IKALAWANG YUGTO Unang Tagpo (Tulad sa simula. Nakaupo si HUSE sa kanyang higaan.) HUSE: Ganoon nang ganoon. Ang mga araw at gabi'y lumipas nang di namin namalayan. Parang mga abuhing hibla ng buhok. Di namalayan ang pagtubo kundi sa minsang pagharap sa salamin ay gulantangin kami ng katotohanang abo na ang hibla. Manipis na hibla ng buhay. Panipis nang panipis. Hanggang sa tuluyang mapigtal sa anit. Hindi namin namalayan. O namalayan ma'y di namin hinarap. Di tinanggap. Oo, tulad ng pag-iwas sa pagharap sa salamin. Pag-iwas sa katotohanang nakabulagta sa aming harapan. (Titingkayad nang bahagya ang liwanag. Palakad-lakad si SOTERO habang umuubo) SOTERO: Wala pa sila? HUSE: Darating ang mga 'yon. SOTERO: Ang tagal naman nila- HUSE: Puntahan na natin si Tandang Basyo. SOTERO: Wag! HUSE: Pwede bang tumigil ka sa kalalakad, Teroy, nahihilo ako. SOTERO: Natatakot ako. HUSE: Umupo ka. SOTERO: Kanina lang kausap ko pa si Tandang Basyo. HUSE: Kanina'y kausap niya tayong lahat. SOTERO: Hindi. Sa common room, kami ang magkatabi. Salita nang salita. Di ko mawawaan ang sinasabi. HUSE: Humiga ka kaya? SOTERO: Dapat ay pinakinggan ko si Tandang Basyo! (Sasasalin ng ubo si SOTERO. Mapapatalungko sa sahig) SOTERO: Amoy-lisol. Hindi mo ba naaamoy? HUSE: Hindi. SOTERO: Malamig. Giniginaw ako. HUSE: Tumayo ka. Ano'ng nangyayari sa 'yo? SOTERO: Huse-ayokong matulad kay Tandang Basyo! HUSE: Ano ba'ng pinagsasabi mo? SOTERO: Nang bumulagta si Tandang Basyo sa pasilyo, nahagip ko ang kanyang tingin. Parang may nais sabihin. HUSE: Tumayo ka! SOTERO: Ayoko! Ayoko! (Darating sina BLAS at PEDRO) HUSE: Ano'ng nangyari? PEDRO: Dinala na ng ambulansiya si Tandang Basyo. BLAS: Hindi na magtatagal ang matanda. Bumula ang bibig nang mabagok ang ulo. PEDRO: Inatake marahil. SOTERO: Sino'ng kakalinga sa bangkay in Tandang Basyo? HUSE: Ipahahanap ni Misis Salvacion ang mga kamag-anak nito. SOTERO: At kung hindi makita? BLAS: Ililibing! PEDRO: O kaya'y ibibigay sa medisina upang pag-aralan. SOTERO: Hesusmaryosep! Tao ang namatay! PEDRO: Hindi pababayaan nina Misis Salvacion ang bangkay. BLAS: Anuman ang gawin do'n, hindi na 'yon mabubuhay. SOTERO: Susmaryosep…Tao ang namatay! HUSE: Ano'ng usapan ito? Hindi pa patay si Tandang Basyo. SOTERO: Bukas na bukas, aalis ako! HUSE: Saan ka pupunta? SOTERO: Ayokong mamatay dito gaya in Tandang Basyo. BLAS: Hindi ka mamamatay! SOTERO: Ayoko ng ganoong kamatayan. Uuwi ako sa anak ko. Kukupkupin ako ni Victoria. Pakakalinga ko sa aking bunso. BLAS: Kung makikita mo siya… SOTERO: Makikita ko siya! BLAS: Saang lupalop mo siya hahanapin? SOTERO: Kahit saan! BLAS: Niloloko mo ang sarili mo. Nababaliw ka na ba? SOTERO: Tatakas ako rito. BLAS: Baliw! Wala ka nang babalikan, alam mo 'yan. HUSE: Blas! SOTERO: Ano'ng alam mo tungkol sa 'kin? PEDRO: