Site hosted by Angelfire.com: Build your free website today!

Day 6: December 21

Reflection on Luke 1: 39-45

by Roger G. Solis, SVD

 

            Ayon sa mga dalubhasa kapag tayo ay nalulungkot mas maraming mga ugat o "muscles" na ginagamit mula sa ating katawan at kapag tayo naman ay napuspos ng galak at saya tayo ay gumagamit lamang ng kakaunting bahagi nito. Samakatuwid ang mga ugat sa katawan natin ang namamahala sa kondisyon ng ating katawan. Kaya dapat nating pagyamanin ang kakaunting bahagi ng ating mga muscles na nagdudulot sa atin ng kagalakan dahil ito ay tanda ng kalusugan at ito rin ay makapagdulot ng mabuting disposisyon sa buhay. Isa sa mga paraan upang makarnit natin ito ay ang simpleng pagbabatian sa bawat isa. Kagaya ng mga katagang: Hi! Hello! Kumusta na? Magandang Umaga! God Bless! Take Care, at iba pa. Ang mga pagbating ito pangkaraniwang kaugalian ng mga tao na nagdudulot naman ng kagandahan at kabutihang loob. Lalunglalo na ngayong darating na ang kapaskuhan. Napakahalaga ang pagbabatian. Sa hirap ng buhay ngayon, ito na marahil ang pinakamagandang regalo na maibahagi natin sa ating kapwa sapagkat ito ay libre. Ipagkakait pa ba natin ito? Kung titingnan natin ang buod ng ating ebanghelyo, nakasaad dito ang tatlong kahalagahan na nakabalot sa pagbabatian. Ito ay makikita natin sa pagbati ni Maria sa kanyang pinsan na si Elizabeth.

            Una, ang pagbabatian ay nakapagbibigay ng ganap na kasiyahan. Nakasaad dito sa ating ebanghelyo, "Nang marinig ni Elizabeth ang bati ni Maria, sumingkad ang sanggol sa kanyang sinapupunan". Ibig sabihin napuno ng galak at tuwa si Elizabeth nang binati s'ya ni Maria. Sa totoong buhay napakalaki ng kagandahan naidudulot ang simpleng pagbati sa kapwa. Kung susuriin natin ang mga patalastas ng ating mga mobile companies, naipapahiwatig nila ang kahalagahan ng pakikiisa at pakikipag‑isa sa pamamagitan ng makabagong teknolohiya. Halimbawa sa Globe ang slogan na ginagarnit nila ay Connecting People, sa Smart naman‑ Simply Amazing, sa Touch Mobile Touching Lives, sa Talk and Text ‑ Fan ang galing without over Spending! At sa Sun Cellular ‑ The Sun Reaches You! Ito ay ilan lamang sa ibat' ibang mga kataga. na nagpapahiwatig ng kahalagahan ng pakikipag‑ugnayan sa bawat isa. Kung ipagtagpitagpi natin ang mga mensaheng ito maaaninag natin ang hangad ng bawat isa na makamtan ang tunay na kagalakan. Sa pamamagitan ng pakikipag‑ugnayan at pakikiisa naipapahiwatig natin ang kasiyahang inaasam sa pamamagitan ng simpleng pagbabatian. Kagaya ni Elizabeth naipahiwatig niya ang tunay na kagalakan nang binati sya ni Maria.

            Pangalawa, ang pagbabatian ay nagpapahiwatig ng dakilang kabanalan. Kung titingnan natin sa ating ebanghelyo nakasaad dito na "Napuspos ng Espiritu Santo si Elizabeth". Ang kaganapang ito ay. isang halimbawa ng taimtim na paniniwala sa kapangyarihan ng Panginoon. Merong isang sirkero na nagpapakitang gilas sa mga nanonood. Naglagay siya ng lubid sa magkabilang panig ng mataas na gusali at tinanong nya ang mga nanonood, "Naniniwala ba kayong makakatawid ako sa lubid habang nakasakay sa isang kartilya?" "Oo, naniniwala kaming makakatulay ka riyan, trabaho mo yan eh!" sagot ng mga tao. Sa pagtugtog ng banda ay tumawid ang sirkero sakay sa isang kartilya. Subalit pagdating niya sa bandang gitna ay iniugoy ng malakas na hangin ang lubid. Walang humihinga sa mga nanonood subalit sa kabila ng pag‑ihip ng hangin nakatawid pa rin ang sirkero. Nagpalakpakan ang mga tao. Sa ikalawang pagkakataon sinabi nya sa mga tao, " Ngayon namay itatawid ko sa lubid ang kartiyang itinawid ko kanina na may lulan pang isang kabang bigas. Naniniwala ba kayong magagawa ko ito?" Oo, syempre, trabaho mo yan eh!" at nakatawid nga sya kahit nahihirapan. Sa huling pagkakataon pinatahimik nya ang mga tao at tinananong, "Ngayon naman, ang kartilyang may lulang isang kabang bigas ay sakayan pa ng isang tao. Naniniwala ba kayong maitatawid ko ang mga ito?" Oo naniniwala kami" tugon ng mga tao. "Naniniwala ba kayong hindi mahuhulog ang kartilyang may lulang isang kabang bigas at isang tao habangpinapagulongko ito sa lubid?”, tanong niya muli.  “Oo, naniniwala kami, trabaho mo yan eh!” at biglang sumigaw ang sirkero ng ganito; “Kung naniniwala kayo sa akin isa sa inyo ang isasakay ko!" Tumahimik ang lahat at walang naglakas‑loob na sumigaw ulit. Kung halimbawa ikaw ay naroroon, sisigaw ka ba? Ang ating pananampalataya ay ganito rin, hindi lamang sapat ang pagsabing naniniwala ka sa Diyos. Iyan ay isa lamang bahagi ng pananampalataya. Ang pananampalataya ay binubuo, tatalong bahagi: PANINIWALA, PAGTITIWALA at PAGTALIMA na sya ring batayan ng tunay na kabanalan. May mga taong nagsasabing naniniwala sila sa Diyos subalit pagdating ng matinding pagsubok ay nagkukulang ng pagtitiwala sa Kanya. Meron din namang nagtitiwala sa Diyos subalit kulang naman ang pagtalima sa Kanya. Upang maging ganap ang ating pananampalataya, maging huwaran sana natin ang kabanalang ipinakita ni Maria at Elizabeth dito sa ating ebanghelyo.

