Site hosted by Angelfire.com: Build your free website today!

Ang Tunay na Pagbabago

 

Uso na naman ang mga rally ngayon.

Karaniwan nang marinig mo kung saan at kailan ang susunod na pagkilos. O dili kaya'y pagsapit ng alas-sais ng gabi, parang telenobelang "Rosalinda" na inaabangan ang mga naganap na rally sa mga balita sa telebisyon.

Kanya-kanyang gimmick, iba't ibang sigaw at kanya-kanyang makukulay na placards. Pero isa lang ang ibig sabihin nito: umiigting na ang galit ng mamamayan kay Erap at lumalakas na nga ang kilusan laban sa kanya.

Inobliga na ng sitwasyong mag-rally ang masa upang pasubalian na si Erap ay kakampi pa rin ng mahihirap. Bagkus, nais na siyang patalsikin sa puwesto dahil sa tingin natin ay wala na siyang kakayahang pamunuan pa ang bansa. Samakatwid, nanawagan na ang masa ng pagbabago.

Ngunit sa kabila ng sitwasyong ito, ang masa ay nanatiling lito o balisa kung kanino at sino ang dapat nilang samahan. Napakarami kasing pumapapel at napakaraming kilusan ang may iba't ibang mga panawagan. Parang palengke tuloy ang lansangan na parang pinaglalakuan ng iba't ibang panawagan sa masa.

Para sa atin, tama ang manawagan ng pag-alis ni Erap sa poder. Sapagkat bukod sa Jueteng Payola na kinasasangkutan niya ngayon, sa simula pa lamang ng kanyang panunungkulan ay binigo na niya ang mahihirap sa pamamagitan ng pagpabor niya sa interes ng kanyang mga kaibigan at mga kamag-anak.

Pero tayo ay naniniwalang hindi ito sasapat para maganap ang pagbabagong hinahangad natin. Hindi tayo dapat makuntento sa panawagang RIO (Resign, Impeach, Oust), na sa kasalukuyan ay bitbit ng LAKAS-NUCD-UMDP-KAMPI (ni Gloria)-CPP-NDF-BAYAN-KMU-LFS-ANAKBAYAN atbp.

Ang karanasan ng mamamayan noong EDSA 1986 ay isang leksyon na hindi dapat kalimutan. Mula kay Marcos ay pinalitan lamang ng isang Cory ang gobyerno, na kung saan ay panibagong grupo ng mga mayayaman ang muling nagpakasasa sa kapangyarihan, samantalang ang masa na pangunahing nagluklok sa kanila ay nanatiling lugmok sa kahirapan at salat sa karapatan. Sa pamamagitan ng impeachment o resignation ay uulit na naman ang mga ito, sapagkat ang tagumpay ng naturang panawagan ay ang ligal na pagpapaluklok kay bise-presidente Gloria Macapagal Arroyo bilang bagong pangulo.

Isang Gloria na napakalaki rin ng kasalanan sa sambayanan tulad ni Erap. At ang isa pa, pagkatapos pumabor sa lahat ng patakarang kontra-mamamayan at makinabang administrasyon ni Erap,biglang siyang lumundag mula sa papalubog na "Jeep ni Erap", nang mabalitaan niyang tagilid na ito. At ngayon ay nagtayo pa ito ng tinagurian niyang "United Opposition" upang pamunuan ang pagpapatalsik kay Estrada. Samakatwid, pagkatapos niyang makinabang ay bigla itong magmamalinis.

Kaya't malinaw sa atin na hindi ang oportunistang si Gloria ang alternatiba at magbibigay ng ganap na pagbabago. At lalu namang hindi rin dapat payagan sina Senate Pres.Franklin Drilon na "mouthpiece" ng administrasyong Estrada at House Speaker Manny Villar na tinaguriang "God father" ng Power Bill payola scam sa kongreso, at sa ngayon ay kilala bilang ST o "Super Trapo". Kung gayon, maituturing natin silang lahat na bulok, kapwa sa hanay ng administrasyon at oposisyon. Bulok din kasi ang sistemang umiiral sa ating bansa, kaya hindi maiiwasan na dominahin ng mga buwayang pinuno ang ating gobyerno.

Walang ibang mabuting opsyon kundi magbitiw silang lahat sa tungkulin at halinhan ng isang "Caretaker Government" o "Government for National Renewal". Ang naturang gobyerno na pamumunuan pansamantala ni Chief Justice Davide ang magtitiyak ng pagrereporma ng ating sistemang pampulitika at elektoral. Kapag naisakatuparan na ang reporma, dapat ay maglunsad ng isang Snap Election upang pagpasyahan ng mamamayan ang pagpili ng mga bagong mamumuno sa bansa.

Kung susumahin ang panawagang ito, kailangan manawagan tayo ng isang People Power, hindi lang laban kay Erap kundi laban din sa Bulok na Sistema. Ang naturang People Power na ito ay nararapat na pangunahan ng mamamayan at malaya sa kontrol ng mga pulitikong ang gusto lang ay makabalik at muling maghari sa ating bansa.