Teroy, mahiga ka na. SOTERO: Hindi ko na mapapalagpas ang - lintik na 'to. BLAS: Matandang baliw! HUSE: Blas! BLAS: Bistado ka na namin, Teroy. PEDRO: Blas, Tama na! BLAS: Bakit ba natin pangingilagan ang ulol na ito? Manloloko! Baliw! SOTERO: Putang-ina mo! (Susugurin ni SOTERO si BLAS. Ngunit higit na malakas ang huli. Itutulak nito si SOTERO na mapapaupo sa sahig.) BLAS: Nakausap in Misis Salvacion ang abugadong humawak ng kaso mo. Wala kang babalikang probinsiya. Wala kang babalikang kamag-anak. Matagal nang patay ang anak mo. Patay na si Victoria! HUSE: Blas! (Nakamata lang si SOTERO. Parang binuhusan ng malamig na tubig ang buong katawan. Nakanganga ngunit walang tinig na lumalabas sa bibig. Dahan-dahang magbababa ng tingin. Iiyak. Parang batang hahagulgol.) BLAS: Naniwala kaming mayroon kang babalikan sa labas. Araw-araw naming pinagtiisan ang pag-ismid mo sa aming salaysay. Niloko mo kami. PEDRO: Bakit kailangan mong magsinungaling? Tingnan mo ako, sinabi ko ang lahat. Bakit kailangan mong gumawa ng kung ano-anong istorya? SOTERO: Wala kayong alam…wala kayong nalalaman. HUSE: Teroy, magpahinga ka na. SOTERO: Wag n'yo kong tratuhing parang bata! Malakas pa ako. Malinaw pa ang isip ko. (Tatayo. Pupunasan ang luha) SOTERO: Ayokong mamatay tulad in Tandang Basyo. Nabasa ko sa kanyang mata. May nais siyang sabihing di humulagpos sa kanyang bibig. Ano'ng gusto n'yong malaman? Dati akong bilanggo. Alam 'yan ni Misis Salvacion. Wala akong kamag-anak na maaaring uwian matapos akong palabasin sa Munti pagkaraan ng sampung taon. Nakatala rin 'yan sa aking rekord. Nagdusa ako sa Munti. Ngunit walang bahid ang aking mga kamay. Tignan n'yo. Wala akong kasalanan. Si Don Sixto ang ulupong. Siya ang dahilan ng aming mga hapis. Maraming bagay ang di natuklasan sa imbestigasyon. Maraming lihim na tumutugis sa aking gunita. Malungkot ang ating mga salaysay. Lubhang nakalulunos upang ilahad ng buong-buo. Matanda na ako't malapit na ang oras. Babaunin ko ba sa hukay ang aking kinikimkim? TAGPO SA KORTE (Lalamlam ang ilaw hanggang sa dumilim) TAGAUSIG: Ginoong Sotero Santos, nang gabing magpunta kayo sa bahay in Don Sixto de Ayala, sukbit ba ninyo sa inyong tagiliran ang inyong gulok? SOTERO: Dala-dala ko po ito saan man ako pumunta. TAGAUSIG: Ang itinatanong ko lamang ang dapat sagutin, Ginoong Santos. SOTERO: Dala-dala ko po. TAGAUSIG: Kung gayo'y nagpunta kayo sa bahay ni Don Sixto na alam ang plano ng matanda at nagdala kayo ng gulok? SOTERO: Ngunit 'yon po'y lagi- TAGAUSIG: Ang itinatanong lamang ang dapat sagutin, Ginoo! SOTERO: Opo. TAGAUSIG: At nang sabihin sa inyo ng matanda na babawian na kayo ng saka ay nagsiklab kayo sa galit? SOTERO: Dahil naroon na po- TAGAUSIG: Tumutol kayo sa desisyon ng matanda- SOTERO: Dahil hindi makatarungan- TAGAUSIG: