Continuation of Drama (3)

IKALAWANG TAGPO

	(Tulad sa simula.  Nakaupo sa gilid ng kanyang higaan si HUSE)
(Madilim ang buong tanghalan.  Maliban sa liwanag na tumatanglaw sa mukha 
ni HUSE.  Maririnig ang sirena ng ambulansiya)

HUSE:	Nang umagang iyon, muling bumalik sa institusyon ang kasumpa-sumpang 
sasakyan ng kamatayan.
	
(Ang mga sumusunod na eksena'y isang pantomina)

	(Papasok ang dalawang lalaki, ang ATTEDANT at ang DOKTOR sa 
mga nakaraang eksena.  Dala nila ang stretcher)

	(Kasunod nila si MISIS SALVACION.  Pupuntahan nito sa sulok 
si PEDRO na noo'y nanginginig pa rin sa takot.  Iuupon siya sa 
mesa at pagyayamanin.  Walang diyalogo ng maririnig sa mga susunod 
na tagpo)
	
(Tunog ng kampana buhat sa malayo)

(Ibabalot sa puting kumot ang bangkay in SOTERO)
	
(Tunog ng mga palaspas na iwinawasiwas)

	(Isasakay sa stretcher ang katawan ni SOTERO)
	
(Ilalabas)

	(Aakayin ni MISIS SALVACION sa higaan si PEDRO.  
Parang bata itong susunod)

	(Hihiga si PEDRO.  Kukumutan ni MISIS SALVACION.  
Hahaplusin sa noo na parang ipinaghehele)

	(Papasok ang DOKTOR, dala ang kanyang estutse.  
Ilalabas ang iniksiyon.  
Pagsisiritin sa hangin ang lkidong laman ng heringgilya.  
Itatarak sa bisig in PEDRO.  Mapapirit si PEDRO.  Patuloy 
ang paghaplos ni MISIS SALVACION sa kanyang noo.  Marahang-marahan.
	(Makakatulog si PEDRO)

	(Lalabas sina MISIS SALVACION at ang DOKTOR)

HUSE:	Ipinagbigay-alam nina MISIS SALVACION sa maykapangyarihan 
ang naganap.  Ngunit sa payo ng doktor, di agad ipinadakip si 
Blas upang lubos na masiyasat bago isuko sa mga awtoridad.
	
(Papasok si BLAS)

BLAS:	Hindi ka nagsimba.
	
(Hindi sasagot si HUSE)

BLAS:	Kako'y hindi ka nagsimba.
	
(Wala pa ring imik)

BLAS:	Huse?  Huse!  -Kung ayaw mo akong kausapin, 
ikaw ang bahala.

HUSE:	Wala na si Teroy.

BLAS:	Ano?

HUSE:	Kako'y wala na si Teroy.

BLAS:	Ano'ng  nangyari?

HUSE:	Pinatay mo si Teroy!

	(Matatahimik si BLAS sa pagsigaw ni HUSE.  
Titingin sa higaan ni TEROY)

BLAS:	Hindi mo ba nakita?  Para siyang baliw - 
Huse, ba't gano'n ako?

HUSE:	Hindi kita mawari.

BLAS:	Ako man.
	
(Ilang sandaling walang imikan)

BLAS:	Wala naman akong itinatago.  Wala akong lihim.  
O kung mayroon man, bakit kailangan mangumpisal?

BLAS:	Maraming bagay na di dapat alalahanin - 

HUSE:	Kung kaya nating kalimutan.

BLAS:	Dapat nating kalimutan!

HUSE:	Ang kahapo'y nasa bawat tiklop na ating kulubot.  Anuman 
ang gawin mo'y dala-dala natin ito.

BLAS:  Kalokohan!

HUSE: Nasa bawat hibla ng buhok.

BLAS: Masarp pa ring mabuhay.

HUSE: Kung malakas - at di kailangan ang putang-inang tungkod!

BLAS: Huse - wala na si Teroy.

HUSE: Wala na.

BLAS: Sa malao't madali'y mangyayari 'yon.  Bakit kailangang pagtagalin ang 
paghihirap.

HUSE: Mas masarap ang buhay.

BLAS: Anon'ng silbi kung isa kang tumpok na basahan? (Katahimikan) -
Bakit ba tayo pasisikil sa gunita? 

HUSE: Dahil dito'y isang tumpok ng masakit na kalamnang dala-dala natin hanggang 
kamatayan.

BLAS: Nilason ni Sotero ang utak mo.
HUSE: Ni Sotero, ni tandang basyo - lahat ng umalis sa institusyong ito 
sakay ng kasumpa-sumpang sasakyan.  Marahil, masasabing ang nakaraan ang 
naghatid sa 'tin sa abuhing silid na ito, ang nakaraang siya ring tumapos 
sa ating paglalamay.
 
