Pangamba ng isang ama

Kagabi habang natutulog si Sophia, matagal ko syang pinagmasdan. At habang pinagmamasdan ko sya sa kanyang pagtulog, kung anu-anong bagay ang pumasok sa aking isip. Ano kayang kapalaran ang naghihintay sa batang ito? Maibigay ko kaya ang lahat ng kanyang pangangailangan? Ganap na kayang karapatan ang edukasyon at hindi lamang pribelehiyo sa mga may kayang magbayad para dito? O baka naman kasingtayog na ng langit ang bayarin sa matrikula? Sa kanya kayang paglaki ay masaksihan nya pa rin yung maraming kababayan na sa bangketa na natutulog? Makarinig pa kaya siya ng balita tungklol demolisyon ng tahanan ng mga maralitang tagalungsod? Makarinig pa kaya siya ng balita tungkol sa magsasakang minasaker ng militar? Marinig nya pa kaya yung sigaw sa lansangan ng mga makabayang nagdedemostrasyon - Imperyalismo, Ibagsak! Burukrata Kapitalismo, Ibagsak! Pyudalismo, Ibagsak!? Maayos na kaya ang kalagayan ng mga mangagawa? Ano kaya ang landas na tatahakin ng batang ito kung makagisnan pa rin nya ang lipunang punong-puno ng pagsasamantala? Pumanig din kaya sya sa mga aping sector ng kanyang lipunan tulad ng ginawa ni Kristo na kailanman ay di pumanig sa naghaharing uri ng kanyang panahon? Sa kanya kayang panahon ay uso pa rin ang pagtatago ng pera sa bangko gamit ang mahihiwagang pangalan tulad ng Jose Velarde at Jose Pidal? May “plenty of sex” din kaya ang mga magiging pangulo ng bansang Pilipinas sa kanyang panahon? Patuloy pa rin kaya ang gera sa Mindanao? Patuloy pa rin kaya sa pandarambong ang Estados Unidos sa mga bansang mahihirap? Haayyy...ang daming tanong na di ko pa masagot sa ngayon. Ganun pala ang pakiramdam ng isang ama, masyado mag-alala at malayo na ang tinatanaw sa unahan!

Di ko maalis na mangamba sa mga bagay na pumasok sa aking isip sa tagpong iyon. Pangamba dahil walang katiyakan kung ano talaga ang magiging kinabukasan ng aking anak. Kungsabagay, wala namang nakatitiyak kung ano ang mangyayari bukas. Pero magaan sa pakiramdam ng isang ama na masiguradong magiging maayos ang buhay ng kanyang anak sa darating na panahon. Naalala ko tuloy ang kanta ng Buklod, yung “Nasa Atin ang Panahon”-

..Halina’t likhain, itayo ang bukas

Para sa ating mga anak

Ipaghanda sila ng daigdig na sagana

Nasa atin ang panahon….

Hindi ko man tiyak kung ano ang mangyayari sa darating na bukas, sisiguraduhin ko naman na hindi ako sususmbatan ng aking anak kung bakit di ako kumilos para sa pagbabago ng kasalukuyang kalagayang panlipunan, kung bakit di ko siya ipinaghanda ng isang magandang bukas! Di ko man masaksihan ang isang lipunang walang pagsasamantala, naway maliwanag na umaga ang makita ni Sophia sa pagmulat ng kanyang mga mata.

August 26, 2003

.

---------------------------------------------------------------------------------

[home][About Me][Photo Gallery][Analysis & Opinion]

[Links][What's New][Miscellaneous Stuff][Contact Me]

Site hosted by Angelfire.com: Build your free website today!