Site hosted by Angelfire.com: Build your free website today!

Day 1: DECEMBER 16

Reflection on  John 5: 33‑36

By Rico A. Villareal, SP

 

            Marami sa atin ang humihimpil sa waiting shed upang maghintay ng sasakyang makapaghahatid sa atin patungo sa lugar na ating nais puntahan. Sa ating paghihintay iba't ibang emosyon ang ating nararamdaman. Maaaring tayo ay nananabik sa ating pupuntahan, o kaya'y naiinip dahil matagal ang ating paghihintay. Mga kapatid ito'y aking nabanggit dahil sa araw na ito, ay ating pinasisimulan ang siyam na araw na simbang gabi bago ang kapanganakan ng ating Panginoong Hesus. Sa ating paghihintay tayo ay nagkakatipun‑tipon sa hapag ng Diyos. lba't iba rin ang ating nararamdaman. Mayroong nananabik sa araw ng pagsilang ni Hesus. Ang iba nama'y nag‑iisip kung ano ang kanilang maibibigay at matatanggap at di rin kaila sa atin na ang iba ay binabalewala ang pagdiriwang ng pasko dahil sa hirap ng buhay. Tayo ay nagsasakripisyo na gumising ng maaga upang makapag‑simba. Ang iba ay sa una lang dadalo, at ang iba naman ay nagiisip na ng kanilang hihilingin kung makunpleto nila ang siyam na araw. Di‑madali ang gawaing ito subalit itoy nagiging makahulugan sa atin dahil naipapahayag natin ang ating pananampalataya at ang paghihintay natin sa pagdating ng Panginoon ay puno ng pananabik.

            Ang ating ebanghelyo ay hango kay San Juan at ang ating pananabik o paghihintay sa pagsilang ng ating Panginoon ay pinatutunayan ng ilang mga tanda na nabanggit sa ebanghelyo. Nakasaad sa ebanghelyo ang mga patotoo o testimonya sa kaganapan ng ating paghihintay. Tatlong puntos ang makikita, nating mga patotoo o patunay.

 

1. Si Juan Bautista ay naging liwanag para sa atin.  Sa pamamagitan ng kanyang pangangaral at pagbibinyag ang bawa't tao ay nagiging handa sa pagdating ni Hesus. Sa kanyang pangangaral paulit‑ulit niyang sinasabi na talikdan natin ang ating mga kasalanan. Tayong mga Kristiyano ay dapat maging handa sa kanyang pagdating sa pamamagitan ng paglilinis ng ating kalooban at pagsisisi sa ating mga kasalanan sa pamamagitan ng sakramento ng pakikipagkasundo. Sa pamamagitan ng binyag tayo ay nagiging ganap na kaisa ng simbahan At sa pamamagitan nito tayo rin ay may tunkuling gumanap sa ating misyon na magpahayag ng salita ng Diyos. Katulad ni Juan Bautista tayo ay dapat manindigan sa kung ano ang tama.

 

2. Ang mga gawa ni Hesus ay nagpapatunay na sin ay sinugo ng Diyos Ama. Sa pamamagitan ng ministeryo ni Hesus dito sa lupa ay ating naramdaman at naranasan ang kanyang kabutihan­Kaya sa mga ipinamalas niya sa atin tayo ay umaasa sa kanyang pagdating. Ang bawat layko sa pamamagitan ng kanyang binyag ay nakakaisa ni Kristo sa kanyang ministeryo.

 

3. Ang ating pananampalataya ang nagbibigay kahulugan sa mga patotoo o testimonya ni Hesus at Juan Bautista.  Sa pamamagitan ng pangangaral ni Juan tayo ay sumasampalatayang darating ang Panginoon sa ating buhay. Sa pagbubunyag ni Hesus ng kanyang sarili sa pamamagitan ng kanyang pampublikong ministeryo tayo ay tumutugon dito ayon sa ating pananampalataya. Ang ating pananampalataya ay hindi lamang "intellectual assent" kundi pagtatalaga ng ating sarili kay Hesus sa gawaing kabutihan at pakikiisa. sa simbahan­Tayong mga katoliko ay may tungkuling suportahan o itaguyod ang ating simbahan. Tumutugon tayo sa panawagan ni Hesus sa pamamagitan ng paglalaan ng ating sarili sa mga gawain ng ating simbahan. Para sa mga mag‑asawa kayo ay may tungkuling buuin ang inyong pamilya ayon sa pananampalatayang katoliko at imulat ang inyong mga anak sa katolikong edukasyon o katesismo.

           

Katulad ng ating paghihintay sa waiting shed magiging masaya ang ating emosyon kung tayo ay handa sa pagdating ng ating hinihintay sa pamamagitan ng pagalam sa oras nito at iba pa. Sa pasimula ng simbang gabi tayo ay magsikap na maihanda ang ating sa sarili sa kanyang pagdating. Suriin natin kung ang mga palamuti sa ating tahanan ay panglabas lamang at walang kaugnayan sa panloob nating nararamdaman.