BLAS: Bumaba na ang telon.
HUSE: (Ngingiti)  May natutuhan ka sa akin.
BLAS: Kaylan darating ang mga pulis?
HUSE: Ipinatawag na sila ni Misis Salvacion. Parating na marahil.

BLAS: Hihintayin ko sila.
HUSE: Dito?
BLAS: Oo. Gaya ng paghihintay natin sa kung anong di-dumating-dating.
HUSE: Paghihintay sa bagay na yaon na tiyak na darating.
BLAS: Kailan?
HUSE: Ngayon? Bukas? Ewan.  Maari rin naman dumating na.  Dito. Matagal na. 
Matagal na nating kaakbay sa silid na ito ang bagay na yaon.  Katabi sa 
higaan.  Kasalo sa pagkain.  Nakikitawa sa ating mga salaysay.  Nakasiksik 
sa bawat sulok.  Nakapaskel sa dingding.  Di lamang natin namalayan.

BLAS: Wala pa ba ang mga pulis?
HUSE: Wala pa.  Mayroon ka pang ilang sandali.
BLAS: Ano kaya ang mangyayari?
HUSE: Depende.
BLAS: Nakababaliw ang paghihintay sa silid na ito.
HUSE: Palipasin natin ang nalalabing sandali.
BLAS: Paano?
HUSE: Pakinggan natin ang iyong talumpati.
BLAS: Ha?
HUSE: Sa huling pagkakataon.
BLAS: Naniniwala ka nga.
HUSE: Bakit?
BLAS: Hindi tutoo ang lahat ng iyon.
HUSE: Ang unyon. Ang kagitingan. 
BLAS: Kaydali nating maniwala.  Kahit ano'y pinaniniwalaan natin.   
HUSE: Walang ganoong istorya?
BLAS: Walang Compania Prosperidad.  Walang pag-aaklas ng di matapos-tapos. 
ala Blas de la Cruz.

HUSE: Ano'ng sinasabi mo?
BLAS: Walang pagkakaiba ang ating mga salaysay.  Iisa ang daang tinalunton 
natin para makarating dito.

HUSE: Mabatong daan.
BLAS: Malupit!
HUSE: At ngayon…
BLAS: Nasa harap tayo ng pader.  Mataas na pader - Sabi mo'y masarap mabuhay?
HUSE: Bumaba na ang telon.
	(Darating sina MRS. SALVACION. Kasunod ang dalawang pulis, ang dating 
gumanap na ATTENDANT at DOKTOR)  

MISIS:  Lolo Blas -

BLAS: Kanina pa namin kayo hinihintay.

MISIS: Sumama po kayo sa kanila ng maayos.  Sa himpilan na raw po gagawin 
ang imbestigasyon.

	(Ilalabas ng dalawang PULIS ang posas.)

BLAS: Kailangan pa ba 'yan. 

PULIS: Sumusunod lang po kami sa patakaran.

BLAS: Nakaposas na ako sa aking kulubot.

MISIS: Sundin po natin ang dapat mangyari.

	(Ikakabit ang posas.)

	(Walang imik na lalakad patungong pinto ang apat.  Bago lumabas, 
hihinto si BLAS at tatawagin si HUSE) 

BLAS: Huse, dumating na ang bagay na iyon.  Hindi lang natin 
namalayan.  Hindi tayo nabigo.
	(Lalabas sina BLAS)

	(Pagkaraan ng ilang sandali. Uungol si PEDRO.)

HUSE:  Pedro…

	(Babangon ito)
  
PEDRO: Si Blas?  Nasaan si Blas?

HUSE: Dinala na ng mga pulis.

PEDRO: Tayong dlawa na lamang?

HUSE: Oo.

PEDRO: Ayoko.

HUSE: Pedro -

PEDRO: Kagabi'y si Tandang basyo.  Kanina'y si Sotero at ngayo'y si Blas.  
Ano'ng sumpa ito?  Ano'ng sumpa?

HUSE: Pedro -

	(Uupo sa higaan)

PEDRO: Kausapin mo ako.

HUSE: Tungkol saan?

PEDRO: Kahit ano.

HUSE: Bakit?

PEDRO: May ayaw akong isipin.

HUSE: M - masaya ka rito?

	(Hindi sasagot si PEDRO. Lalakad sa bintana.  Sisilip 
sa kabilang pabilyon)

PEDRO: Walang ilaw sa kabila.  Hindi ba tayo pupunta 
sa common room?  Gagawa ng walis tingting, ng tro pilo, 
ng paper mache- o makikipag-usap kaya sa mga imbestigador? 
Ang mga taga-telebisyon, wala pa ba?
 
HUSE: Nakakapagod ang maghintay.

PEDRO Sumasakit ang likod ko.

HUSE: Sa isang banda'y (Matitigilan.)

PEDRO Sa isang banda'y ano?

