Site hosted by Angelfire.com: Build your free website today!

Day 7:  December 22

Reflection on Luke 1: 46-56

by  Ronnie G. Galicia, SASMA

 

Gaano kayo kalakas dumaing? Saan nakararating ang inyong panaghoy?

            Habang ang nakikita natin sa paligid ay kadiliman at kapangitan, walang ibang maririnig sa atin kundi paghihinagpis. Habang ang nakikita natin ay ang kulang na dapat punuan, lungkot at naghahanap ang mababakas sa ating mukha. Para bang lagi tayong inaapi, parang pasan natin ang mundo.

            Hindi natin ipinagkakaila na wala tayo sa kaganapan ng buhay. May gusto tayong marating na hindi pa nangyayari sa atin; mayroon tayong gusting tamasahin, at hindi pa natin nakakamtan. Gayunman, may mga bagay tayong tinatamasa na hindi natin napapansin, at dahil hindi nga napapansin, hindi natin naipagpapasalamat.

            Ang inihaharap sa atin ng ebanghelyo ngayon ay ang awit ng pagpupuri ni Maria. Pagnilayan natin ang kanyang pagpupuri upang magawa rin nating magpuri sa Diyos. Dalawang punto ang ating isaalang‑alang.

            Una, ang pagpapasalamat ni Maria ay pagkilala sa biyaya na kanyang tinanggap. Maraming bagay tayong hinihingi sa Diyos. Sa dahilang nakatuon ang ating pansin sa mga bagay na wala sa atin, hindi natin namamalayan na mas marami at magagandang bagay ang ibinibigay na sa atin ng Diyos.

            Totoo, pambihirang biyaya ang tinanggap ni Maria. Hindi kailangang maging napaka‑espesyal ang ating tinanggap bago tayo magpasalamat. Sapat nang alalahanin na hindi tayo karapat‑dapat sa mga pagpapalang ito, ngunit minarapat pa rin ng Diyos na ibigay ang mga ito sa atin. Hindi natin karapatan na biyayaan ng Diyos, sapagkat kung magbigay ang Diyos ito'y mula sa kanyang malayang pag‑ibig.

            Ikalawa, ang pagpapasalamat ni Maria ay sumasaklaw sa mga pagpapala ng Diyos sa kanyang bayan. Malawak ang paningin ni Maria, nakikita niya ang kabutihang nagmumula sa Diyos na tinanggap ng kanyang bayan. Sa pagkakita niya sa mga ito, wala siyang pananaghili; sa halip, iyon din ay okasyon para magpasalamat.

            Naging hadlang sa pagpapasalarnat ang pagkainggit. Sinumang nagtataglay ng ganitong saloobin ay hindi nagpapahalaga sa nasa kanya, at ang nakikita ay ang nasa iba. Sa halip na ipagpasalamat at ikatuwa ang kanilang pagpapala, sumasama ang kanilang loob.

            Ang buhay ‑Kristiyano ay buhay ng patuloy na pagpapasalamat sa Diyos. Sagana tayo sa mga pagpapalang ipinapapasalamat. Bukod sa mga pagpapalang material, mahaba ang listahan ng ating pagpapalang espiritual. Halimbawa, isang biyaya na ating nakikila si Jesus na nagligtas sa atin. Wika nga ni Jesus, "maraming propeta at matutuwid na tao ang nagnasang makakita sa inyong nakikita, ngunit hindi ito nakita; at makarinig sa inyong narinig, ngunit hindi ito napakinggan." Biyaya para sa atin ang malaman ang piano ng Diyos para sa atin, at malaman kung paano makakamtan. Biyaya para sa atin ang Banal na Kasulatan na naglalaman ng Salita ng Diyos, ang mga sakramento na nagpapabanal sa atin, ang Simbahan na kaagapay natin sa daan ng kabanalan.

            Iba't iba ang paraan ng ating pagpapasalamat. Una, ang ating pananalangin sa diwa ng pagpapasalamat. Ang ating personal na pananalangin at ang pag‑aalay ng Banal na Misa ang karaniwan nating ginagawa. Ikalawa, ang pagbabahagi sa iba ng biyayang ating tinanggap. Kapuri­puri ang ginagawang pagtulong sa mga kapus‑palad ng mga taong may‑kaya: sa pagpapaaral sa mga bata, sa pagbibigay ng hanap‑buhay, sa pagtugon sa pangangailangan ng gamut, tirahan at iba pang pangunahing pangangailangan. Kapuripuri rin ang ginagawang apostolado ng mga kasamahan natin upang ang pananampalataya na kanilang tinanggap ay maipalaganap sa iba. Pinaghahawakan nila ang turo ni Jesus, "Yamang tumanggap kayo nang walang bayad, magbigay naman kayo nang walang bayad." Ikatlo, ang pangangalaga at wastong paggamit ng mga kaloob sa atin ng.Diyos. Ang ating katawan at buhay, ang ating lakas at mga kakayahan, ay hindi natin inaabuso; bilang pagpapasalamat atin itong iniingatan at ginagamit ayon sa layunin ng Diyos nang ibigay ito sa atin. Tungkol dito, sa San Pedro ay may tagubilin, "Bilang mabuting katiwala ng iba't ibang kaloob ng Diyos, gamitin ninyo

sa kapakinabangan ng lahat ang katangiang tinanggap ng bawat isa."