Site hosted by Angelfire.com: Build your free website today!

ishall.JPG (28421 bytes)

 

Para sa marami, siya ay isang napakabuting Amerikano na nangakong tutulungan ang Pilipinas at nagbalik at tinupad ang kanyang pangako.

Ang pag-asa ng mga Pilipino sa mga Amerikano ay lalo pang ipinakita sa kanilang ginawang pagdakila kay Heneral Douglas MacArthur, ang anak ni Heneral Arthur MacArthur. Itinuring siyang bayani ng mga Pilipino noong panahong iyon. Kinilala rin siya bilang idolo ng mga gerilya noon.

Naging chief of staff ng Hukbong Amerikano si MacArthur dito sa Pilipinas. Ngunit sa panahon ng kanyang panunungkulan, wala siyang ginawa para mapaunlad ang depensang pangmilitar ng ating bansa. Matapos ang kanyang termino sa tungkuling ito, naging tagapayo siya sa mga gawaing pang-militar dito sa Pilipinas, dahil na rin sa pag-aalok sa kanya ni Manuel Quezon, ang pangulo noon ng bansa. Namuhay siya dito na para bang isang gobernador heneral. Pinilit niya ang ating gobyerno na suwelduhan siya ng napakataas na kita, at gamitin ang Manila Hotel bilang tinutuluyan niya.

Ipinakita rin ang malaking impluwensiya at kapangyarihan niya noong panahon ni Pangulong Osmena. Ano man ang nais gawin ni Osmena, kay MacArthur pa rin ang huling desisyon. Mas madalas ay si MacArthur ang gumagawa ng mga bagay na dapat sana ay nasa kamay ng pangulo. Lumlabas tuloy na hindi isang mabuting pangulo si Osmena dahil wala na siya halos nagagawa. Nagsilbi lamang siyang tagasunod at hindi makapangyarihang pangulo.

Si MacArthur ay ang tipo ng heneral na pinipilit ang sariling desisyon kahit na marami ang hindi umaayon. Hindi siya sumusunod sa mga utos ng nakatataas sa kanya. Hindi rin niya tinatanggap ang mga payo ng mga halos kapantay niya lamang. Katulad na lamang ng kanyang beach defense plan na hindi pa sana niya papalitan kung hindi pa natalo nang husto ang hukbo ng Pilipinas sa pakikipaglaban sa Golpo ng Lingayen.

Sa kabila ng mga pagkatalong natanggap ng hukbo ni MacArthur, nagawa pa rin niyang pagtakpan ang mga pangyayaring ito. Ipinagpatuloy niya ang pag-iilusyon ng mga Pilipino sa mpamamagitan ng mga balitang ipinapalabas niya na nagpapahayag ng mga panalong siya pa rin ang bida.

Hindi natapos ang pakikialam ni MacArthur sa pamahalaan noong panahon ng Hapon. Ilang taon din bago tuluyan na niyang iniwanan ang mga Pilipino. Ngunit hindi pa rin tayo hinahayaan ng mga Amerikano.

 

Sources :

Isinulat ni Aliza Conde

Larawan - Camille Aquino