Site hosted by Angelfire.com: Build your free website today!

Regine Velasquez - "Asia's Songbird"

Regine Nagkasakit sa Shoot ng Sexy MTV!
ni Veronica R. Samio
posted:12.19.2002


Maraming balita na kumakalat na may malubhang karamdaman daw si Regine Velasquez. Syempre, na-alarma ang napaka-rami niyang tagahanga at tagasubaybay. Afraid sila na baka ang karamdamang sinasabi nila na taglay niya ay magiging resulta ng pagkawala ng boses niya.

"Maski ako na-alarma. Akala ko kung ano na yun. Sumasakit kasi ng grabe ang ulo ko. Siguro nung nagpapa-konsulta ako, may nakakita kaya kumalat na ang kung anu-anong balita. Pero, ang totoo kong sakit ay severe migraine
lamang," anang Asia's Songbird.

"Gininaw siguro ako nang nagsu-shooting kami ng MTV ng "Sa Aking Pag-iisa"," sabi niyang humahalaklak dahil hindi niya sukat akalain na ganun ka-seksi lumabas ang resulta.

"Nung kinukunan yung MTV, hindi ako concentrated dahil nag-aaral akong mag-lip synch. Alam n'yo naman na mahina ako rito. I'd rather sing live. Pero, aware ako na sexy ang eksena pero, hindi ganun ka-sexy. Nagulat din ang mom ko nang makita yung rushes. Nagalit! Ngayong tapos na ang MTV, ayaw ko nang ipapapanood sa kanya dahil alam ko na ang magiging reaksyon niya. Hindi ko nga ipinaaalam sa kanya na tapos na at labas na ang MTV."

Ngayon pa lamang ay napakalakas na ng benta ng "Regine Velasquez's Greatest Hits" na kung saan nakapaloob ang "Sa Aking Pag-iisa" sexy video. Ito ang kauna-unahang audio-visual anthology na nagawa. Bumenta na ito ng 20,000 kopya at inaasahang aabot ito ng Platinum level.

Ang iba pang kasama sa album ay ang "Ikaw", "Dahil May Isang Ikaw", "On The Wings of Love", "Fallin", "In Your Eyes", "Lost Without Your Love", "For the Love of You" at "One Love".

Sa ngayon ay nagsisimula pa lamang maka-recover si Regine sa kanyang "sakit". She hopes na bago magsimula ang shooting ng kanyang movie with Christopher de Leon ay bumalik na ang dati niyang pangangatawan. "Hindi ko napapansin pero, pumayat talaga ako. nagkaroon ako ng eyebags at nanlalim ang pisngi ko. Pero, bumabalik na muli ang katawan ko," sabi pa niya.

source:Pilipino Star Ngayon