Sino kaya ang diyos ni Gloria?
Bagama't hindi ito ang unang pagkakataon na ang isang pulitiko ay nagsabing ang kanyang desisyon ay naayon sa mensahe na ipinarating sa kanya ng diyos, hindi ko maiwasang madismaya sa gimik ng Malakanyang nitong mga nakaraang araw.. Di umano ay taimtim na nagdadasal ang pangulo upang humingi ng gabay mula sa Diyos. Ang pagtakbo ni Ate Glo bilang pangulo sa taong 2004 ay nakasalalay sa mensaheng hinihintay niya mula langit?! Pero matatandaang noong nakaraang taon nang kanyang ipahayag na wala na syang balak tumakbo bilang pangulo ay kanya ring sinabi na ito ay naayon sa mensahe sa kanya ng Diyos! "God was my adviser.", wika pa nga niya. Ayaw kong isipin na ang Diyos ay walang ibang ginagawa kundi subaybayan ang papalubog na bangkang papel ni Ate Glo. Ayaw kong isipin na ang Diyos ay pabago bago rin ng isip. Pero sino kaya ang diyos na tinutukoy ni Ate Glo?
Ang diyos kayang tinutukoy ni Ate Glo ay siya ring diyos na sinasamba ni Mayor Sanchez na ngayon ay nakakulong dahil sa panggagahasa? Kailan kaya darating ang hinihinatay na mensahe mula sa langit? Sa ika-18 ng Oktubre kaya ng taong ito, kasabay ng pagbisita ng pangulo ng Estados Unidos? Hindi kaya ang Estados Unidos na ang itinuturing na diyos ni Ate Glo? Kung kaya't ganun ganun na lamang ang pagsuporta nito sa gera ni Bush sa Afghanistan at Iraq? Ang gusto ba sabihin ni Ate Glo ay kasiyahan ng Diyos na mamatay ang ilang libong inosenteng sibilyan upang maisakatuparan lamang ang kagustuhan ng Estados Unidos na magkamal ng malaking tubo sa langis mula sa Gitanang Silangan? Utos din kaya ng diyos ni Ate Glo na paslanmgin ang mga lider at kasapi ng mga legal na organisasyong masa tulad ng Bayan Muna? Nakakatakot ang diyos ni Ate Glo!
Sa panahong laganap ang krisis ng kahirapan, natural lamang na magsulputan ang iba't ibang klase ng relihiyon at iba't lider ng nito. Sapagkat tayong mga Pilipino ay likas na relihiyoso, di na bago kung ito'y gamitin ng mga ganid at gahamang pulitiko para lamang sa kani-kanilang interes. Pero tayo naman ay matagal ng binalaan ng mga nakasulat sa bibliya - "..mag-ingat kayo sa mga bulaang propeta.." Sa kasalukuyang konteksto ng ating lipunan, tayo ay binabalaan na mag-ingat kay Ate Glo at sa itinuturing nitong Diyos.