Ang Misteryo ng Glu-Glu

    Sa buhay ng tao, isang malaking palaisipan ang misteryo ng Glu-Glu. Marami ang nagtatanong kung ano ito. Buweno, hayaan ninyong aking isalaysay ito sa inyo.

     Ang misteryo ng Glu-Glu ay isang misteryo na kinakailangan ng malalim na pang-unawa. Iilang tao pa lamang ang nakaririnig nito, at tunay na siya ay isa sa mga pinakahinahangad na bagay ng mga tao. Mapalad ang siyang kaagarang mauunawaan ang tunay na halaga at kahulugan ng misteryo ng Glu-Glu, sapagkat siya ay taong tunay na kahanga-hanga. Narito ang kuwento ng isang taong nadiskubre ang misteryo ng Glu-Glu sa loob ng mahabang panahon.

     Mga ilang taon na rin ang nakalipas ng mayroong isang bata na mga apat na taong gulang pa lamang. Siya ay kabahagin ng isang mahirap na pamilya, subalit pinahahalagahan ng kanyang pamilya ang edukasyon. Isang araw, siya ay kinausap ng kanyang ama at sinabi sa kanya, "Anak, balang araw ay
malalaman mo rin kung ano ang misteryo ng Glu-Glu."

     "Itay," tugon ng bata. "Ngayon ninyo na po sa akin sabihin. Ano po ba ang misteryo ng Glu-Glu?"

     "Anak, masyado ka pang bata para lubusang maunawaan ang misteryo ng Glu-Glu," ang sabi ng kanyang ama. "Pagbutihin mo ang iyong prep at ikaw ay maging isang valedictorian. Matapos noon ay malalaman mo kung ano ang misteryo ng Glu-Glu."

     Nakaraan ang isang taon. Naging valedictorian ang anak sa prep. Agad-agad siyang pumunta sa kaniyang ama at sinabing, "Itay, ako po ang valedictorian ng batch namin. Maaari ko na po bang malaman kung ano ang misteryo ng Glu-Glu?"

     Sumagot ang ama, "Anak, masyado ka pa ring bata para lubusang matarok ang kahulugan ng misteryo ng Glu-Glu. Tapusin mo muna ang iyong elementarya at muli kang maging valedictorian. Matapos noon, tiyak na malalaman mo rin kung ano ang misteryo ng Glu-Glu."

     Nanghinayang man ang bata, tuloy pa rin siyang nagsikap. Mula grade 1 hanggang grade 7 ay siya ang naging pinakamahusay na estudyante sa kanilang aaralan. Kaya nga't walang nagulat nang siya ay mahirang na valedictorian ng elementarya.

     Kaagad pumunta sa ama ang anak. "Itay, Ako na po ngayon ang valedictorian ng batch namin. Siguro naman ay puwede ko na pong malaman ang misteryo ng Glu-Glu."

     Nawala ang ngiti sa mga labi ng ama. Kanyang hinawakan ang anak sa balikat at sinabing, "Anak, ako ay talagang bilib sa iyong kagalingan. Subalit, kulang pa rin ito upang iyong maunawaan ang misteryo ng Glu-Glu. Tapusin mo muna ang iyong hayskul at muling maging valedictorian. Matapos noon ay iyong mauunawaan kung ano ang misteryo ng Glu-Glu."

     Masakit man sa damdamin ng anak, siya ay nagsikap pa rin sa hayskul. Mula unang taon hanggang ikaapat, talagang pinahanga niya ang mga guro at kamag-aral niya sa kanyang angking talino't galing.  Nang magtapos siya ng hayskul, hindi lang siya valedictorian, naghakot pa siya ng mga sampu pang mga medalya.

     Muli siyang lumapit sa kanyang ama. "Itay," pagsusumamo ng anak. "Hindi lang po ako ang valedictorian ng aming batch, naghakot pa po ako ng maraming mga karangalan. Maaari ko na po bang malaman kung ano ang misteryo ng Glu-Glu?"

     "Maaari," panimula ng ama, na siyang ikinagalak ng kanyang anak. "Subalit hindi mo pa rin siya maaaring maunawaan ng lubusan. Nangangailangan ka munang maging isang doktor at maging isang Magna cum Laude ng iyong batch. Matapos noon ay tiyak na malalaman mo rin kung ano ang misteryo ng Glu-Glu."


