*** Para sa mga kapwa Isko at Iska na walang pakialam. ***
Nabuburat ako dahil lagi mo na lang akong binabalewala. Akala mo kasi, gano’n lang ako kadaling makuha. Hindi mo alam, mahigit tatlumpung tanga ang nagpapakahirap para lang magkita tayo linggu-linggo. Pero ikaw, tuwing nagkikita tayo, lagi mo lang akong dinadaan-daanan.
Ang hirap kasi sa iyo, wala kang pakialam. Sarili mo lang ang iniisip mo. Hindi ka nakikinig kapag sinasabi ko sa iyo na tataas na ang matrikula mo. Hindi ka nababahala kahit ikinukuwento ko na babawasan na naman ang budget ng eskuwelahan natin. At hindi ka pa rin kumikibo kahit ipinapaalala ko na sa iyong kailangan mo pa ring mag-ROTC/NSTP/NseP sa susunod na taon.
Nabubulag-bulagan at nagbibingi-bingihan ka tuwing isinisigaw ko sa iyong kailangan mong makialam at unawain ang problemadong lipunang ating ginagalawan. Bakit gano’n? Malabo ba akong kausap. Ayoko kasing isiping tanga ka lang talaga dahil alam ko, hindi ka talaga gano’n kababaw. Naniniwala akong kaya ka nandito sa Unibersidad ay dahil magaling ka, may utak, at may tuwid na pangangatwiran.
Pero bakit nagtatanga-tangahan ka? Palibhasa, ang gusto mo parati kang masaya. Puro pasarap at gimik. Kung hindi naman, laging nakasubsob ang mukha mo sa libro. Kesyo may exam ka bukas, may report sa susunod na lingo, o may laude na hindi dapat pabayaan. Kapag ako na ang lumalapit sa iyo, wala kang panahon.
Nakikita mo bang ang mga ginagawa kong ito ay para rin sa iyo? Kapag nagtaas ang matrikula, ikaw rin naman ang puputukan, ‘di ba? “pag binawasan ang budget ng Unibersidad, ‘di ba’t apektado ka rin naman? Reklamo ka nang reklamo na ang pangit-pangit at init-init sa klasrum mo, na kulang ang equipment sa lab niyo. Pero hindi mo naman inaalam kung bakit. Ayaw mong mag-ROTC/NSTP/NseP, pero ayaw mo ring makialam. Kung hindi nga dahil sa akin, baka hindi mo pa alam na may Student Regent ka. O baka hindi mo pa rin alam hanggang ngayon.
Sana mamulat ka. Sana makita mong ako ay higit pa sa simpleng pamunas, upuan, paying, papier mache, at kung anu-ano pa. Sana bigyan mo rin ako ng pagkakataong hubugin ang iyong kamalayan. Sana hayaan mong ikuwento ko sa iyo ang nakikita kong kakulangan ng mga namumuno sa ating eskuwelahan, pati na rin sa ating lipunan. Sana huwag mo akong tulugan kapag kinukuwentuhan kita ng mga isyung ikaw at ako rin naman ang maaapektuhan. Sabi nga ng iba, ang edukasyon ay hindi lamang nakapaloob sa apat na sulok ng klasrum, sa mga textbook, at sa pakikinig sa mga guro. Matutunan mo sanang umalam at makialam.
Sa susunod nating pagkikita, pansinin mo na ako.
|