Mabagal at panatag na umaawit ang dalampasigan, isang takip silim, isang pagkakataong naligaw ako sa isang paraiso – isang birheng isla. Gumagabi na. Kakaunti na ang mga taong naglalakad sa makinis na tabing-dagat. Ang ila’y papauwi na sa kani-kanilang mga inupahang kubo. Kasabay ng halos tahimik na halik ng alon sa pampang ang aking payapang gunam-gunam. Walang nagtangkang lumusong sa tubig sa takot na baka lamunin sila ng itim na dagat kung saan naliligaw ang isang kagandahang malayung-malayo sa hitsura ng bruhang lungsod…
Umaga. Nagmamadali ka dahil baka mahuli ka na naman sa opisina’s masukahan ng sili’t sibuyas, at iba pang maaanghang na bokabularyo mula sa bibig ng boss mong kamukha ng biyenan mong namatay dahil nabulunan ng siling labuyo. Kasalanan ito ng alarm clock mong may katok, na sana’y matagal mo nang itinapon dahil wala namang kuwenta; pero dahil wala kang panahong makadaan sa SM o ‘di kaya’y sa National Bookstore (National for short), dahil nga wala ka ring panahon sa dami ng ginagawa mo sa buhay (me kuwenta man o wala), hindi mo magawang ibalibag sa dingding ang kulay-green-na-hugis-octagong-made-in-China na panggising mo sa mga umagang lagging nagmamadali o sa “Lunes na mahirap bunuin.”
Siyempre, may tubig naman (hindi kagaya noon na parating wala sa mga eksenang katulad nito). Maliligo ka gamit ang pinakabagong sabong gawa ng Procter and Gamble, ang Safeguard na fruity flavor. Pansamantalang amoy-mansanas ngayon ang katawan mo (melon naman kahapon). Kaso dahil sintetiko ang bangong dala ng sabon, wala pang isang minuto’y amoy-tao ka na uli. Magbibihis ka pagkatapos. Nagmamadali. ‘Di baleng medyo lukot pa ang kulay peace mong long sleeves, medyo matigas-tigas pa ang ka-terno nitong slacks dahil hindi naplantsa nang maayos ng Lavandera Ko (o masyado namang ang pagkakaplantsa’t mistulang papel na ang hitsura). Mag-aalmusal ka pa ba? Siguro. Pero baka kung hindi kape’t biskwit (na madalas ring pumapel sa mga ganitong klaseng eksena), o kaya’y Nestlé Nesvita (ready to drink cereal drink) at kung anumang maaaring damputin sa loob ng ref. Tira-tirang roll cake man ‘yan, o malamig na spaghetti mula sa Jollibee o matigas na Ma-Ling (luncheon meat). Matagal rin kasi ‘yung humigit-kumulang tatlong minutong pagpapakulo ng tubig. Late ka na!
Paglabas mo sa bahay, masaya kang binati ng araw. Mainit kang binabati ng nakakairita nitong mga silahis. 27ºC yata ang temperatura ngayon. Ngunit mamaya, kung nasa gitna ka ng isang tila nakaliligaw na espasyo [dahi nililigaw ka ng iyong katinuan (kung may sarili kang sasakyan) ng drayber (na nililigaw din ng kanyang katinuan) o mismong ng iyong mga hakbang o inipit ka ng trapik (kongestyon)], papasalubungan ka naman ng mga palalong ulap ng libo-libo (o baka milyon-milyong) patak ng mahalumigmig na tubig-ulan (siyempre me kasamang asido). Dahil akala mo hindi uulan, mababasa ka o maambunan (pero mamaya pa ‘yon, siguro ‘pag pauwi ka na). Iniisip mo ang mga maaring paglalakbay na magagawa mo sa loob ng iyong isipan.
Hinihiling mo, habang nasa loob ka ng masikip at amoy-nasusunog-na-basahan-sa-loob-ng-oben na sasakyan (halimabawa, FX, kotse mong bulok, o jeep sa gitna ng kalyeng ayaw magparaan), na sana’y nasa isang mapayapang isla ka: nakikinig sa awit ng dalampasigan, kapiling ang iyong minamahal (kung meron man) o basta, maski sarili mo lang, at pinapaypayang ka ng hanging payapa mula sa dagat, habang ang mga paa mo’y hinahalikan ng mga alon. Isang papagabing eksena marahil. Maya-maya, aagawin ang eksenang binubuo mo sa iyong imahinasyon ng boses ng boss mo. Nakikita mo na siyang nagbubuga ng usok, hindi na sili, kahit hindi mo pa siya kaharap, dahil nasa kalahati ka pa lang ng iyong destinasyon at tinitingnan mo ang iyong relo: 9:00 am.
Napakasaya pala ng iyong buhay.
