Site hosted by Angelfire.com: Build your free website today!

Hindi lang jueteng! Hindi lang si Erap!

Nitong mga nakaraang araw ay naging kontrobersyal ang pag-e-expose ni Ilocos Sur Governor Chavit Singson sa milyon-milyong pisong payolang natatanggap ng Pangulo ng Pilipinas bilang proteksyon sa operasyon ng jueteng. Halos linggo na rin ang inabot ng mga headlines na pumapatungkol sa isyung ito. Nandiyan din at lumabas na gusto yatang samantalahin ng Lakas-NUCD ang exposé na ito upang maisulong ang sarili nilang interes—ang pagpapatalsik kay Erap Estrada.

Maituturing na nating open secret ang kalaganapan ng sugal, na kung tawagin ay jueteng, sa ating bansa. Hindi rin lingid sa kaalaman ng bawat mamamayan na may tinatanggap ang mga matataas na tao upang protektahan lamang ang operasyon ng sugal na ito. Mula kapitan ng barangay hanggang hepe ng pulisya, mula konsehal ng isang distrito hanggang sa alkalde ng isang lungsod. Mismong ang mga senador na sina Tessie Aquino-Oreta at John Osmeña ay umamin na inalukan sila ng isang jueteng lord ng isang milyong piso bilang ‘balato.’

Sa pag-aming ito ni Oreta at Osmeña ay lalong tumindi ang kawalang kredibilidad ng ating mga mambabatas upang dinigin ang kasong ito. Kakapalan na lamang ng mukha kung ipagpapatuloy nila ang mga nakatakdang hearings. Kaya’t sa sitwasyong ito ay isang independent investigating body ang ating panawagan.

Tandaan natin na bawat galaw ng isang pulitiko ay may hidden agenda. Sa kasong ito, si Singson ay kilalang jueteng lord sa norte at siya ay nabahala lamang sa pagsasaligal ng Bingo 2-ball at baka malugi na ang kanyang iligal na pasugalan. Bukod pa dito ang pagseselos niya kay Atong Ang. Sinakyan naman ito ni Senate Minority Floor Leader Teofisto Guingona upang agarang maipaupo ang kanilang parokyano: si Gloria Macapagal-Arroyo.

Dito na natatapos ang usapan sa jueteng at dapat nang lumiko sa usapan ukol sa kabulukan ng sistema. Noon pa man ay lagi nating inuulit-ulit ang ating pagtingin sa panawagang ‘Oust Erap.’ Na ang simpleng pagpapatalsik kay Estrada ay hindi magpapaangat sa kalagayan ng mga pinoy lalo na kung ang ipapalit ay si Macapagal-Arroyo na kilala ring propeta ng globalisasyon.

Nakakagulat na nga lamang at nahumaling ang mga progresibong organisasyon sa ilalim ng BAYAN-KMU sa pagpapatalsik kay Estrada. Hanggang sa Press Conference ni Singson ay panay ang papuri nila sa isang jueteng lord para lamang maidiin ang pangangailangang mapatalsik si Erap.

Naniniwala rin naman tayo na tama lamang na tanggalin sa poder ang pangulo kung ito ay simpleng pagpapakita ng galit ng masa laban sa kanya. Ngunit ang pagturing dito bilang pangunahing programa upang may makamit kahit kaunting pagbabago ay isang ganap na kahibangan. Ni hindi nga papatak bilang radikal na reporma para sa isang rebolusyonaryo ang panawagang ito.

Ang maituturing pa nating radikal na reporma ay ang pagpapatawag para sa isang ‘government for national renewal’ na naaayon sa ating konstitusyon. Sa pamamagitan ng Interim Government na ito na maaaring pamunuan ni Supreme Court Chief Justice Hilarion Davide, mapapadulas ang pagpapatawag para sa isang snap elections. Hayaan nating ang masa pa rin ang magpasya at kung dodominahin pa rin ng mga trapong ito ang gaganapin na botohan, nararapat lamang para sa mga mamamayan na gamitin ito bilang venue ng protesta laban sa bulok na sistema.

Kailangang mag-isip ng makalawa ang mga militanteng grupong simpleng ‘Oust Erap’ lamang ang panawagan. Dahil maaaring ginagamit lamang sila ng mga trapo na kanilang inalyansa.

Dapat tandaan nating lahat na ang pagpapatalsik kay Erap ay pagpapaupo kay Gloria. At kung ipapaliwanag sa maliit na usapin ng jueteng: parang pinalitan lamang natin si Atong Ang ng isang Bong Pineda.