"Kudeta" ng Magdalo Group: Para Saan?

 

"Iyakin naman yung mga junior officers na nagkudeta, parang mga bata!", narinig kong wika sa kausap ng katabi ko sa jeep papuntang office kaninang umaga. Ako man ay may sarili ring obserbasyon sa nangyari kahapon sa Makati. Sa totoo lang, maghapon akong nakatutok sa TV kahapon at dahil di ako kontento sa napapanood ko, sinabayan ko pa ito ng pakikinig sa radyo. Medyo nagulat pa ako ng marinig ko na sa kasama sa panwagan ng grupong Magdalo ay ang pagbibitiw nila Pres. Arroyo, Sec. Reyes at ISAFP Chief Victor Corpus. Kaagad ay naisip kong hindi ito isang kudeta na gaya ng tinangka ng grupo ni Sen. Honasan noong panahon naman ni Pres. Aquino. Kung gayon ay ano ang kanilang layunin?

Kung tutuusin lehitimo naman ang karamihan sa kanilang mga hinaing - corruption within the AFP organization and Arroyo's administration; AFP's terroristic activities, poor condition and lack of benefits for ordinary soliers. Pero sa isang banda, hindi na naman ito bago! Hindi ito ang unang pagkakataon na bulagain tayo ng mga ganitong sitwasyon. Matatandaan na isiniwalat ni Fr. Cirilo Nacorda ang sabwatan ng AFP at Abbu Sayaff kaya nga't nakatakas pa ang mga bandido nang makubkob ang mga ito sa Lamitan. Kaya nga hindi na rin ako nagulat ng sabihin ng grupong Magdalo na ang administrasyon ang may kagagawan sa Davao Airport Bombing. Oo nga at lehitimo ang kanilang mga hinaing, pero ano ba talaga ang kanilang layunin?

Noong una ay humanga ako sa grupo lalo na nang may nagsalita mula sa grupo na kiunukwestyon kung ano na ang mga nagawa ni Pres. Arroyo matapos ang EDSA 2. Pero bandang huli ay nadismaya ako sa mga sumunod pang mga pangyayari. Di pa man suamasapit ang alas singko, na itinkadang ultimatum sa grupo, ay ilang kasapi na ng grupo ang sumuko. At mas lalo akong nadisamaya matapos ang "matagumpay" na negosasyon dahil nakita ko si Pres. Arroyo na halos hanggang tenga ang ngiti. Naisip ko tuloy ano kaya ginagawa nya habang nagkakagulo sa Makati? Ewan ko ba't bigla ko nalala na she has plenty of sex!

At matapos ang lahat ng kaguluhang ito, ano ba ang nagbago? Sino ba ang mga nagkaroon ng pagkakataong magpapogi sa media? They are too many to mention! Muntik ko na nga batuhin yung radyo dahil pati ba naman komedyante sa senado kailangan pang interbyuhin?

Isang malinaw na resulta ng mga nasabing kaganapan ay ang pagkakalantad kung gaano kabangkarote ang kulturang bumabalot sa AFP. Tila gustong ipagsigawan ng pagkakataon na mistulang mersenaryo lamang ang mga kasapi ng AFP. Naisip ko tuloy ang hirap siguro ibili ng bigas para ipakain sa kanyang pamilya ang sweldong nakukuha sa panunupil at pagpaslang sa mga mahihirap na magsasakang walang ibang nais kundi ang magkaroon ng sariling lupa at magkaroon nga maayos na kabuhayan. Inilalantad din ng mga kaganapang ito kung gaano kahina ang pundasyon ng administrasyong Arroyo.

Mas humanga sana ako sa mga nasabing junior officers kung imbes na sakupin ang Oakland Hotel upang magdaos lang ng press conference ay tinahak na lamang nila ang landas ng pakikibaka na naglalayong solusyunan ang ugat ng lahat ng problema ng ating bayan. Pakikibakang tumutugon sa hinaing ng mga mangagawa, magsasaka, kababaihan, kabataan at iba pang aping sektor imbes na ireklamo ang butas nilang bota!

Habang sinusulat ko ito, naglalaro sa aking isip kung ano kaya naramdaman ni Sen. Lacson sa mga pangyayaring ito? Si Sen. Honasan kaya?

July 28, 2003

.

---------------------------------------------------------------------------------

[home][About Me][Photo Gallery][Analysis & Opinion]

[Links][What's New][Miscellaneous Stuff][Contact Me]

Site hosted by Angelfire.com: Build your free website today!