? SOTERO: Mahalaga sa akin ang sagot mo. PEDRO: Itinakwil ako ng aking pamilya - alam mo 'yan. Gabi na. Nakabubulahaw tayo. (Bababa sa higaan si SOTERO. Lalapit kay PEDRO. Mag-uusap silang papunta sa mesa. Lalamlam ang ilaw sa silid. Liliwanag ang ilaw sa gawing kanan ng tanghalan). SOTERO: Hindi mo na sila naaalala? PEDRO: Naaalala. SOTERO: Madalas? PEDRO: Madalas. SOTERO: Ano'ng naaalala mo tungkol sa kanila? PEDRO: Marami. SOTERO: Anu-ano? PEDRO: Hindi nila ako mahal. SOTERO: Paano? PEDRO: Naging sukal ako sa kanilang loob. SOTERO: Pedro- PEDRO: Gusto mong ulit-ulitin ko ang litanya ng aking buhay? SOTERO: Ang ikinuwento mo kay Misis Salvacion? PEDRO: At kay Sor Felisa. Sa mga social worker. Sa mga estudyanteng kumakausap sa atin. Sa mga reporter na gumagawa ng istorya tungkol sa institusyong ito. Sa iba't ibang uri ng imbestigador, sa mga estranghero. Sa lahat ng nagtatanong! SOTERO: Tutuong lahat ang iyong salaysay? PEDRO: Walang labis, walang kulang! SOTERO: Bakit? PEDRO: Ano'ng bakit? SOTERO: Sinabi mo lahat-lahat? PEDRO: Lahat-lahat! SOTERO: Pedro, ano'ng natitira sa 'yo? PEDRO: Wala. SOTERO: Ni katiting? PEDRO: Wala akong tinago sa kanilan. Isinalaysay ko ang lahat. Ang pag-aaway naming mag-asawa. Ang pagkakait niya sa akin ng pagkain noong mahina na ako't di na kumikita. Ang panghihinawa nila sa akin nang ako'y maging pabigat sa kanila - Teroy, nasabi ko na ang lahat. Ang lahat-lahat. SOTERO: At hindi ka dinadalaw ng masamang panaginip? PEDRO: Nakita mo sana ako noong araw. Higit na nakakatakot ang gunita ng kagipitan. SOTERO: Sabi mo'y nagugunita mo sila? PEDRO: Malalim na ang gabi, Teroy. SOTERO: Sabi mo'y naaalala mo rin ang iyong asawa't anak? PEDRO: Gabi na! SOTERO: Sagutin mo muna ako. Naaalala mo sila, di ba? PEDRO: Oo! Oo! Pero para ano pa? Maligaya na ako rito. Masaya na tayo rito. Tahimik na ang buhay natin. Kuntento na ako rito. Teroy, kung ano-ano ang pumapasok sa ulo mo. Matulog na tayo. SOTERO: Hintay - (Hahawakan niya sa balikat si PEDRO. Tititigan niya ito sa mata) SOTERO: Maligaya ka ba rito, Pedro? (Matagal na titimbangin ni PEDRO ang tanong) (Magbababa ng tingin si PEDRO. Aalisin ang mga kamay ni SOTERO sa kanyang balikat. Tatalikuran ang kausap at babalik sa kanyang higaan) PEDRO: Bukas, gagawa tayo ng palaspas. Malapit na ang Pasko ng Pagkabuhay. (Maiiwan si SOTERO na nakatingin lamang kay PEDRO. Lalamunin ng dilim si PEDRO) (Dilim) Ikaapat na Tagpo (Tanghali. Maayos ang higaan ng bawat isa. Malinis ang silid. Sa mesa, may apat na tray na may kani-kaniyang asul na basong plastik at kutsara't tinidor) (Masayang papasok ang apat. May dalang palaspas ang bawat isa. Ikakabit sa tabi ng kani-kaniyang higaan ang dalang palaspas) BLAS: Nakita n'yo saan ang ngiti nitong binata natin nang sabihin ni Sor Felisa na ang palaspas ni Rosa ang pinakamaganda. SOTERO: Aba'y talaga namang maganda ang ginawa ni Rosa. BLAS: 'Yan din ang sinabi noong mga babae doon sa tabi ko. Inspirado raw si Rosa. -bulungan nila. Palagay ko'y naiinggit ang mga gaga! HUSE: Patulan n'yo na kasi- PEDRO: At kung malaman in Misis Salvacion? SOTERO: Itong si Pedro'y takot na takot - HUSE: Pag ayaw sa iyo, pipiyok! BLAS: Ba't ka naman lalapit sa ayaw sa iyo? (Magtatawanan maliban kay PEDRO) PEDRO: Wala na sa isip ko ang mga bagay na 'yan. HUSE: Di ilagay! (Tawanan uli) BLAS: Kaya pala- kaya pala. Natatandaan n'yo noong interbyuhin tayo noong mga kolehiyala noong