Sinuway n'yo ang may-ari ng lupang inyong sinasaka at pinagkakautangan. SOTERO: Dahil hindi makatarungan ang kanyang desisyon! Nasa bahay na niya si Victoria. Naglilingkod bilang bayad-utang! Na dahil- TAGAUSIG: Kaya uminit ang inyon ulo at pinagtataga ninyo si Don Sixto ng gulok na inyong dala-dala? Hindi po ba? (Hindi iimik si SOTERO) TAGAUSIG: Tinatanong kayo ng hukuman, Ginoo. (Manggigigpuspos si SOTERO) SOTERO: Malupit si Don Sixto… TAGAUSIG: Kaya ninyo siya pinatay? SOTERO: Naging bayad-utang ang aking si Victoria…. Hayup na matanda. Hayup. TAGAUSIG: Iyon lamang po, Ginoong Hukom. Wala na pong tanong ang tagausig. (Lalabas sina TAGASUMPA at TAGAUSIG) SOTERO: Ibinaon na kami sa utang. Binawian na kami ng saka. Inagaw pa ang aming dangal. Si Don Sixto ang ulupong. Bakit ako pa rin ang tinutugis ng gunita? Dapat ko bang isiwalat ang lahat? BLAS: Matulog na tayo. SOTERO: (Kay PEDRO) Wala ka bang kinikimkim na anuman? PEDRO: Wala. Wala. SOTERO: (Kay HUSE) Wala ka bang lihim? HUSE: Hindi mahalaga kung ano ang nakaraan. Ang mahalaga'y ngayon. Dito sa institusyon ng abandonadong matatanda. Tulad natin. SOTERO: (Kay BLAS) Ang salaysay mo ba'y tutoo? Lahat-lahat? BLAS: Ikaw lamang ang inuusig ng budhi! SOTERO: Nakapagtataka … Ako lamang ang may problema. (Pupunta si SOTERO sa higaan niya) SOTERO: Matutulog na ako. Matulog na kayo. At sakaling muli akong surutin ng malagim na panaginip, wag kayong tuminag sa inyong higaan. Wag ninyong pansinin ang aking pagibik. Marahil ako'y … nababaliw! (Marahang-marahang lalakad sa kanyang higaan si SOTERO. Nakatingin lamang sa kanya ang tatlo. Marahang hihiga si SOTERO; di mamalas sa mukha ang mga tanong) (Dilim) Ikalawang Tagpo (Nang gabi ring iyon. Nasa harap ng tanghalan si HUSE kaharap ang mga manonood) HUSE: Ang gabing iyon. Nasa harap ng tanghalan si HUSE kaharap ang mga manonood) HUSE: Ang gabing iyon. Sino'ng makalilimot sa gabing iyon! Kung mahahawakan ko lamang muli ang lapis at papel, at maisasatitik ang mga gunita ng gabing iyon, pamamagatan ko itong "Gabi ng Pagharap sa aming mga Budhi" Sa salamin ng aming mga budhi. Nang gabing iyon, maghahatinggabi nang idating ang bangkay in Tandang Basyo. Hindi karaniwan ang pagdadala ng bangkay sa institusyon. Ang patakara'y iwan ang katawan ng sinomang residente sa ospital na kinamatayan nito at doon papaghintayin ang bangkay habang sinisikap ng mga social worker na patalastasan ang mga kamag-anak - kung mayroon masn - o kakilala ng namatay. Ngunit bago tuluyang malagutan ng hininga si Tandang Basyo, nakagawa siya ng huling kahilingan. Iburol sa institusyon, sa piling ng mga itinuturing niyang "kamag-anak" - ang mga residente, mga tulad niyang abandonadong matatanda. At sapagkat si Misis Salvacion ay isang relihiyosa at naniniwalang dapat matupad ang hiling