kung pinuri-puri nina LORNA TOLENTINO at CHRISTOPHER DE LEON ang acting noon ng thirteen-year-old na si COGIE DOMINGO sa pelikulang ay Yakapin Mo Ang Umaga ay labis din ang paghanga ni direk JOEL LAMANGAN at EDDIE GARCIA kay Cogie nang gawin nila itong Deathrow na official entry ng GMA Films sa coming Metro Manila Film Festival 2000.
"Wala akong mapiling eksenang mahusay si Cogie dahil sa lahat ng eksena ay mahusay siya talaga," sabi ni direk Joel.
"Hindi ko nga alam kung saan niya kinukuha ang galing niya sa akting at nakipagsabayan siya talaga kay Eddie. Hindi ako nagkamali nang i-suggest ko sa GMA Films na siya ang kunin sa role nang mapanood ko siya sa Yakapin Mo Ang Umaga. Pinanood din nina Mr. Butch Jimenez ang movie at pumayag sila sa suggestion ko. Si Cogie kasi iyong artistang hindi natatakot gawin kung ano ang ipinagagawa sa kanya, kahit pa gaano kahirap iyon," dagdag pa ni direk.
"Excited ako na kabado nang tanggapin namin ng manager ko ang offer ng GMA Films," sabi ni Cogie. "Nakaka-nerbyos na malaman mong ang makakasama mo ay parehong mahuhusay na artista, tulad nina Eddie Garcia at JACKLYN JOSE, plus iyong mga stage actors na nakasama namin, naroon iyong excitement na makakasama mo `yong mga hinahangaan mong artista.
"Si Tito Eddie ang madalas magbigay sa akin ng pointers at si Tita Jacklyn, marami akong napulot sa kanya just watching her. Ang mga stage actors naman ang itinuro sa akin ay ang voice projection, na madalas nilang ipinaaalala sa akin kapag magkakaeksena na kami."
Ano ang pinakamahirap niyang eksena sa Deathrow?
"Siguro ang rape scene ko with PEN MEDINA. Kinabahan ako, hindi dahil sa gagawin sa akin ni Tito Pen, kundi kung paano ako magri-react sa gagawin niya sa akin," may halong birong sagot ni Cogie.
"Para sa akin, mahirap at nakaka-tense. Hindi naman ipinakita ang rape scene kundi iyong facial expression ko lang," kuwento pa niya.
Itinanong din namin kay Cogie kung saan niya kinukuha ang acting niya, na ikinagugulat din ni direk Joel, to think daw na may happy family siya at hindi naman siya dumaranas ng hirap sa buhay.
"Hindi ko rin alam. Basta bawat ibigay na role sa akin, pinagbubuti ko ang pagganap. Binabasa ko nang buo ang script, lalo na iyong role ko at pagkatapos nag-i-internalize ako. Bago rin ako pumunta sa shooting pinag-aaralan ko na ang mga eksenang kukunan sa akin para pagdating ko sa set, ready na rin ako at maghihintay na lang ako ng instructions ng direktor. At sa project na ito, nakatulong din siguro sa akin iyong pakikipag-usap ko sa mga bilanggo sa mga jails na pinag-syutingan.
"Sa role kong minor nanapasok sa Deathrow, totoong may mga kasong ganito, at nakausap ko ang isang 15-year-old na nasa death row din ngayon. May mga napulot ako sa kanya at sana rin, ang mga makakapanood ng movie namin na mga kabataan, ay makapulot din ng aral dito."
Si ANGELIKA DELA CRUZ ang nakatambal dito ni Cogie. Hindi naman ngayon lang sila nagkasama dahil regular na silang nagkakasama sa Sunday noontime show na SOP sa GMA-7.
Lead actor ang category ni Cogie sa movie at makikipaglaban siya sa award with Eddie Garcia, DOLPHY and PATRICK GARCIA. Nag-i-expect ba siyang manalo?
"Hindi ako nag-i-expect na magka-award, para sa akin, award na iyong makasama ko si Tito Eddie and I'm honored and thankful na magkapantay ang billing namin ni Tito Eddie," sagot ng guwapong bagets.
Para kay Cogie, isang magandang Christmas and New Year gift itong Deathrow sa kanya. Dapat nga raw ay pupunta siya sa States, sa Mommy niya, pero hindi natuloy dahil nga sa festival. Kaya ang Mommy niya ang uuwi rito, kaya magkakasama-sama rin silang mag-anak itong holiday season.