Cogie Domingo
Ni Jun Reyes

Kamakailan ay nagdiwang ang guwapong bagets na si COGIE DOMINGO ng kanyang 15th birthday at isang bonggang party ang inihanda ni MOTHER LILY para sa binata na ginanap mismo sa bagong resto niyang Cafe' Valencia. Yes, full-support nga si Mother Lily sa kanyang bagong Regal baby dahil naniniwala itong mayroong magandang bukas na haharapin ang very cute na bagets sa mundo ng lokal na aliwan.

Actually, familiar face na si Cogie sa telebisyon dahil sa commercial niyang 7-Up at Rexona. Mula rito ay gumawa na ng sariling pangalan ang bagets. Dinala si Cogie ng manager niya sa Regal and luckily ay nagustuhan ito ni Mother Lily kaya ngayon ay bini-build-up niya ito bilang hottest youngstar. Ang unang naging pelikula niya ay Sa Piling Ng Mga Aswang pero ang launching movie niya ay ang Yakapin Mo Ang Umaga kung saan magagaling na artista ang kanyang nakasama tulad nina CHRISTOPHER DE LEON, LORNA TOLENTINO, GINA ALAJAR at NIDA BLANCA sa direksyon ni JOEY JAVIER REYES.

Ano ba'ng feeling na binigyan ka ng ganito kalaking selebrasyon ni Mother Lily?

"Naku, nakaka-touch talaga. Hindi ko talaga alam kung paano ko idi-describe ang nararamdaman ko ngayong gabi," bungad ni Cogie nang makatsikahan namin sa kanyang party cum launching sa Cafe Valencia.

"Alam naman ng lahat na bago pa lang ako sa showbiz pero natutuwa ako dahil suportado ako ng press at ramdam ko ang mainit nilang pagtanggap sa akin. Nakakataba talaga ng puso," sambit pa ng super cutie na si Cogie.

"Thankful din ako kay Mother Lily for believing in me. Siyempre, gagawin ko ang lahat ng makakaya ko para di siya mabigo sa akin. I know napakalaki ng expectation niya sa akin kaya naman I will do my best para hindi ako mapahiya," dagdag pa ng guwapings.

Sa launching movie niyang Yakapin Mo Ang Umaga ay kabadung-kabado si Cogie dahil bukod sa mahuhusay na artista ang kanyang nakasama ay dito rin siya huhusgahan.

"Aminado naman akong baguhan pa lang ako kaya kabado talaga ako sa pelikulang ito. Alam kong nag-e-expect sila ng malaki sa akin kaya naman pinagbutihan ko ang pag-arte para hindi ako mapahiya sa mga artistang nakasama ko.

"So far, maganda naman ang feedback nila sa acting ko and I'm very happy dahil tinulungan ako nina Tita Lorna at Tito Christopher. Marami akong natutunan sa kanila pagdating sa pag-arte kaya tatanawin ko talaga `yon ng malaking utang na loob," sabi pa ni Cogie.

Isang malaking hamon talaga para kay Cogie ang ilunsad siya bilang bagong star ng Regal. Pero sa rami ng mga nagguguwapuhan at very talented na youngstars ay mukhang mahihirapan yatang makipagsabayan itong si Cogie. Marami pa siyang kakaining bigas para sumikat at magkapangalan agad.

"Sa totoo lang, hindi naman ako nagmamadali at naniniwala akong kanya-kanyang panahon lang `yan. I know given the right break and exposure ay mararating ko rin `yung tagumpay na minimithi ko.

"Alam ko ring marami pa akong pagdaraanan para maabot ko `yung kinalalagyan tulad nina DIETHER OCAMPO, MARVIN AGUSTIN, RICO YAN at iba pang sikat na mga artista natin ngayon.

"Okey lang sa akin kung hindi man ako sumikat at ang mas importante sa akin ay `yung ma-appreciate ng mga tao ang lahat ng ginagawa ko," sambit pa ni Cogie.

May mga nagsasabi ring posibleng maungusan ni Cogie sina PATRICK GARCIA at PAOLO CONTIS dahil bukod sa guwapo na ang bagets ay magaling pa itong umarte. Care for any comment?

"Ayokong isiping mauungusan ko sila pero nagpapasalamat ako sa mga taong nagtitiwala sa kakayahan ko," pagtatapos ni Cogie sa aming tsikahan.

[back to Interviews]