     Matagal na nag-pursige ang anak. Higit isang dekada siyang nagsikap na makapagtapos sa pagiging isang doktor. At gaya ng inaasahan, siya ay nahirang na Magna cum Laude sa kanyang batch, at laking tuwa niya sa pangyayaring ito. Kaagad siyang pumunta sa kanyang ama upang ipamahagi ang magandang balita-at malaman ang pinakaaasam niyang madiskubre. Ang misteryo ng Glu-Glu.

     "Itay, ako po ay Magna cum Laude at isa na pong ganap na doktor. Siguro naman po ay nagawa ko na ang kinakailangan upang maging karapat-dapat makaalam ng misteryo ng Glu-Glu." Ang naging linya ng anak sa kanyang ama.

     "Ikinalulungkot ko," umpisa ng ama. "Subalit hindi pa rin iyan sapat upang iyong maintindihan ang misteryo ng Glu-GLu. Tayo ay nasa mahirap na pamilya lamang, anak. Kung maiaahon mo tayo sa hirap at ikaw ay magiging bilyonaryo. Nakakatitiyak akong malalaman mo rin ang misteryo ng Glu-Glu."

     Ganoon nga ang ginawa ng anak. Siya ay nagsipag sa pagiging doktor, at siya ay naging tanyag sa larangang iyon. Dahil sa kanyang sipag, sa loob lamang ng pitong taon ay naging isa na siyang bilyonaryo at naiahon na niya ang kanyang pamilya sa kahirapan. Kinausap niya ang kanyang ama. "Itay, ngayon po ay bilyonaryo na ako at naiahon ko na kayo sa kahirapan. Maaari ko na po bang malaman kung ano ang misteryo ng Glu-Glu?"

     "Anak, hindi pa rin," ang sagot ng ama. "Marahil ay wala ka pa ring maiintindihan sa misteryo ng Glu-Glu hangga't sa hindi ka pa nagkakaroon ng asawa at limang anak."

     Agad naghanap ang anak ng isang mapapangasawa, dahil hindi niya inisip ang pag-ibig sa pitong taon ng pagsisikap niyang maging isang bilyonaryo. Sa loob ng anim na taon, siya ay nagkaroon ng limang anak at agad siyang lumapit muli sa kanyang ama sa binyag ng kanyang ika-limang anak.

     "Itay," ang sabi niya. "Lahat na po ay nagawa ko. Mayroon na po akong asawa, mayroon narin po akong limang anak. Sana naman ay sabihin ninyo na po kung ano ang misteryo ng Glu-Glu."

     "Anak," ang tugon naman ng ama. "Kung iyong pagpapasensyahan. Matagal ko nang pinangarap na makabalik sa tanging ibang bansa na napuntahan ko. Sana'y madala mo ako muli sa lupang America upang doon mo malaman kung ano talaga ang misteryo ng Glu-Glu."

     Kaagad nagpatawag ng helicopter ang anak. Bago sila sumakay, binalaan sila ng piloto. "Isa lang ang kakayanin kong isakay dito. Hindi ko kayo maisasakay pareho."

     Medyo may katangahan din ang anak. Sabi na lang niya, "Walang problema. Kakandungin ko si Itay."

     At tama ang iyong hula. Hindi nakayanan ang timbang ng mga tao kaya bumagsak ang helicopter sa Lake Michigan. Mabuti na lang at hindi napahamak ang dalawa, subalit nabawian ng buhay ang piloto. "Itay," sabi ng anak sa
ama. "Nandito na po tayo sa America. Ano po ba talaga ang misteryo ng Glu-Glu?"

     Medyo nakainom ng tubig ang ama, pero sumagot pa rin siya. "Anak, ang sabi ko, LUPANG America. Nasa Michigan Lake pa rin tayo."

     Kinuha ng anak ang ama at kanyang kasamang lumangoy papunta sa lupa. Iniapak niya ang mga paa ng ama sa lupa at sinabing, "Itay, ito na po. Ang lupang America. Sabihin ninyo na po sa akin ang misteryo ng Glu-Glu."

     Sinabi ng ama, "Anak, hindi mo maaaring malaman ang misteryo ng Glu-Glu kung hindi mo ako dadalhin sa New York."

     Napupundi na ang pasensya ng anak. Wala silang pera kaya mula Michigan ay naglakad sila papuntang New York. Matapos ng mga higit sa isang linggo, nakarating na rin sila sa New York. Galit na sinabi ng anak, "Itay, ano po ba talaga ang misteryo ng Glu-Glu? Nandito na po tayo sa New York at kapag hindi ko pa po nalaman dito ay tiyak na malalagot kayo sa akin!"

