Site hosted by Angelfire.com: Build your free website today!

Pag-ibig o Kasalanan?
by: Aris

It was a sunny Friday afternoon,
labas pasok ang mga parukyanong dumudulog sa Fastfood Restauarant na iyon na aking pinapasukan.
Mula sa dining area hanggang sa pila ng mga tao sa counter dumako ang aking tanaw.
Nagtama ang aming tingin ng babaeng iyon,
hanggang mauwi sa pag-ngingitian.
At nagka-kilala kami.
Naging madalas ang pagpunta niya sa lugar na iyon, nasanay na ako sa oras ng kanyang pagdating, tuwing alas-tres ng hapon.

Hindi siya ganon kaganda, pero siya'y kaakit-akit sa akin, magkasing-taas lang kami, may bilugan siyang katawan at hanggang balikat na buhok, yung tipong pang-komersyal ng shampoo ang dating.
Morena ang kanyang kulay at may makinis na kutis.
Napag-alaman ko na laking probinsya siya at graduating student ng QCMC bilang Physical Therapist.
Lagi siyang may ngiti sa labi, larawan ng isang kuntento sa buhay.
Iyon marahil ang isa pang dahilan kaya naaakit ako sa kanya.


Isang araw iyon na day-off ko subalit naroroon ako sa lugar na iyon at inaabangan ang kanyang pagdating.
Iimbitahan ko siyang mamasyal at tuloy masabi ko itong nararamdaman kong pag-ibig sa kanya.
Isang oras, dalawang oras, hanggang sa pagsapit ng takip-silim akong naghihintay sa kanya datapwat sawimpalad ako ng araw na iyon,
Hindi siya dumating.
Ilang araw na ang lumilipas ngunit hindi siya nagagawi sa aking pinagtatrabahuhan.
Pagluluksa ang kawangis ng mga araw sa akin ng mga panahong iyon
"Kung naging maagap lang sana ako na masabi sa kanya ang damdamin ko ."
Ito ang madalas na himutok ko sa aking sarili.
Alam kong may pagtangi din siya sa akin, dangan nga lamang at naging torpe ako.
"Naimbyerna 'ata kaya hindi na nagpakita".
Naisip ko.

Matuling lumipas ang dalawang taon, papauwi ako sa aming lalawigan upang magbakasyon. Sa pamamagitan ng barko'y makakarating ako sa aming bayan.
Datapuwat may kasungitan ang panahon, animo'y matandang dalaga ang pag-bugso ng hangin, tila nagdadabog.
Sawimpalad na lumubog ang barkong aking kinalulunlan…
Mataas na ang araw ng magising ako, nasa isang dalampasigan, sinasalpok-salpok ng alon.
Tumayo ako't paika-ikang naglakad. Sa di kalayuan ay may natanaw akong isang bahay sa ilalim ng mga mayayabong na punong niyog, isang may kalakihang bahay na yari sa semento.
Atubili akong nagpa-taopo at pagdaka'y may lumabas na isang nasa kalagitnaang edad na babae(tila kasing edad ng aking ina).
Sa palitan ng aming mga pangungusap ay nalaman niya ang nagyari sa akin sa nakalipas na bente-kuwatro oras.
Agad niya akong pinatuloy. Sa pagpasok ko sa bahay ay namataan ko ang isang bukas na pinto ng isang kuwarto.
Naririnig ko ang mahinang iyak ng sanggol. Sa gilid ng kama'y may naka-upong isang babae, sa wari ko'y siyang ina ng bata. Nakatalikod ito mula sa pinto.
Biglang bumilis ang pintig ng aking puso, kilala ko ang hubog ng katawang iyon, ang lapad ng balikat na tipong swimmer, ang buhok na makintab na parang pang-komersyal ng shampoo, lalong higit ang malaking nunal sa kanang balikat.
Silakbo ng damdamin, naibulalas ko ang pangalang, "Marianne!!"
Iglap ay humarap siya sa akin, at pagkuway ay patakbong yumakap.
hindi ko maipaliwanag ang sensasyong dulot ng pagkikita naming iyon, basta ang alam ko, totoong mahal din ako ng babaeng ito, halos ayaw naming pakawalan ang isa't-isa .
Walang namumutawing kahit katiting na salita sa pagitan naming dalawa, ngayon namin na hinuha ang damdaming matagal na naudlot, dangan nga lamang at dangan nga lamang at hindi na angkop sa panahon.
Nasa ganon kaming kalagayan ng dumating ang kanyang ama, pati ang kanyang ina'y manghang-mangha sa nasaksihan.
Ganon pa man, naging maayos ang lahat matapos naming ilahad ang nakaraan naming pagka-kilala.

