Cogie Domingo
Ni Jun Lalin

No doubt na si COGIE DOMINGO na ang hottest teen actor ngayon, kaya naman ang tungkol dito ang inusisa namin sa kanya nang dalawin namin siya sa taping ng Idol Ko si Kap.

Naniniwala nga ba siyang siya na ang nangungunang teen idol ngayon?

Natigilan si Cogie sa itinanong namin. Halatang nagulat at saka napangiti bago sumagot.

"Talaga? Sa tingin n'yo ba, eh, sikat na ako talaga? Siguro dahil lang sa pag-aalagang ginagawa sa akin ng GMA-7," simula ng binata, sabay pakawala ng "killer smile" niya. "Pero `yung sabihing hottest teen star ako ngayon, parang nakakakaba yata.

"Ang hirap n'yan, eh. Siyempre, kapag sinabing nasa top ka, masyadong malaki ang expectation sa `yo ng mga tao. Lahat nakikita nila sa `yo. Lahat napupuna.

"Basta ako, ayokong isipin na ako `yung number one talaga. Kahit sinasabi ng iba na sikat na ako, hindi ko inilalagay `yon sa isipan ko.

"Para kasi sa akin, I'm still new in this business at dapat, eh, marami pa akong matutunan bago masabing nasa top na talaga ako.

"Mas marami pa rin naman `yung mas sikat talaga sa akin.

"Basta, kinakabahan ako sa sinasabi nilang kasikatan ko raw," pahayag pa ng binata.

Ano naman ang masasabi niya sa forecast ng maraming showbiz insiders na silang dalawa ni DANILO BARRIOS ang magtutunggali sa kasikatan ngayong 2001?

"Okay lang. I mean, kung ikukumpara kami ni Danilo, walang problema sa amin. Basta healthy competition lang, no problema.

"Ang ayoko lang, eh, `yung lalabas na nag-aaway na kami dahil nagpapasikatan kami. `Yon ang hindi na maganda.

"`Yung mga tapatan kasing ganyan, okay lang naman `yan sa career ng mga artista. At least, `pag may kumpetisyon, mas gaganahan kang magsipag sa `yong career," sabi ni Cogie.

Anu-ano ba ang mga nabago sa kanya ngayong nasa showbiz na siya?

"Siyempre, `yung privacy, medyo nabawasan na. Pero nakakalabas pa rin naman ako para gumimik kahit paano. `Yon nga lang, paminsan-minsan na lang.

"Right now kasi, masyado akong busy. Maraming trabahong ginagawa, kaya halos wala na akong time sa mga gimikan.

"Sa barkada naman, may time pa rin naman ako kahit paano. Kung minsan naman, may barkada akong sumasama sa kahit sa taping at shooting.

"Pero kahit noong hindi pa naman ako artista, homebody na ako, kaya hindi talaga ako mahilig maglalabas ng bahay. Paminsan-minsan lang akong gumimik talaga," kuwento ng teen actor.

Kinumusta naman namin sa kanya ang ex-girlfriend niyang si KRISTA RANILLO.

Totoo bang magkagalit silang dalawa?

"No. That's not true. Okay pa rin naman kami. Actually, nagti-text pa nga kami sa isa't isa paminsan-minsan.

"Bakit naman kami mag-aaway?

"As far as I'm concern, kahit wala na kaming dalawa, friends pa rin kami. There's no reason para mag-away kami, eh," paliwanag ni Cogie.

Paano `yan, girlfriend na raw ni JOHN LLOYD CRUZ si Krista?

"Nababasa ko nga na sila na, pero never naman akong nagtanong kay Krista. Kung sila na, okay lang naman dahil wala na kami ni Krista.

"Mukhang okay naman si John Lloyd, kaya walang problema sa akin.

"Pero hindi naman ako interested talaga sa balita tungkol sa kanila," sabi pa ng teen actor.

Eh, buti naman at hindi siya nali-link sa ka-loveteam niya sa Idol Ko si Kap, kay KATARINA PEREZ?

"Bata kasi `yon. Twelve years old lang si Katarina, kaya hindi siguro kami inili-link sa isa't isa. Pero I like her dahil mabait siya.

"Magkasundo kami sa set ng Idol Ko si Kap, but I guess hanggang sa pagiging magka-loveteam lang muna kami sa show dahil nga ang bata pa niya!" pagtatapos ni Cogie Domingo.


[back to Interviews]