…Malamlam ang nag-iisang mata sa langit, ang buwan. Mapayapang humahaplos sa aking paningin ang kanyang liwanag. Mahinang bulong lamang ng alon ang aria ng dagat, ang awit ng tubig-alat. Napakaganda ng gabing ito sa isla. Gusto ko tuloy tumula para sa kanya. Lumutang sa hangin at sungkitin ang mga nagkalat na tala. Gusto kong habulin ang hangin, hagkan ang mga ulap. Gusto kong kumawala sa kawalan...
Ginabi ka. Libu-libong (na maaring umabot pa sa milyon) patak ng alcohol ang kasalukuyang dumadaloy sa iyong mga ugat at bumubuwag sa iyong utak. Birthday ng kaibigan mong “Adik.” Ininom niyo, kasama ng barkada, ang buong gabi. Nagparaya sa ispiritu ng bisyo at makina ng pagkabulok, sa loob at labas ng sarili. Hilung-hilo ka. Isa ka na lamang hilong alamang o talangka na hinahanap ang daang pauwi sa iyong magulong tahanan. Tapos na ang sandali ng pagpapakawala ng libog, lungkot at sinalsal na halakhak. Ibinaba ka ni Joey (o si Richard nga ba?) sa kanto ng Katipunan at Aurora dahil hindi ka niya maihahatid sa Marikina. Didiretso na siya sa C5 dahil sa Alabang pa siya. Malaki ka na kaya’t kaya mo na sigurong mag-taxi o ‘di kaya mag-FX papuntang inyo. Ang kaso, wala ka na ring pera dahil inubos niyo sa alak, pulutan, saka tsiks (ilang beses ka bang nasuso ng putang dala ni Miguel?). malaki ka na kaya’t nasa gitna ka ng kanto ng Aurora’t Katipunan, naghihintay ng sasakyan, alas-dos ng madaling araw.
Gusto mong isuka ang iyong utak. Nararamdaman mo ang pagsisirku-sirko ng iyong bitukang ‘di na makayanan ang paglangoy ng asido. Niloloko ka ng mga ilaw. Patay-sindi silang nanunukso sa iyong mga mata. Ang bigat ng iyong katawan, parang isang sako ng semento ang bitbit mo sa iyong balikat. Hindi gaya kanina, para kang pinalulutang sa hangin ng mga halakhak mo at ng barkada. Pinagtatawanan nang mga walang kamatayang joke tungkol sa baklang ka-opisina n’yo dahil nga mga macho shit kayo. Ang saya-saya n’yo kanina habang bumubulahaw ang videoke ng mga kanta ng Aegis. Umaawit ka pa nga (na para kang tumutula). Ni minsa’y hindi pumasok sa ‘yo na baka pag-uwi mo mamya ay wala ka nang pang-taxi. O kaya’y mabuwal ka na lang basta sa gitna ng highway sa sobrang kalasinga’t masagasaan ng trak at tuluyang madurog ang makisig mong katawan. Hindi ka pwedeng matulog kina Adik dahil wala kang matutulugan. Maliit lang ang apartment nila at puno na rin ang mga maliliit na kuwarto ng bata’t matanda (lima ang anak ni Adik, isang asawa). Saka may pasok ka pa bukas/mamaya (pero ewan ko kung makakapasok ka pa). Kaya’t eto ka ngayon, naghihintay ng sasakyan (jeep o FX) papuntang SSS village. Gusto mo nang matapos ang gabing ito dahil malapit mo nang isuka ang iyong utak sa sobrang kalasingan. Gusto mo nang humiga’t humimlay sa iyong kama. Gusto mo nang makauwi’t sumuka nang sumuka nang sumuka…
Tatawid ka na sana nang biglang…
…Hatinggabi at halos tulog na ang buong isla. Sa palagay ko’y ako at ang ilang mangingibig ng gabi na lamang ang gising at naghihintay sa muling pagkabuhay ng araw. Hinihintay ang umaga, ang araw sa silangan, ang init ng buhangin sa talampakan.
Ano ang meron sa dalampasigan na wala sa siyudad? Ano ang wala sa siyudad na meron sa dalampasigan? Ano ang nagyari sa iyo? Alam mo ba kung bakit bilog ang mundo at tatsulok ang piramide? Maisusuka mo ba ang iyong utak? Bakit ka tumawid? “Hindi ba’t parang bakal, palagay mo?”
…Nagpapatuloy ang buhay. Maaring matapos sa tuldok ang mga salaysay.
Maari ring hindi.
*** Bwukanamsyet… may kasunod to! Pucha hindi ko makita. Baka sadyang hindi ako nakakuha ng kasunod na Kulê kasi wala akong klase o baka rin naitapon ko na. Pasensya na… may nakuha naman kayo dito kahit konti db? Kayo na bahala kung ano man naging kasunod… Susubukan kong makahanap ng isusunod pero mukhang malabo yata… Pis! ***
|