     Nasindak man ang ama, malumanay pa rin siyang sumagot. "Anak, dalhin mo muna ako sa tuktok ng Statue of Liberty. Matapos noon ay doon mo malalaman kung ano ang misteryo ng Glu-Glu."

     Sawang-sawa na ang anak sa mga pangako ng kanyang ama. Hinatak niya ang kanyang ama sa buong isang daan apatnapu't dalawang hakbang ng istatwa bago makarating sa tuktok at nakakaawa ang estado ng kanyang amang bugbog ang katawan sa sobrang bilis ng pag-akyat. Muli niyang sinabi sa kanyang ama, "Itay, sabihin ninyo na po ang misteryo ng Glu-Glu sa akin ngayon o ilalaglag ko kayo mula dito."

     "Anak," ang sabi ng ama. "Kunin mo ang isang malaking kahon na itinago ko sa may uluhan ng istatwa. Iakyat mo dito sa apoy ng istatwa at malalaman mo na rin ang misteryo ng Glu-Glu."

     Umiinit na ang tagpo. Tumakbo pababa ang anak, at hinanap ang malaking kahong sinasabi sa kanya ng kanyang ama. Matapos ang ilang sandali ay natagpuan niya rin ang malaking kahon na kataka-takang hindi man lamang napansin ng ibang mga tao sa loob ng maraming taon. Tumakbo ulit siya pataas, ipinakita ang kahon sa ama at sinabing, "Itay, ito na po ang kahon. Sabihin niyo na po kung ano ang misteryo ng Glu-Glu o talagang ilalaglag ko kayo mula dito."

     "Buksan mo," utos ng ama. Sa loob ng malaking kahon ay isa pang mas maliit na kahon.

     "Buksan mo pa!" sambit muli ng ama. Sa loob nito ay isa pa ring mas maliit na kahon.

     "Buksan mo ulit!" utos na naman ng ama. Sa loob ng kahon ay isa pa ring mas maliit na kahon.

     "Buksan mo iyan!" sabi na naman ng ama. Sa loob ng kahon na iyon ay isa pang kahon na mas maliit, at lalo lamang nabibitin ang anak.

     "Buksan mo." sabi muli ng ama. Sa loob ng kahon ay isa pa ring mas maliit na kahon.

     "Buksan mo ulit. Iyan ang huling kahon." sabi ng ama. Sa pagkakataong ito, mayroong isang napakaliit na garapon na bumungad sa anak.

      "Alisin mo ang takip," bilin ng ama. Nagmadaling tinanggal ng anak ang takip. Subalit bago niya ito tuluyang mabuksan ay....

     "Huwag masyadong mabilis!" sigaw ng ama. Binagalan ng anak ang pagbukas at ng aalisin na niya sana ang takip ay....

     "Masyado pa ring mabilis! Ibalik mo ang takip at buksan ng unti-unti, with feeling!" sumbat ng ama. Sinunod siya ng anak. Kung anu-anong mga mukha ang ginawa ng anak at matapos ang dalawang oras, inalis na niya ang takip mula sa garapon. At ang laman? Walang laman ang garapon.

     "Walang hiya kayo, itay," nagngingitngit sa galit na sinabi ng anak. "Kapag hindi niyo pa sinabi sa akin kung ano ang misteryo ng glu-glu ay...."

     Sa sobrang takot ng ama ay inatake siya sa puso at namatay. Hinayang na hinayang ang anak. Sa sobrang galit ay inihagis sa tubig ang garapon. Kanyang pinanood ang pagbaba ng garapon na para bang ito ang susi sa misteryo ng Glu-Glu na matagal na niyang inaasam at nais sanang sambitin ng kanyang ama bago siya ay atakihin. Dahan-dahang bumaba ang garapon patungong tubig nang siya ay madawit ng ibon at iniakyat muli bago nabitawan. Umikot ng umikot ng umikot ng umikot ng umikot ng umikot ng umikot ng umikot ng umikot ng umikot ng umikot ng umikot ng umikot ng umikot ng umikot ng umikot ng umikot ng umikot ng umikot ng umikot ng umikot ng umikot ng umikot ng umikot ng umikot ng umikot ng umikot ng umikot ng umikot ng umikot ng umikot ng umikot ng umikot ng umikot ng umikot ang garapon hanggang sa ito ay bumagsak sa tubig. <Plok!> Unti-unting napuno ng tubig ang garapon at ito'y
dahan-dahang lumubog....

Glu-Glu. Glu-Glu. Glu-Glu. Glu-Glu. Glu-Glu.

 

Back to Favorite Works

Back to home page