Site hosted by Angelfire.com: Build your free website today!

Day 5: December 20

Reflection on Luke 1:26-38

by  Ramilo V. Mapaye, SVD

.

            Isang doktor na may iisang anak na sa ilang oras na nalalabi ay babawian na ng buhay dahilan sa isang sakit na nagpahirap sa batang ito. Hindi na kaya ng bata ang gamot na ibinibigay sa kanya. Habang ang amang doktor at ina ng bata na nakatabi sa higaan ng anak  ay naghihintay sa kamatayan ng kanilang anak biglang tumunog ang “doorbell”. Winika ng doctor sa kanyang sekretarya, “Ayaw kong makakita ng ibang tao ngayon!”. Subalit hindi umalis ang taong ito- isang magsasaka na 10 kilometro ang nilakad mula sa kanyang tahanan. Ang kanyang anak ay may sakit. Lumapit ang doktor at winika sa taong ito, “Bukas na lang ako pupunta sa inyong tahanan.” Ngunit tumugon ang bisita, “Kung bukas pa po kayo darating siguradong hindi na kakayanin ng aking anak”. Nagsimula ang diskusyon ng doktor at magsasaka. Winika ng magsasaka, “Maaari nyo pang magamot ang aking anak.” Tumugon naman ang doctor, “Ang anak ko ay mamamatay na at alam kong kailangan niya ako.” Muling nagwika ang magsasaka, “Ang anak ko ay may buhay pa na kaya mo pang malunasan, “Wala akong magagawa  kundi ang hintayin ko ang pagkamatay ng anak ko”, wika ng doktor. “Dalawa na po silang mamamatay kung gayon!”, pagmamakaawa ng magsasaka. Natahimik ang doktor at nalaman niya mula sa magsasaka na ang sakit ng anak ng magsasaka ay tulad din ng sakit ng anak niya at alam ng doktor na kaya pang malunasan ito. Agad na naghanda ang doctor at sumama sa magsasaka at iniwan ang anak sa tabi ng asawa.

            Ilan sa atin ang nakaranas na ng ganitong sitwasyon? Paano ninyo ito hinaharap? Kung may dumarating sa ating ibang tao at humihingi  ng kakaibang tulong na kinakailangan nating magdesisyon paano natin ito natutugunan? Dakila at bayani ang doktor na ating narinig mula sa kuwento. Nawala ang pag-alinlangan o pagkatakot ng doktor sa sitwasyon ng sariling anak at anak ng magsasaka. Tulad sa ebanghelyo ngayong araw na ito, si Maria ay humarap sa isang malalim at matinding pagdedesisyon. Walang takot na tinanagap ang imbitasyon ng Diyos sa kanya upang maging ina ng tagapagligtas ng sangkatauhan.

 

            Una, ang isang desisyon ay tunay na may lakas ng loob at walang takot. Winika ng anghel kay Maria, “Huwag kang matakot sapagkat sumasaiyo ang Diyos.at ang ipaglilihi mo ay lalang ng espiritu.” Walang takot na tinanggap ni Maria ang salita ng Diyos sa kanya pangungusap. Tulad natin, marami tayong mga takot na nararanasan sa panahong ngayon. Kung makikinig tayo ng mga balita, iba’t ibang balita ang nasasagap natin, maganda man o masama. Suibalit tayong lahat ay tinatawagan ng Panginoon sa ganitong sitwasyon- ang pagtugon sa mga pang-araw-araw nating buhay. May tungkulin tayong magbigay-tulong sa mga nagangailangan: mga maysakit, walang makain o matirahan man, sa mga komunidad nating kinabibilangan may tungkulin tayong makiisa sa pagpapaunlad ng ating pamayanan. Sa maliit man nating pamamararaan, tayo’y makapagbibigay ng higit na makapagpapaligaya sa ating kapwa o bayan man. Isang desisyon na kinakailangang maylakas ng loob at walang takot sa anumang kakaharaping hamon ng buhay.

 

            Pangalawa, ang pagharap o pagtugon sa isang desisiyon ay kinakailangan ang tunay na kababaan ng loob. Nang sambitin ni Maria sa harap ng anghel, “Ako’y aliupin ng Panginoon. Mangyari sa akin ang iyong sinabi.” Ito’y isang tunay na pagpapahiwatiog ng kababaang-loob ni Maria. Siya ang magiging ina ng kataas-taasan at anak ng Diyos subalit nakita natin ang ang pagtanggap niya na may kababaang-loob. Larawan ito ng isang tunay na pagtanggap at siya ang tunay na modelo ng ating sarili, pamilya o pamayanan man. Tayo, bilang mga kristiyano, ay may ganitong dapat mamutawi sa ating bibig—ang kababaang-loob. Kuing tumutulong tayo sa ating kapwa o pamayanan man, nananatili ba sa atin ang kababaan ng loob? Tayo’y may tungkuling gumanap sa ikauunlad ng ating sarili o bayan man subalit tayo’y tinatawagang maging isang tunay na mamamayang walang hinihintay na kapalit sa bawat pagtulong. Isang pagtulong na  hindi naghihintay na purihin ang ang ating mga gawa bagkus manatiling bukas sa kababaan ng loob. At ang lahat ng ito ay tunay na magaganap sa pamamagitan ng buong pagtitiwala sa Diyos sa lahat ng ating mga mithiin. Maging bukas tayo, mababang-loob at laging handang ipagkaloob ang sarili sa mga nagangailangan. Iyan ay tunay na gampanin natin bilang mga kristiyano.

 

            Muli, tingnan natin ang dalawang ito na hinihingi ng ebanghelyo sa araw na ito: Isang desisyon na may lakas ng loob at walang takot; at ang pangalawa, ang kababaan ng loob. Ang biyaya ng Diyos ay laging sumasaatin. Hinihintay Niya ang ating pagtugon ng “Oo” sa Kanyang panawagan. Tulad ni Maria, isa siyang tunay na larawan ng isang kristiyanong walang takot, bukas ang loob at may kababaan ng loob na dapat nating ipakita sa ating sarili, kapwa at sa pamayanang ating kinabibilangan.

           

            Mga kapatid, huwag na tayong mag-isip ng mahabang panahon. Ito na ang ating pagkakataong at panahon upang ang ating “oo” ay isang desisyong punung-puno ng pagtitiwala sa Diyos.