Dito sa No. 20 Iba St., Sta. Mesa Heights, Quezon City ako unang natutong magbisikleta. Anim na taon ako, tag-init, nang bumili ang nanay ko ng pulang bisikleta – may busina, angkasan, at balancer para di ako sumemplang. Sa wakas, hindi na ako maiinggit sa pinsan kong si Kuya Alvin.
Masarap ang halik ng hangin sa mukha. ‘Pag nagbibisikleta ako noon, pinagmamasdan ako ng ibang mga bata. Gusto nilang hiramin ang aking bagong sasakyan. Pero ayoko. Naisip ko, baka ma-flat ang gulong, patay ako sa nanay ko.
Masarap ang pagsuklay ng hangin sa buhok. Parang daliri ng nanay ko na sumusuyod sa aking ulo kapag pinatutulog ako. Iyon bang pakiramdam na kumportable ka, parang walang mangyayaring masama sa ‘yo habang natutulog, dahil alam mong binabantayan ka. Minsan, nakaka-miss ang ganoong pakiramdam.
Gusto ko noong magbisikleta nang magbisikleta. Gusto kong ikutin ang buong barangay naming. Bumisita sa ibang kalyeng hindi ko pa napupuntahan. Tingnan kung magaganda ba ang bahay doon, o pangit tulad ng sa amin. Gusto ko ring matuklasan kung mas mura ba talaga ang halo-halo sa tindahang malapit sa amin kaysa sa ibang tindahan.
Araw-araw, iba’t ibang kalye ang binibisita ko. Minsan, nasumpungan kong pumunta sa Algeciras St., sa may riles ng tren – doon sa may hanay ng mga barumbarong, doon sa kung saan napakaraming bata. Sabi ng kapitbahay naming matanda, delikado raw doon dahil maraming magnanakaw, baka agawin ang bisikleta ko. ‘Pag nangyari raw iyon, lagot ako sa nanay ko.
Pero pumunta pa rin ako roon. Kung ano ang bawal ay siyang gustong-gusto kong gawin. Walang may bisikleta sa lugar na iyon. Kaya nang dumating ako, sinalubong ako ng mga batang Algeciras – nahihiyang hindi mo maintindihan ang mga matang nakatitig sa akin, sa bisikleta kong pula. Madungis ang kanilang mga mukha at puro libag ang mga braso’t kamay. Sunog sa araw ang kanilang mga buhok, at maaamoy mo ang kanilang balat. Walang may bisikleta roon. Ang tanging gulong doon ay ang mga bubungang lata ng barumbarong at ang tren na maya’t maya’y dumaraan – na para sa akin ay kamangha-mangha at kakaiba ngunit para sa kanila ay mga pangkaraniwang bagay na lamang.
Marami, nahihiya, malalamlam ang mga matang nakatitig sa akin. Sa wakas, may isang batang kumurap – gusting hiramin ang aking bisikleta. Isang batang lalaking siguro’y limang taong gulang. Hindi naman ako maramot na bata noon, pero natakot din ako sa babala ng matandang babaeng laging nananabako tuwing tanghaling tapat sa kalye namin.
Tumanggi ako. Sabi ko: “Uuwi na ko. Papagalitan ako ng nanay ko.” Pero nagpumilit ang batang lalake. Sabi ko: “Ayoko. Hindi puwede. Mapapagalitan ako ng nanay ko.” Hindi naman ako maramot na bata noon.
Sabi ng batang lalaking hindi ko man lamang natanong ang pangalan, “Tang-ina mo! Madamot ka! Mabangga ka sana!”
Dumidilim na ang langit. Umuwi akong maulap ang mga mata.
|