Kaguluhan sa Mindanao:Artipisyal?
Kagimbal-gimbal ang mga nagaganap na pagsabog sa Mindanao, ilang buhay na naman ang nawala na nag-iwan ng maraming pamilyang luhaan. Ang malungkot pa nito, hanggang sa ngayon ay di pa rin tiyak kung sino ang mga nasa likod nito!
Mabilis ang pagturo ng militar sa mga moro na siya umanong may kagagawan ng mga kaguluhang ito sa Mindanao. Subalit kahit yata bagong panganak na bata ay magdududa sa mga sinasabi ng militar. Lalo pa at mayroon na umano itong mga suspek. Nakakatakot ito. Nakaamba na naman ang mga paglabag sa karapatang pantao. Naalala ko tuloy yung kaso ng Abadilla 5. Masabi lamang na lutas na ang kaso ng pagpaslang kay Gen. Abadilla ay kung sinu-sino ang dinampot at ang malungkot pa nito ay tinortyur at pilit pinaamin. Hindi na rin ako magtataka kung ilang inosenteng sibilyan na naman ang dadamputin at pagbibintangang siyang nasa likod ng mga pagsabog na ito.
Pero sino nga ba ang makikinabang sa mga kaguluhang ito? Dahil sa kaguluhang ito sa Mindanao, binibigyang katwiran nito ang pagpapadala ng bata-batalyong sundalo sa Mindanao; ang pagpasok ng mga sundalong kano sa bansa upang di umano ay labanan ang terorismo. Matapos ang gera sa Iraq, hindi kaya isunod naman ang Pilipinas? Nagtatanong lang naman ako. Nakakatakot malaman ang mga sagot sa mga tanong na ito. Nakakatakot dahil ganun na lamang kung panong pawalang halaga ang buhay ng inosenteng mamamayan. Ah, tama. Mga "collateral damage" lamang ang mga ito. Ano pa kaya ang pwedeng gawin ng ating gobyerno para lamang matuwa ang Amerika?
April 11, 2003
---------------------------------------------------------------------------------