Hindi ako relihiyosa. Hindi ako nagsisimba. At hindi ako nagdarasal.
Hindi na dahil hindi talaga ako ganito kahit noong ako’y batang bata pa.
Kung malalaman lang ito ng mga madreng namamalakad ng paaralang pinasukan ko noon sa Davao, sigurado, manhihilakbot ang mga iyon. Hindi nila akalain na si Allanah Datung – ang nahirang na Best in Christian Living noong 4th year, ang nagging team leader ng retreat, ang naka-93 sa Conduct – ay nagupo na ng tukso, nilamon na ng kasamaan, at nagging kasapakat na ni Satanas.
Eksaj. Pero sa totoo lang, huling sumyad ang mga paa ko sa simbahan noong Pasko – tatlong taon na ang nakakaraan. At ‘yun ay dahil naghuramentado ang tatay ko kasi ako lang sa pamilya ang hindi sasama.
Siguro, nagrerebelde ako sa palakad ng sagrado katoliko kong paaralan kaya ako nagkakaganito. Noon pa man, hindi ko na matanggap na kailangang ipilit sa aming magsimba linggu-linggo (upang isulat ang aming “reflections” sa Gospel), magdasal at magrosaryo minu-minuto (at iadya ang mga mahihirap at maysakit), at i-require kaming mag-retreat kahit hindi namin gusto at hindi namin ‘yun naiintindihan.
E sa totoo lang naman, hindi sukatan ang mga iyon para “maligtas” ang isang tao. Kung haharap ka kay San Pedro ngayon, pustahan, hindi ka niya tatanungin kung ilang beses kang nagdarasal sa isang araw, kung regular ka bang nagungumpisal, at kung taun-taon ka dumadalo sa mga retreat at recollection.
Mas nanaisin niyang malaman kung nabuhay ka nang marangal, kung nakitungo ka nang wasto sa iyong kapwa, at kung may naiambag ka para sa ikabubuti ng mundo.
Ang mga iyan, sa tingin ko, ang tunay na batayan kung sa langit ka patungo o sa impiyerno.
|