isang buwan? HUSE: 'Yung makikinis? Mestisahin ang mga lintik! BLAS: 'Yun nga! Natatandaan n'yo itong si Pedro? HUSE: Aba'y hinalikan pa ako noong isa. Ang sabi'y "Lolo, remembrance ko sa iyo!" Naku, sarap! SOTERO: Napapikit ka ba, ha? Napapikit ka ba? BLAS: Putlang-putla ang Tandang Pedro matapos interbyuhin! HUSE: Aba'y ang sabi sa 'kin noong mga bata, in hindi raw sumagot ang Pedro. BLAS: Tigas pa ang pagmamalaki in Misis Salvacion sa atin. Ano nga ang sabi in Misis Salvacion, Huse? HUSE: Ganire: "Sila"-tayo 'yon-"Sila ang inihaharap namin kapag may mga mag-iinterbyu na gaya n'yo." SOTERO: Sa umpisa'y ganadong-ganado itong si Pedro. BLAS: Di pa kasi naririnig ang tanong. HUSE: "Kabilang sila sa mga able-bodied residents dito" ang ibig sabihi'y malakas ang kanilang katawan at isip. (May pagmamalaki ang kilos ng tatlo) HUSE: "Tatlo ang klasipikasyon ng mga residente dito. Able-bodied"-kabilang do'n-semi-able at senile, saka bedridden. Sa mga able bodied, sila ang pinakamahusay humarap sa mga bisita gaya n'yo. Si Lolo Blas - Yuko, yuko- (Yuyukod naman si BLAS) HUSE: "Si Lolo Sotero" (Yuyuko rin si Sotero) Ganyan - "Si Lolo Pedro Yumuko ka sabi, e. (Yuyuko rin). "At si Lolo Huse." (Yuyuko rin siya) "Kayo na ang bahala sa mga bata, Lolo." At umalis na nga si Misis Salvacion. Pinaghiwa-hiwalay tayo ng mga kolehiyala. SOTERO: May dala pang tape recorder! PEDRO: Pinagsalita nga nila ako. Sabi ko: "Helow, helow!" BLAS: At ang tanong: Ano nga pala ang tanong? HUSE: Kung paano raw natin nairaraos ang ating-kaligayahan? (Hagalpakan ng tawa) BLAS: Namutla si Pedro! PEDRO:Akala ko'y itatanong lang ang nakaraan ko. Gaya ng iba! SOTERO: Biglang iniwan 'yung mga bata! PEDRO: Paano n'yo ba 'yon sinagot? HUSE: Aba'y di sinabi ko ang totoo. PEDRO: Aling totoo? BLAS: Ang totoo: Na kung sa pagnanasa ay nagnanasa. At kung sa magagamit ay magagamit pa. Danga't walang pagagamitan. Kaya ano pa ang maige kundi ipalipad na lang sa hangin! (Tawanan. Papasok ang ATTENDANT na lalaki. Dala ang pagkain ng matatanda. Isa-isang ititihaya ang mga tray at lalagyan ng tig-iisang puswelong kanin. Lalapit si HUSE upang tulungan ang ATTENDANT sa paglalagay ng ulam at pagsasalin ng inumin.) PEDRO: Ang suwerte'y itong si Huse. May Rosang kasama sa panaginip. BLAS: Kamo'y 'yan nga ang mahirap. Hanggang panaginip na lang. Maigi pa'ng wala. (Tawanan) HUSE: Aba'y daig ko pa rin kayo kahit ganoon lang. Kayo ba'y may tagapaglaba? PEDRO: Nakita n'yo sana ang mukha ni Rosa nang mahalungkat noong isang attendant ang kabinet niya at makita roon ang karsonsilyo nitong si Huse. BLAS: Namutla si Kastila! Naku hiyang-hiya. ATTENDANT: Kain na, Lolo. (Lalabas ang ATTENDANT) BLAS: Hindi magkandatuto sa pagpapaliwanag si Rosa kung paano napunta roon ang putot ni Huse! PEDRO: Inaano ba ni Rosa ang pantalon mo, ha? BLAS: Dinadaan na lang sa amoy! (Hahagalpak sa tawa si BLAS) BLAS: Lalamig ang kanin, matatandang usisero! (Dudulog sa mesa ang apat. Magsisimulang kumain) HUSE: (Kay SOTERO) Akala ko'y magpapaalam ka kay Misis Salvacion? BLAS: Sino ang gusto ng ulam? Walang lasa. SOTERO: Hindi ako nakatulog buong gabi. Iniisip ko: Masaya nga naman dito. Walang problema. Libre lahat. PEDRO: Me tulugan, kakain ka sa oras. Mababait naman sina Misis Salvacion. BLAS: Hindi nga lang masarap ang ulam. HUSE: Basta hindi ka delikado, ayos na! BLAS: Paminsan-minsa'y naghahanap din ng lasa itong dila ko. PEDRO: Ikaw ang taong hindi na nauubusan ng reklamo. Hanggang ngayon dala mo pa rin 'yang ugali mo. Blas, hindi ito ang Compania Prosperidad na maaari mong pagsakdalan ng lahat ng hinagpis mo. HUSE: Hala, Blas. Ipakita mo na lang kung paano ka magtalumpati. 