LAKAS TAMA

"Sino bang umimbento ng pag-ibig?"

Isang kasamahang senglot ang nagbato ng tanong na ito, isang madaling araw ng presswork sa Kulê. Binasag nito ang antok kong dala ng sunod-sunod na takatak ng keyboard.

Nag-aangas ang mokong. Nabasted na naman pala kahapon kaya nilunod sa gin bulag ang multo ng di-sinukliang mga halik at yakap.

“Tang-ina nila! Mamatay na’ng umimbento ng pag-ibig!”

Putangina mo rin! Hindi ako makapag-isip sa ingay mo. Isa pa, mukha kang gago. Maliit na bagay lang ‘yan pero parang gumuguho ang bundok ng basura sa Payatas sa ‘yo. ‘Wag mong dalhin ang mga bagahe mo sa opisina dahil tambak na ang bagahe natin dito.

Masama rin naman ang araw ko kanina a! nagkita kami ni kwan, at tulad ng dati, nanood kami ng sine, kumain sa Burger King, nagkwentuhan. Ikinuwento ko sa kanya ‘yung bago kong crush. Nakangiti lang siya habang nakikinig. Hinanap ko ang lungkot sa kanyang mga mata. Para kong sinaksak ang aking sarili.

Itinabi ko sa madilim na sulok ng aking utak ang alaala ng “umimbento” ng pag-ibig sa ‘kin, para hindi ko na siya maisip. Pero habang patuloy ang takatak ng keyboard sa paligid ko, hinahatak na naman niya ako, tinutukso.

Dapat siguro’y nagpakalango na rin ako sa gin bulag.

Pero naisip ko, mas kailangang tapusin ang diyaryo, ipaalam ang mga isyu, humulma ng opinion at panindigan ang pinaniniwalaang tama.

Hindi makakatulong ang pagkabulag.

“Itulog mo na lang iyan.” Sambit ko, at muli kong nilunod ang sarili sa pagsusulat.
-- Allanah C. Datung --