            Pangatlo, ito din ang ugat ng kababaang loob. Dito sa ating ebanghelyo winika ni Elizabeth, "Sino nga ba naman akot naparito sa akin ang ina ng aking Panginoon?" Ang mga katagang namumutawi sa mga labi ni Elizabeth ay mga katagang nagpapahiwatig ng kababaang loob. Ayon sa mga masugid na tagamasid kapag ang dalawang kambing ay nagkasalubong sa isang makipot na tulay sa kanilang pagtawid sa magkabilang ibayo, hindi sila marunong umatras. Ang tanong: Paano sila makakatawid? Alain ba ninyo, kung paano? Ganito ang ginawa nila. Ang isa sa kanila ay nagpaparaya. Kaagad siyang humiga upang yaong isa ay marahang makatawid sa pamamagitan ng marahang pagtapak sa katawan upang makalipat sa kabila. Kapag nakaraan na yaong isa, marahan namang tatayo ang nakahiga upang makatawid din siya. Pambihira hindi ba? Ganito ang iniligay ng Panginoon sa instinct ng kambing ‑ MAGPARAYAAN! Kung tutuusin, ganito rin ang inilagay ng Diyos sa puso ng tao na kung minsan namay hindi natin nagagamit dahil nanaiig sa atin ang ating pagkamakasarili. Kung minsan ginagamit natin ang ating puwersa sa panlalamang at hindi sa pagtulong. Sa panahon ngayon napakaraming hindi marunong magparaya kundi marunong mandaya. Sana palagi nating nagagamit ang pusong mapagbigay at hindi ang pusong manhid. Nawa'y maging katulad tayo ni Elizabeth na punong puno ng kababaang loob sa pagtanggap kay Maria bilang ina ng ating Panginoon.

            Mga kapatid kung babalikan natin ang buod ng pagbati ni Maria kay Elizabeth maaaninag natin ang ibat ibang mensahe na nabalot sa katagang ito. Ayon sa ating pagninilay ang mga ito ay mga sumusonod: Una, ito ay nakapagbibigay ng ganap na kasiyahan, Pangalawa, ito ay nagpapahiwatig ng dakilang kabanalan at Pangatlo, ito din ang ugat ng kababaang loob.

            Sa ating pakikisalamuha sa ating kapwa naway maging bukas ang ating puso at isipan sa pagsabuhay sa mga alituntuning ipinagkaloob sa atin ng ating simbahan. Ang mga ito ay nailathala sa batas ng ating simbahan o "The Code of the Canon Law" Ito ay makikita natin sa bilang 208 ‑ 223. Nakasaad dito ang mga karapatan at obligasyon natin sa ating simbahan. Halimbawa, tayo ay inaatasan ng ating simabahan na palaguin ang sambayanan ng Diyos, pangalagaan ang pakikiisa at pagkakaisa, itaguyod ang kabanalan, ipalaganap ang pananampalataya at marami pang iba. Ang mga ito ay ilan lamang sa pangkalahatang layunin natin bilang sambayanan ng Diyos, bilang isang simbahan. Nawa'y ang mga alintuntuning ito ay maging tanda upang makamit natin ang ganap na kasiyahan, dakilang kabanalan at kababaang loob. At nawa'y sa pagunita natin sa araw ng Panginoong Hesus at ng Kanyang muling pagbabalik, manahan nawa sa ating mga puso ang mga halimbawang ipinakita sa atin ni Maria at Elizabeth dito sa ating ebanghelyo.