ng isang namatay, dinala nang gabing iyon sa institusyon ang bangkay ni Tandang Basyo. Ibinurol doon ng isang gabi, saka ibinalik sa ospital at iniabiloy sa agham. Nang gabing dumating ang bangkay in Tandang Basyo, nagliwanang ang kabilang pabilyon sa mga ilaw sa tabi ng kanyang ataul. (Bahagyang liliwanag sa silid. Nakasilip sa bintana si PEDRO) PEDRO: Hindi ba tayo lilipat sa kabila (Lugmok sa pagkakaupo sa silya si BLAS. Payapang-payapa natutulog si SOTERO) (Pabalik-balik sa paglalakad si PEDRO sa silid) PEDRO: Hindi ba natin titignan man lamang ang bangkay in Tandang Basyo? (Titingin kay BLAS. Nakayuko ito. Nakatitig sa mesa. Blangko ang mata. Titingin kay HUSE. Maghihintay ng sagot. Parang walang narinig si HUSE) (Lalakad si PEDRO. Palayo) PEDRO: Isa sa atin ang namatay…isa sa atin. (Hindi mapipigil ang sarili. Tatalungko at impit na iiyak) (Biglang tatayo. Papahiran ang luha) PEDRO: Ba't ba tayo natatakot sa patay? (Lalabas ng silid) BLAS: Bakit dinala pa rito ang bangkay? Iniwan na lang sana sa ospital. P-parang natatakot akong di ko mawari. HUSE: Sa edad nating ito, dapat tanggap na nating maaaring dumating ang bagay na 'yan anumang sandali. BLAS: Marahil, hindi pa ako handa! HUSE: Handa ka o hindi darating ang bagay na 'yan. BLAS: Alam ko. Alam ko. HUSE: Hindi rin 'yan ang mahalaga. BLAS: Buhay ngayon … at sa isang iglap, tapos na. Ganoon lang ba talaga? HUSE: Darating ang bagay na 'yan, anuman ang gawin mo. BLAS: Ganoon ba kadali? HUSE: Mas mahirap ang mabuhay. BLAS: At pagkatapos? HUSE: Iyon! Wala na. BLAS: Kung gayo'y bakit nagpapakahirap pa tayong mabuhay? HUSE: Masarap, e. BLAS: Hindi kita maintindihan. HUSE: Marami ka kasing tanong. Gayahin mo si Teroy. Tulog. Ang lahat ng problema, nagsisimula sa mga tanong. Alam, ko, dating manunulat ako. BLAS: Kung nasa labas kaya tayo - HUSE: Hindi ka naniniwala sa sinasabi ko? BLAS: Ha? Ano 'yon? HUSE: Kako'y dati akong manunulat. Sarswelista ang tatay ko. Sa kanya siguro 'ko nagmana. Noong sikat pa ang bodabil, mabiling-mabili ako sa paggawa ng drama-drama-dramahan ang tawag ko-'yung maiigsing dulang katatawanan na labis na ikinasisiya ng mga manonood bago bumaba ang telon) BLAS: Ngayon? HUSE: Bago bumaba ang telon-magandang pamagat ano? BLAS: Malakas pa ako, di ba? HUSE: Kalaunan, nababoy ang bodabil. Isinara ang Clover. Burles na ang gustong panoorin ng tao. 'Yung drama-dramahan walang latoy kundi sasamahan ng konting libog. Mas maraming magaling sa akin sa parteng 'yan. Nagkomiks pa ako. Wala ring nangyari. Balak ko noonn, sumulat ng seryoso. Palagay ko, kaya ko. Pero walang panahon. Nag-asawa ako. Nagka-anak. Kumayod nang kumayod. Kung ano-ano. Minsan karpintero. Minsan Kartero. Madalas, istambay. Doon sa may Pritil kami madalas mag-inuman noon. Pero tuwing may magtatanong sa aking