Hindi natin maikakaila ang laki ng naitulong niya sa ating bayan kung panahon ng rebolusyon laban sa mga Kastila ang pag-uusapan. Naging idolo din siya ng ilang Pilipino dahil sa kanyang pakikipaglaban laban sa mga mananakop. Para nga sa ibay nararapat na siya ang siyang ituring nating pambansang bayani. Ngunit bago tayo magbigay ng konklusiyon agad, dapat lamang ay maging mapanuri tayo sa mga bagay-bagay upang malaman natin kung tama nga lang ba ang paraan ng ating pagkakakilala sa ating mga itinuturing mga bayani. Maaring hindi sapat ang ating mga natutunan noong tayo ay mga bata pa at maging noong tayo ay nasa tamang edad na. Maging bukas sana ang ating mga isip sa mga impormasyon na dapat lamang ay malaman natin.
Si Emilio Aguinaldo ay nagmula sa isang mayamang pamilya at naging pinuno ng grupong Magdalo ng Katipunan. Siya ang nag-utos ng pag-aresto kay Andres Bonifacio na naging daan sa pagkakapatay nito. Hindi lamang ang tagapagtatag ng Katipunang ito ang naging biktima ng kanyang pagpapahalaga sa kanyang katungkulan at maling pagdedesisyon, dahil na rin sa impluwensiya ng mga mayayaman ding katulad niya. Dahil din dito ay namatay si Antonio Luna, isang heneral na masigasig na nakikipaglaban sa mga mananakop.
Totoong nakipaglaban si Aguinaldo laban sa mga malulupit na Kastila. Marami ring napanalunang laban ang pinangungunahan niyang pangkat Magdalo, lalo na sa mga labanan sa Cavite. Dahil din sa mga panalong ito kayat dumami ang kanyang mga tagasuporta.
Ngunit pagdating ng mga Amerikano, bakit parang naging maamong tupa na siya? Sa halip na ipagtanggol ang mga Pilipino mula sa mga hindi mapagkakatiwalaang mga Amerikano, siya pa ang naging daan ng mga dayuhang ito upang malinlang ang mga mamamayan ng bansa. Pareho lang lamang ang layunin ng nila mula sa mga nauna nang mga Kastilaang masakop ang Pilipinas. Bigla na lamang siyang naging alipin ng mga dayuhang itinuturing niyang mga kaibigan natin. Lahat ng inutos ng mga manakop na ito ay agad niyang sinusunod.
Ang mga tao ay patuloy na nagnanais ng kalayaan samantalang si Aguinaldo ay pinipilit ang pagiging nasa ilalim ng mga Amerikano. Malaki ang tiwala niya sa mga ito at umaasa rin siyang bibigyan nila tayo ng kaukulang proteksiyon anuman ang mangyari. Halatang-halata ang kanyang pagdakila sa mga ito sa tuwing magsasalita siya, kung saan palagi niyang dinudugtungan ng papuri ang bawat pagbanggit niya sa bansang Amerika.
Bandang huli ay ipinakita na rin ng mga tao ang kanilang tahasang hindi pagsang-ayon kay Aguinaldo. Ito ay naganap noong tumakbo siya bilang pangulo ng Commonwealth noong 1935. Sa dalawang probinsiya lamang ang kanyang pinalunanang Cavite at ang Camarines Norte.
Maaring ang isang bayani ay may pagkakamali. Ngunit nararapat lamang na ang kanyang ipinakikipaglaban ay kanyang ipinagpapatuloy, hindi iniiba.
Sources
Roots of Subservience - Renato Constantino
Isinulat ni Aliza Conde
Larawan - Camille Aquino