'Yung ginawa mo noong araw. BLAS: Kumain kayo nang kumain at mayamaya'y magiging bato na 'yang kanin sa tigas pag lumamig. PEDRO: Sige na, Blas. BLAS: Ano'ng tingin n'yo sa 'kin Payaso? Hindi. Hindi. HUSE: Pakinggan namin! BLAS: Sagrado ang aking talumpati. HUSE: Nagkakatuwaan lang naman. BLAS: Di katuwaan ang pag-uunyon. HUSE: Sige na. Dati rin akong mambabalagtas. Gusto kong marinig ang iyong talumpati. Baka may mapulot ako sa 'yong ilang kilapsaw ng henyo. BLAS: Ilang ulit ko nang nagawa 'yan. HUSE: Pakinggan natin si Kasamang Blas. (Papalakpak. Kakalampagin ni PEDRO ang kanyang tray sa pamamagitan ng kutsara at tinidor) (Tatayo si BLAS. Lalayo sa mga kasama. Pupunta sa pinakadulo ng gitnang tanghalan) BLAS: Kung ano-anong kalokohan itong pinaggagawa natin. HUSE: Sige na, Kasama. (Didilim sa mesa. Parang itinulos na kandila sina PEDRO, HUSE at SOTERO.) TAGPO SA COMPANIA PROSPERIDAD (Itataas ni BLAS ang dalawang kamay, at sa anyong pinatatahimik ang maraming manggagawang nakapaligid sa kanya) (Mag-iiba ang kulay ng ilaw.) Si BLAS ay kikilos sa ibang realidad. Ang mga nasa paligid niya ay ang mga manggagawa ng Compania Prosperidad, isang araw ng kanilang pag-aaklas.) BLAS: Mga kasama, mga kasama. Pangatlong araw na natin ito. Mga ilang araw pa'y malulumpo na ang Compania Prosperidad. Konting tiis, mga kasama,. Kapag huminto ang tagabilot ng sigarilyo, kapag di kumilos ang mga kahista, kapag di gumawa ang mga anakpawis ng Compania Prosperidad, mararamdaman in Don Roxas ang hustisya ng ating hinihingi. Dagdag na sahod para sa lahat! Dagdag na pang-agdong buhay! (Maririnig ang hiyawan ng mga manggagawa. Ikukumpas ni BLAS ang kanyang kamay upang patahimikin ang mga ito!) BLAS: Alam ko. Alam ko. Marami na sa atin ang mga nagugutom. Akko ma'y may mga anak rin. Ngunit magtitiis pa tayo mga kasama. Nasa pagtitiis ang ating ikatutubos. Magtiis pa tayo dahil sa darating na bukas, malulumpo natin si Don Roxas! Babalik tayo sa Compania Prosperidad! Magwawagi tayo, mga kasama! (Biglang magliliwanag) (Kinakalampag ng tatlo ang kanilang tray sa pamamagitan ng kutsara't tinidor. Tatayo si HUSE para kamayan si BLAS) HUSE: Mahusay! Mahusay! PEDRO: Mabuhay ang bayani ng mga anak-pawis! HUSE: (Itataas ang kamay ni BLAS.) Mabuhay! (Lalapit sila sa mesa) SOTERO: Sintigas ng bato ang kanin. HUSE: Di sabawan! (Bubuhusan ng sabaw ang kanin ni BLAS) BLAS: Ayokong kumain. HUSE: Kanina'y hindi ka nag-almusal. PEDRO: Baka malipasan ka ng gutom. HUSE: Kapag walang laman ang sikmura, madaling pasukan ng hangin ang tuktok. BLAS: Wala akong gana. HUSE: Kalimutan mong wala kang gana. PEDRO: Isipin mong masarap ang pagkain. HUSE: Ayaw mo ba ng litson? PEDRO: Ito-itong litson ang tikman mo… HUSE: Sawa na siya sa morkon! Gusto mo bang ipaghiwa kita ng hamon? BLAS: Walang lasa. Walang lasa. HUSE: Alin? Ang litson o ang hamon? SOTERO: Magligpit na tayo. (Tatayo si BLAS. Tahimik na pupunta sa kanyang higaan). (Ililigpit ng tatlong matanda ang kanilang pinagkainan. Ilalabas nila ang kanilang mga gamit) (Marahang-marahang uupo si BLAS sa kanyang higaan. Marahang-marahan. Nakatanaw sa wala.) (Dilim)
Rene Villanueva
Continue to page 2 of Drama
Back to Home Page