kung ano ang trabaho ko, lagi kong sinasabi, manunulat. BLAS: Ayokong matulog. HUSE: Mabuti ka pa. Ang ganda ng trabaho mo noong araw. BLAS: Hindi naman ako inaantok, e. HUSE: Ilang taon ka sa Compania Prosperidad? BLAS: Matagal. HUSE: Wala ka bang nakuha nang magretiro ka? BLAS: Ba't kailangan pang dalhin dito ang bangkay in Tandang Tasyo? HUSE: Ako, kayod nang kayod. Noon, sabi ko sa sarili ko, ayokong tumanda nang matandang-matanda. Tama na 'yung mga singkwenta-anyos. Tapos, tama na. BLAS: Wag na nating-pag-usapan 'yan. HUSE: Bakit huwag? BLAS: Ayoko. HUSE: Bakit nga? BLAS: Wala. Ayoko lang. HUSE: Para kang si Teroy. BLAS: Humiga na lang tayo. HUSE: Ikaw na lang! BLAS: Ano'ng gagawin nating ngayong gabi? HUSE: Maglalamay. BLAS: Dito? HUSE: Oo. BLAS: Para saan? HUSE: Para sa atin. BLAS: Ano? HUSE: Nakakatawa. Parang dula. BLAS: Alin? HUSE: Tayo. Ang matatanda dito. Si Tandang Basyo. BLAS: Bakit? HUSE: Bumaba na ang telon. BLAS: Ano ba'ng pinagsasasabi mo? HUSE: Wala kang naiintindihan sa arte. Nanonood ka ba ng bodabil? BLAS: Iniinnsulto mo ba ako? HUSE: Itinatanong ko lang. BLAS: Ayoko ng tono mo. HUSE: Wag mong sagutin. BLAS: Nakakaloko ka ba? HUSE: A, Isipin mo ang gusto mong isipin! BLAS: Naghahamon ka ba? HUSE: Hoy, wag mo 'kong takutin! BLAS: Walang humamon sa 'kin na inurungan ko. HUSE: Ano'ng gusto mo? BLAS: Ikaw? Kung ano ka, e. (Magigirian na parang maglalaban. Magtatantiyahan. Pagkuway tatalikod si HUSE) HUSE: Para tayong mga manok. (Uupo sa silya si BLAS, gaya sa pagsisimula ng eksena. Pagkaraan ng ilang sandali ng ipagmumuni-muni-) BLAS: Ano 'tong nangyayari sa 'tin? Naghihintay ba tayo dito ng kung ano? Patay na si Tandang Basyo. Mapalad ba tayo't buhay? Huse, kausapin mo ako! Huse! HUSE: Ewan. Hindi ko rn alam. BLAS: Suwerte ba nating maiwan dito? Parang mga lumang haliging nilalamon ng bukbok. HUSE: O mga tumpok ng basahan. BLAS: Kung hindi, ano't nagtitiyaga tayong mabuhay? HUSE: Mas masarap mabuhay. BLAS: Lintik! Naniniwala ka ba diyan? HUSE: Minsan. BLAS: Kung mas masarap mabuhay, ba't tayo pumasok dito sa loob? HUSE: Ikaw? BLAS: Sawang-sawa na ako sa hirap. Ayokong lumaboy-laboy. HUSE: Ayokong magutom. Lagi akong gutom, pero hindi nasanay ang tiyan ko. BLAS: Kung gayo'y tumakas tayo sa kahirapan. HUSE: Hindi! Lumaban! BLAS: Sumuko tayo! HUSE: Hindi! Kung sumuko tayo'y kinitil na sana natin ang ating sarili. Mas madaling magbigti, maglason, magpatiwakal - kaysa manatiling buhay. BLAS: Kahit dito? HUSE: Kahit dito. BLAS: Mas madaling magbigti, maglason, magpatiwakal? Kaysa manatiling buhay? HUSE: Kaysa mabuhay nang nag-iisa. Kaysa talikuran ng mga mahal mo sa buhay. Ngayon pa namang kailangan mo ng tungkod. BLAS: Mas madaling magpatiwakal kaysa paulit-ulit na ilahad ang mga sakit at hirap na naghatid sa 'tin sa silid na