Site hosted by Angelfire.com: Build your free website today!

Isang Pagbabalik sa Panahon ng Amerikano

 

Marami siguro ay kaunti lamang ang naaalala sa panahon ng mga Amerikano. Ang edukasyon ay isa sa mga bagay na ating pinaniniwalaang ibinigay sa atin ng mga dayuhang ito. Tumingin naman tayo sa ilan pang mga bagay na ginawa sa atin ng mga Amerikano.

Hindi maikakaila ang malawakang panlilinlang na ginawa sa atin ng mga Amerikano na ipinakita sa mga isinulat ni Renato Constantino. Isa sa kanyang mga tinalakay sa kanyang librong "Past Revisited" ay ang paraan na ginamit ng mga dayuhang ito para mapasakamay nila ang ating bansa. Pinakialaman na nila ang lahat, sa larangang pampulitika man o sa aspetong pang-ekonomiya.

Mapapansin rin na sa panahong iyon, wala talagang maituturing na kakampi ang mga Pilipino mula sa lahing puting ito. Halos karamihan sa kanila ay umaayon sa kolonyalismo at imperyalismo na pinalalaganap ng kanilang mga pulitiko. Mayroon namang umaayon sa maagang pagpapalaya ng bansa, ngunit hindi naman sila matatawag na tagapagtanngol ng mga mamamayan sa Pilipinas dahil ginagawa lamang nila ito dahil na rin sa kanilang mga sariling hangarin. Katulad na lang ng mga kumpanya ng asukal at tabako sa Amerika, ayaw nila ang kakumpetisyon sa pagbebenta ng kanilang mga produkto. Isa pa ay iniiwasan nilang umabot sa puntong bababa na ang presyo ng kanilang mga produkto pati na rin ang halaga ng kanilang pagtatrabaho. Hindi rin nila nais na bandang huli ay mahaluan sila ng lahing para sa kanila ay napakababa.

Ang akala ng maraming Pilipino ay napakalaking benepisyo ang nakukuha nila sa mga dayuhang ito. Ang ilan sa kanila ay sobra pa ang pasasalamat sa pagdating ng mga mananakop na ito. Ang hindi alam ng maraming mga tao ay sa kanila rin nakukuha ang panggastos sa mga benepisyong ito, sa pamamagitan ng mga buwis na hinihingi sa kanila. Ang mga pagpapagawa ng ilang mga daan at tulay, at iba pang mga proyekto ng mga Amerikano ay hindi para sa ikabubuti ng mga Pilipino. Ito ay upang mapadali ang eksploytasyon ng Pilipinas at para na rin sa pagpapakalat ng mga tropa ng mga sundalong Amerikano.

Nakakalungkot talagang isipin na kung sino pa ang siyang pinagkatiwalaan ng mga Pilipino na tutulong sa kanila sa pag-unlad ay siya pa palang mang-aabuso sa kanila.

Hindi lamang sa mga bagay na ito natatapos ang mga pakikialam na ginawa sa atin ng mga mananakop na ito. Marami pa tayong dapat malaman.

 

Sources

A Past Revisited - Renato Constantino

        Isinulat ni Aliza Conde