HUSE: Wala.

PEDRO Anong wala?

HUSE: Wala akong gustong sabihin.

HUSE: Ano?

PEDRO: Sa isang banda'y mabuti pa sina Tandang Basyo, 
sina Sotero at Blas - Huse? 

HUSE: Hindi ko gustong banggitin 'yon.

PEDRO: Wag kang mag-alala.  Kanina pa, 'yan din ang di 
mabaklas-baklas sa isip ko.

	(Magliligpit si PEDRO ng higaan)

PEDRO: Iligpit na natin ito.

PEDRO: Sige.

HUSE: Para kung dumating si Misis, malinis.

	(Kukunin ni PEDRO ang tagpi-tagpi niyang kumot)

PEDRO: Marupok na ang aking kumot.  Balabal 
ko sa madaling-araw Balabal sa mga gabing di ako dalawin ng antok.

	(Kikipkip ang kumot)

HUSE: Ititiklop ba natin ang kutson nina Sotero at Blas?

PEDRO: Wag na.  Bayaan mo na ang mga attendant.  Trabaho nila 'yan.

PEDRO: Ang mga palaspas?

HUSE: Dalhin mo.  Itapon.  Ilagay kaya sa altar.

	(Lalabas si PEDRO.  Ngunit saglit na hihinto upang linginin 
si HUSE PAGDATING SA PINTUAN)

PEDRO: Huse - paalam.

	(Nakatingin lamang si HUSE.)

	(Dilim)



Ikatlong Tagpo

	Katulad sa unang tagpo, uang yugto.  
Nakaupo si HUSE sa higaan.  Nakatiklop ang mga 
gapok na kutson sa kama nina BLAS, SOTERO, PEDRO)

HUSE: Ano'ng sumpa ito.  Anong sumpa?  Hanggang kailan ang pagtanghod 
sa tulalang pader?  Malamig.  Malamig na malamig. Parang haplos ng karit ni 
Kamatayan.  Parang haplos…

	Iyon. Iyong ang magiging simula ng dula, pagtaas ng telon, Isisiwalat 
ko ang mga gabi't araw ng aming pag-iisa nina Pedro, Blas at Sotero.  Mga gabi 
ng pag-harap sa 'ming budhi.

	Nang umagang iyon, nakulong ako sa 'king silid.  Nagbilang ng kung ilan 
ang pilat sa pader.  Kung ilan ang sugat ng mga pamukuang gumurlis sa pader.  
Abuhin ang silid.  At sino ang magsasabi kung ilang salaysay ang masusulat tungkol 
dito?  Kung ilang kaluluwa ang tulad namin - nina Blas, Sotero at Pedro.

	(Palakad-lakad.  Lilibutin ang buong silid)

HUSE: Nang umagang iyon, wala akong lakas na lumabas.  Binaybay ko na lamang ang 
aming abuhing silid.  Aming silid.  Binaybay nang binaybay.  Minemorya ko ang 
ayos ng silid.  Tulad ng pagmememorya ng isang manlalakbay sa lilisanin hilatsa ng 
palitada.  Ang sukat ng silid.  Ang kulay.  Pati ang amoy nito. Amoy lisol.

	Tinandaan ko ang luwang at sikip ng aking daigdig.

	(Dadamputin ang palspas) Ang aming huling estasyon. 
 
HUSE: At nang umagang iyon, isang umagang mataliksik ang sikat ng araw, 
payapang-payapa ang lahat, muling nagbalik si Misis Salvacion.

TAGPO SA NAKARAAN

	(Darating si MISIS SALVACION)

MISIS: Lolo Huse -

HUSE: Misis.

MISIS: A-ano po'ng ginagawa ninyo?

HUSE: Naglalakad.

MISIS: Kumusta po kayo?

HUSE: Mabuti naman po.

MISIS: A -- ba't di po kayo maupo?

HUSE: Masakit na po ang likod ko sa kauupo.

MISIS: Nalulungkot ba kayo rito?

HUSE: Paminsan-minsan.

MISIS: A…

HUSE: Hindi po naman natin maiaalis 'yon.

MISIS: Malinis na ang inyong silid.

HUSE: Nilinis po namin.  Malakas pa namn kami.  Madaling 
linisin ang silid at maliit lamang.

MISIS: Di po kayo lumabas?

HUSE: Dito na lang po.  Para akong hinahapo.

MISIS: Wala man lang kayong kausap dito. 

HUSE: Maya-maya po'y darating na si Pedro.  Lumabas lang.

MISIS: Lolo -

HUSE: Ho?

MISIS: A --- ayaw n'yo bang magpahinga?

HUSE: Wag na po.

MISIS: Lolo --

	(Uupo si MISIS SALVACION sa higaan)

MISIS: Lolo - patay na po si Lolo Pedro.

HUSE: Ha?

Back to Home Page