ito. Kaysa lamunin ang ating mga hiya sa harap ng iba't ibang uri ng imbestigador - (Katahimikan. Nakaupo si BLAS, nakatitig sa mesa, tulad sa pagsisimula ng eksena. Si HUSE'y nakatayo, nakatingin sa malayo) (Mula sa labas, maririnig ang sigaw ni PEDRO) PEDRO: Wag! Ayoko! Ayoko! (Hila-hila si PEDRO ng ATTENDANT at DOKTOR. Kasunod nila si MISIS SALVACION. Dala nito ang estistskop ng doktor. Basang-basa ang damit ni PEDRO) PEDRO: Ayoko! Ayoko! (Nagpupumiglas. Umiiyak) MISIS: Ihiga n'yo s'ya. PEDRO: Hindi! Ayokong matulog. (Maalimpungatan si SOTERO. Biglang babangon sa higaan ngunit hindi bababa sa kama. Nakatitig lamang sa nagaganap) DOKTOR: Hawakan n'yo siyang mabuti. (Magpipiglas si PEDRO) PEDRO: Ayokong bumalik sa silid na ito! Ayoko! HUSE: Ano'ng nangyari? Ba't basang-basa ka? MISIS: Nakita ho ng attendant sa banyo, nakasiksik sa sulok, nakatapat sa gripo. PEDRO: Wag! Ayoko pang mamatay! (Ihihiga ng ATTENDANT, katulong sina HUSE at BLAS. Si PEDRO, Iiniksiyunan ng DOKTOR.) PEDRO: Ayoko pang mamatay. (Ngunguynguy na tila bata) MISIS: Magpahinga na kayo, Lolo. (Kay HUSE) Palitan n'yo siya ng damit. Baka mapulmonya. Mukhang matagal siyang nababad bago nakita. ATTENDANT: Mabuti't ininspeksiyon ang kubeta sa kabilang pabilyon. Nang mapansin ng attendant na may bukas na gripo, pumasok. Si Lolo Pedro nga ang nakita. Nangangataog sa ginaw at parang may kinatatakutang kung ano. Umiiyak. At walang paulit-ulit na sinasabi kundi "Ayoko." (Habang pinapalitan ni HUSE ng damit ang unti-unting natatahimik na si PEDRO) HUSE: Nagpilit ho kasing lumabas nang malamang nariyan na ang bangkay in Basyo. Hindi na nga kami nakalipat sa kabila. DOKTOR: Mabuti pa'y matulog na rin kayo Lolo, pagkatapos niyan. BLAS: Hindi na kami makikipaglamay kay Tandang Basyo? MISIS: Masama ho sa inyo ang magpuyat. BLAS: Isang gabi lang. Huling gabi na. - MISIS: Bukas ay maagang-maagang ililipat ang bangkay sa ospital. Pinagbigyan lang natin talaga ang hiling ni Tandang Basyo. Alam naman ninyo ang patakaran… ATTENDANT: Maaga ang misa bukas, Lolo. Domingo de ramos na. At sa hapon, darating dito sina Armida. Pag mga artista ng Aawitan Kita. Makikita tayo sa TV. BLAS: Oo nga pala. HUSE: Tulungan mo nga akong hilahin ang pantalon nito. MISIS: Sige, Lolo. Tutuloy na kami. DOKTOR: Kumutan n'yo siyang mabuti. Tignan n'yo kung mainit ang noo. Nasa kabilang pabilyon lang ako, kung ano man ang mangyari. (Lalabas sina MISIS, DOKTOR, ATTENDANT. Mapapansin nila si SOTERO na kanina pa nakaupo at nakamata lamang sa mga nangyayari.) MISIS: Lolo, Sotero, malaim na ho ang gabi. Di pa ba kayo matutulog? (Hindi kikilos si SOTERO. Tuluyang lalabas ang tatlo) (Magdidilim ang ilaw habang kinukumutan nina BLAS at HUSE si PEDRO. Nakatingin sa wala si SOTERO. Bahagyang nakabuka ang bibig) PEDRO: Itong si