May asawa na si Marianne at sa kasalukuyan ay nasa ibang bansa , nagtatrabaho bilang Cosultant sa isang malaking Architectural Cosultancy Agency.
Meron na silang isang supling na apat na buwan pa lamang isinisilang .
Ang magiliw nilang pagkukop-kop sa akin ay sinuklian ko ng ibayong sipag. Tumutulong ako sa pangingisda, pagkukumpuni ng mga lambat at bangka, pagsasaka ng niyog at kung anu-ano pang kabuhayan sa lugar na iyon.
Sa paglipas ng mga araw, sa pagsikat at paglubog nito, lalo kaming napapalapit sa isa't-isa. Dahilan dito'y napagsisilbihan ko si Marianne at ang kanyang anak, hanggang sa pakiramdam ko'y ako ang kanyang asawa sa pananatili ko sa lugar na iyon.
Nagpasya akong umalis, baon ang pangako ni Marianne na isang araw ay magkakaroon ng katuparan ang pag-ibig naming dalawa .
Lumuwas akong muli ng Manila matapos na makagaling sa aming probinsya, upang isang araw ay bumulaga si Marianne sa aking paningin.
Kulay rosas ang paligid ng mga oras na iyon.
Samantala'y nagtago ang buwan sa likod ng mga ulap ng gabing iyon, at unti - unti, bumabayo ang malakas na hangin at kasunod ay ang pagbuhos ng malakas na ulan, dinidilig nito ang tigang na lupa, paulit-ulitparang ayaw magsawa,
hanggang sa tila napagod at tumila na ang ulan.

Naging madalas ang aming lihim na pagkikita mula noon, tulad ng dagang naglalaro habang wala ang pusa, nagtatampisaw sa kaligayahan.
Alam kong hindi dapat, ngunit hindi ko kayang hadlangan ang puso ko, marahil kahit kamatayan…

Apat na taon ang matuling lumipas, nagbunga ang halamang dinidilig ng mapangahas na ulang iyon, ngunit tulad ng kanyang ina'y hindi ko puwedeng angkinin ng tuluyan.
Nakatakda na silang umalis ngayon, kasabay ng mabilis na tik-tak ng orasa'y ang pagsahimpapawid ng eruplanong kanilang sinasakyan.

Naglaho ang lahat sa akin.
Pakiramdam ko'y nasa gitna uli ako ng karagatan, pinaglalaruan ng naglalakihang mga alon, walang alam gawin, hindi alam ang patutunguhan.
tuluyan na silang inilayo sa akin, doon na sila maninirahan sa bansang Canada, kung magkikita pa ami'y hindi ko alam…Walang katiyakan kung kelan maghihilom ang sugat ko.
Gusto ko siyang pigilan subalit ayokong mawasak ang tahanang iyon, ayokong sirain ang kinabukasan ng mga bata .
Mahirap maging produkto ng wasak na tahanan, tulad ko...

Tulad ng isang batang paslit sa dalampasigan na walang sawang gumagawa ng kastilyong buhangin na paulit-ulit namang ginuguho ng mga alon, tulad ko'y walang sawa rin akong nangangarap na isang umaga ay ihahatid ko si Marianne sa harap ng altar upang maka-isang dibdib…
Kung hindi man dito, siguro'y sa dako pa roon, kung hindi man ngayon, marahil sa mga darating pang panahon.

BACK

Next