ULTRAMEGABIONICSUICIDALSUPERDYNAMIKFATALBOY

"Dubidubidu, bidubidu, dubidubidu, bidubidu, dubidubidubidubidu, biduwaaaaaaaa." - Apo Hiking Society

Noong anim na taong gulang ako, hindi ako sinama ni mama sa palengke. Iyak ako ng iyak sa tabi ng aso kong si Pompom. Habang parang talon na bumabagsak ang aking luha, dinidilaan naman ni Pompom ang luha ko sa pisngi. Maya-maya, kinuha ko ang alkohol. Sabi ko kay Pompom, siya na ang bahala sa mga maiiwan 'ko. At matapos ang monumental na pagpaalam, walang takot 'kong nilaklak ang alkohol. Hindi ko inubos. Masakit sa lalamunan. Sa pagkakataong ito, amoy pinaghalong alkohol at laway ni Pompom ang aking katawan. Ngunit hindi ko ininda. Humiga ako sa katre habang hinihintay ang aking kamatayan. Ipinikit ko ang aking mata. Tanaw ko ang hindi mabilang na anghel. Sabi ko: "Sasama ako sa inyo, gusto ko nang maging anghel." Lumapit sila sa akin. Idinilat ko ang aking mata, si mama ang tumambad sa akin. Pinalo niya ako. Ang dumi-dumi ko raw. Hindi pa raw ako naliligo. Inubos ko raw ang alkohol. Timakbo ako sa kubeta. Ang tagal, pero hindi pa rin ako mamatay-matay.

Hindi pa rin ako nadala. Noong siyam na taong gulang ako, nakita kong sinagasaan si Pompom ng trak. Kinagabihan sa aking silid, tumambad sa akin ang Caladryl. Kinuha ko ito habang unti-unti na namang bumabagsak ang luha ko. Sayang, wala nang sasalo sa mga luha ko, wala na si Pompom. Ipinikit ko ang aking mata. Ininom ko ang Caladryl. Pangit ang lasa. Kumatok na naman si mama. Kailangan ko na raw maligo. Dali-dali akong lumabas. Tumakbo sa kubeta. Ang tagal, pero hindi pa rin ako mamatay-matay.

Matapos ang pag-inom ng Caladryl, hindi na iyon nasundan. Busy na kasi ako, Ayaw ko nang sumama sa palengke. Ayaw ko na ring lumabas. Mas gusto ko na lang makinig ng musika.

Kaya't na-adik ako kay Kurt Cobain. Naiiyak ako 'pag naririnig ang "All Apologies." Nakakatulog ako 'pag dumadapo sa aking tenga ang "Come As You Are" at "Penny Royal Tea." Ngunit isang umaga, nabigla ako nang malamang nagpakamatay si Kurt Cobain. Nagalit ako kay Courtney Love. Pinabayaan niya si Kurt Cobain. Noong gabi ring iyon, uminom ako ng limang Tuseran 500 mg. Baka sa sangandaan sa kabilang buhay, magkatagpo kami ni Kurt CObain. Nakatulog ako. At dumilat. Ang tagal, pero hindi pa rin ako mamatay-matay.

Matigas talaga ang ulo ko. Nasundan ulit iyon noong 16 taong gulang ako. Nabasted ako. Itinali ko ang aking leeg sa may sampayan sa loob ng aking kwarto. Hindi ko makakalimutan ang sandaling iyon - malakas ang volume ng radyo, todo ang bass, kinakanta ni Madonna ang "Crazy For You," at malamlam ang ilaw mula sa lampshade. Parang pelikula. Nakasampa ako sa upuan. Nagdasal muna. Lord sori, sabi ko. Inisip kong totoo na ito, pinaka-elegante sa lahat ng ginawa kong pagpapatiwakal. Binagsak ko ang upuan. Napatid ang sampayan. Bumagsak ako. Kailangan ko pumunta kay Mang Kardong maghihilot, nabali 'ata ang tadyang ko. Ang tagal, pero hindi pa rin ako mamatay-matay.

At kahit anong pilit ko, hindi pa rin ako matuluy-tuluyan. Sa gitna ng mga problemang pag-ibig, domestik, politikal, at intelektuwal, sinubukan kong maglaslas ng pulso (pero braso pala ang natira ko), tumalong mula sa bundok (may acrophobia pala ako), uminom ng sandamakmak na sleeping pills (nakatulog lang ako nang mahimbing), at patulan ang sampung Cortal (niluga lang ako) - awtomatik pa ring dumidilat ang mata ko tuwing umaga, at pumipikit sa gabi.

Hindi ako nagtatagumpay sa madilim kong plano. Siguro nga, sinasadya ko ito. Hindi ko naman talaga kayang tuluyan ang sarili ko.

"Dubidubidu, bidubidu, dubidubidu, bidubidu, dubidubidubidubidu, biduwaaaaaaaa."

Haaay, ang ganda ng umaga kanina.
-- Vj Cruz Rubio --