PEDRO, di malaman kung ano'ng gagawin sa sarili. BLAS: Bakit kaya siya nagsiksik sa dilim? Bakit kaya? (Walang katinag-tinag si SOTERO. Didilim ang buong silid maliban sa ilaw na tumatama sa mukha ni SOTERO) (Dilim) IKATATLONG YUGTO Unang Tagpo (Madaling-araw. Madilim na madilim ang tanghalan. Maririnig ang pagdaraan ng isang sasakyan sa haywey sa madaling-araw. Papalayo)(Pagkaraan ng ilang saglit, habang unti-unting lumiliwanang ang ilaw sa silid, bahagyang-bahagya lamang, isang sasakyan ang muling magdaraan. Babangon si BLAS) BLAS: Umaga na. (Babangon si HUSE) HUSE: Anong oras na? BLAS: Gisingin mo si Pedro. HUSE: Nakatulog kaya siya nang mahimbing? BLAS: Siguro. HUSE: Hindi kaya siya nilagnat? BLAS: Pabayaan na lang kaya natin? HUSE: Wag. Umaga na. BLAS: Napuyat 'yan kagabi. HUSE: Ako ang gigising. BLAS: Dahan-dahan … HUSE: Si Teroy, yugyugin mo rin. BLAS: (Lalapit kay Pedro) Hoy, Pedro … PEDRO: (Maalimpungatan) Ha? BLAS: Paaabot ka ba ng sikat ng araw? PEDRO: Umaga na ba? HUSE: Bumangon na tayo't nang makapaghanda para sa misa. BLAS: Hindi mo ba naririnig? Buhat sa haywey, paisa-isang sasakyan. PEDRO: Umaga na pala! (Habang ginigising in BLAS si SOTERO) HUSE: Ano pa nag itinatanga mo riyan? PEDRO: Wala na ang mga ilaw sa kabila? HUSE: Dinala na marahil. PEDRO: Wala na riyan si tandang basyo? HUSE: Isang gabi lang raw, sabi in Misis Salvacion. 'Yung ang patakaran. BLAS: Ayaw tuminag ng isang ito kahit anong yugyog ang gawin ko. HUSE: Pabayaan mo na siyang matulog. BLAS: Hindi. Maagang magmisa ang paring kasama nina Sor Felisa. Ramos ngayon. PEDRO: Dinala na nila si Tandang Basyo? HUSE: Kanina pa siguro. Tulog pa tayo. PEDRO: Bakit? HUSE: Ano'ng bakit? PEDRO: Hindi pa natin nakikita si Tandang Basyo. (Bababa sa higaan si PEDRO… Sisilip sa bintana.) BLAS: Teroy… Teroy… PEDRO: Madilim na nga sa kabilang pabilyon. HUSE: Pabayaan mo na siya, Blas. PEDRO: Tahimik na tahimik nga sa kabila. HUSE: Magbihis na tayo. (Kukunin in HUSE ang polong nakasabit sa tagiliran ng kanyang higaan. Isusuot ito) PEDRO: Hindi man lamang tayo nakipaglibing? HUSE: Hindi naman siya ililibing. BLAS: Tulungan n'yo akong gisingin si teroy. PEDRO: Sino'ng nagdala sa akin dito? HUSE: Magpalit ka na ng pang-itaas. PEDRO: Kagabi. Takot na takot ako. HUSE: Hindi na tayo mag-eehersisyo? BLAS: Pagkatapos na siguro ng misa. HUSE: Sana'y magdala sina Sor Felisa ng ensaymada at suman gaya noong isang taon. BLAS: At prutas! Ang tagal ko nang di nakakatikim ng mangga. HUSE: Magbibigay din sila ng estampita. Ikakabit natin sa dingding. Mangungumpisal ka ba? BLAS: Ako? Hindi. HUSE: Hindi pa kita nakitang nangumpisal. BLAS: Wala akong ikukumpisal. HUSE: Wala kang kasalanan? BLAS: Gigisingin ba natin si Teroy o hindi? HUSE: Wag na. (Kukunin ni HUSE ang kanilang palaspas. Iwawasiwas