Panahon ng Hapon: Batas Militar
Noong una ay marami ang nagmamaliit sa kanila. Hindi raw kaya ng mga Hapones ang ginagawa ng mga kolonyalistang bansa. Hinihintay na lamang ng mga Pilipino na maging malaya matapos ang ilang taong "paggabay" ng mga Amerikano. Ngunit kasabay ng unti-unting pagpasok ng mga Hapones sa bansa at ang pagsiklab ng giyera ay ang pagkakatuklas sa isang itinatagong katotohanan: hindi tayo kayang ipagtanggol ng mga Amerikano na lubos na inasahan ng maraming kababayan natin noong panahon na iyon.
Matapos mapasok ang Maynila, iprinoklama agad ang pagpapatupad ng batas militar noong Enero 3, 1942. Simula pa lamang ay nagpahayag na kaagad sila ng hindi kagustuhan sa mabuting pagtingin ng mga Pilipino sa mga Amerikano. Para daw sa kanila, ang Pilipinas ay para sa mga Pilipino lamang. Ngunit ito naman ay isa na lamang sa mga istratehiya na ginagamit ng isang manakop upang mabihag ang mga puso ng mga mamamayan ng bansang sinasakop.
Hindi pa nananamnam ng mga Pilipino ang demokrasiyang pinatikim ng mga Amerikano ay agad naman itong pinalitan ng batas militar. Ipinakita ang pananakot ng mga Hapones at ang pagnanais ng mga ito na disiplinahin ang mga mamamayan. Noong panahong iyon, ang mga miyembro ng militar, mula sa pinakamataas na ranggo hanggang sa pinakamababa, ay naging simbolo ng kapangyarihan, kalupitan at kasinungalingan. Marami ang inaresto nang wala man lamang sapat na ebidensiya sa ginawang kasamaan. Nakikinig lamang ang mga Hapones sa mga sabi-sabi lalo na ng mga espiya. Naging problema din ang hindi pagkakaintindihan sa wika. Marami rin mga Pilipino ang naparusahan dahil dito. Ang mg a Pilipino naman ay hindi makaalma dahil sa tinanggalan na sila ng mga armas at sa kaunting pagkanti lamang sa isang sundalong Hapones ay malupit na parusa kundi man pagkakapatay ang katumbas.
Ginawa ng mga mananakop na ito ang lahat, makontrol lamang ang mga Pilipino. Nagpatupad sila ng mga limitasyon sa oras ng paglabas ng mga tao sa kanilang mga bahay, kung saan ang mga hindi susunod ay aarestuhin at ikukulong. Sa pagpapalabas ng mga balita, lahat ay dapat dumaan sa kanilang panunuri. Maraming diyaryo at iba pang babasahin ang ipinatigil. Ang mga natira lamang ay iyong sila na ang siyang namamalakad. Pinakialaman rin ang ang mga organisasyon at institusiyon pati na ang simbahan. Ipinagbawal ang paggamit ng ating watawat ang pagpapatugtog ng pambansang awit. Maging ang mga pangalan ng mga daan at lugar na nagpapaalala sa mga Amerikano ay pinalitan. Pinilit rin nilang ipagamit sa mga tao ang mga perang kung tawagin ay "Mickey Mouse Money."
Lahat ng itoy ginawa nila. Walang namang magawa ang mga Pilipino. Isang maliit na pagkakamali nilay maaaring humantong sa kamatayan. Wala ring nagawa agad ang mga Amerikano. Naging malakas na ang kontrol ng mga Hapones sa Pilipinas. Ang dating binalewala ng maraming Pilipino ay siya namang naging dahilan ng pagkakaroon nila ng isang masamang panaginip.Sources
The Continuing Past - Renato Constantino
Isinulat ni Aliza Conde