ito) HUSE: Ganito. Iwasiwas natin habang palabas tayo. Para masaya. BLAS: Magpapasikat ka na naman kay Rosa. HUSE: Wag mo nga siyang mabanggit-banggit. BLAS: Bakit? HUSE: Nadiskubre kahapon ng isang social worker sa kabinet ni Rosa ang karsonsilyo ni Tandang Pantaleon. (Tatawa ng malakas si BLAS. Manatiling nakatayo sa harap ng biintana si PEDRO) HUSE: Halina, iwasiwas natin ang palaspas pag labas natin. BLAS: Tingnan mo, lumiliwanag na ang langit. HUSE: Iwasiwas pa natin. Ganyan! (Iwawasiwas nila ang palaspas) (Magigising si SOTERO) HUSE: Gising ka na pala? SOTERO: H-hinang-hina ako. HUSE: Halika. SOTERO: Parang … nanlalabo ang tingin ko. BLAS: Bilisan natin, baka mahuli tayo sa misa. SOTERO: Huse! Naririnig mo ba ako? Blas? Pedro? HUSE: Gusto mong alalayan kita? SOTERO: Hindi. Parang - Bakit ganoon? BLAS: Halika na. SOTERO: Malamig. BLAS: Sasama ka ba? SOTERO: Didang! HUSE: Kunin mo ang palaspas ni Teroy. SOTERO: Didang… HUSE: Hoy, Pedro, hindi ka ba sasama? SOTERO: Pssst…wag kayong maingay - HUSE: Teroy SOTERO: Nakita ba ninyo si Victoria? BLAS: Ano ba'ng pinagsasabi mo? SOTERO: Walang nakakakita kay Victoria? (Babangon si SOTERO. Lalapit sa may pinto) SOTERO: Didang- kasama mo si Victoria? Wag, wag mo siyang kunin. HUSE: Tumawag kayo ng Attendant - (Walang titinag. Mangingilabot si PEDRO. Maghahalukipkip) SOTERO: Hindi buntis ang anak ko. Labinlimang taon lamang ang aking bunso!- Lupa lang ang pag-aari n'yo Don Sixto. Hindi maaaring bayad-utang ang aming dangal. Lupa lamang! -Didang, halika, wag kayong mahiya… HUSE: Kumilos kayo ano ba? SOTERO: Huse, hindi n'yo ba patutuluyin si Didang? Kasama niya si Victoria… BLAS: (Itutulak si SOTERO) Baliw! Baliw ka, Teroy! SOTERO: Umaga na ba? Ba't ang dilim-dilim? BLAS: Tumigil ka! SOTERO: Blas - patuluyin mo sila - umaga na ba? Ba't ang dilim? BLAS: Hibang! SOTERO: Wala akong kinikimkim! BLAS: Tumigil ka! SOTERO: Ayokong mamatay gaya ni Tandang Basyo! BLAS: Tigil! Tigil! (Hahawakan ni BLAS si SOTERO sa magkabilang balikat, pareho silang matutumba. Magpapambuno ang dalawa. Sunod-sunod ang sagot ni BLAS kay SOTERO. Manlalaban ito) (Sasakalin ni BLAS si SOTERO. Aawatin sila ni HUSE. Ngunit itutulak siya ni BLAS. Titilapon si HUSE. Sa isang sulok, nanggigipuspos si PEDRO. Nanginginig sa takot. Umiiyak) BLAS: Tigil! Tigil! Tigil! (Mangingisay si SOTERO. Ngumunguyngoy si PEDRO. Saka lamang titigil si BLAS) (Katahimikan) (Tatayo si BLAS. Hindi gumagalaw si SOTERO) BLAS: Maliwanag na. Pumunta na tayo sa kapilya. Iwasiwas natin ang mga palaspas. Salubong sa manunubos. Iwasiwas. (Lalabas si BLAS: Maiiwang nakasiksik sa sulok si PEDRO. Lalapitan in HUSE ang katawan ni SOTERO. Pakikinggan ang tahip ng dibdib. HUSE: Sotero… (Ipipikit ni HUSE ang mata ni SOTERO) (Dilim)
Continue to page 3 of Drama
Back to Home Page