Site hosted by Angelfire.com: Build your free website today!

ON NATIONAL QUESTION

 

I.                POSTULATES

 

struggle for the right to self-determination!

1.         Ang pag-unlad ng kapitalismo sa Pilipinas at sa buong daigdig, sa pangkalahatan, ay hindi pantay.  Ang pagsibol ng Pilipinas bilang pambansang estado ay galing sa isang external o panlabas na imposisyon ng kolonyalistang Espanyol at imperyalistang Estados Unidos.  Subalit hindi pa dumating ang mga dayuhang mananakop ay may pormasyong pang-estado nang lumitaw ang mga mamamayan.  Ito ang gobyernong Sultanato at Timuay.

            Nabigyan ng pambansang anyo ang pakikibaka sa panahong pumutok ang armadong pag-aalsa ng katipunan sa pumumuno ni Andres Bonifacio.  Ang rebolusyon sa ilalim ng Katipunan sa simula ay konsentrado lamang sa Katagalugan ngunit ang liderato nito ay nakuha ang mga nagsulputang lokal na burgesya (ilustrados) at dito nagsimula ang artikulasyon sa nasyonalismong pilipino at ang pagtayo ng isang Republika.  Naitayo ang isang Republika sa ilalim ng dikta ng imperyalistang Amerikano at nagpatupad ng polisiya at programa na kung saan ang umiiral na dominanteng kultura at nasyonalidad ay ang Mayoryang Pilipino.

2.            Nagdulot ng pagkasira at pagkabuwag sa sosyo-kultural at eko-politikal na sistema ng minoryang nasyonalidad dahil sa sapilitang kampanya at programang asimilasyon ng reaksyonaryong estado ng Pilipinas at pagkamkam ng mga imperyalistang bansa sa kanilang likas yaman at rekursos (ancestral domain).  Binalewala at sinagasaan ng nasabing estado ang sariling sistema, kultura at antas ng pag-unlad ng mga minoryang nasyonalidad.

3.         Simula nang maitatag ang Republika ng Pilipinas hanggang sa ilalim ng pangkasalukuyang mala-kolonyal at mala-liberal na estado, ang mga programa nitong pinatupad ay hindi nakasagot sa pambansang katanungan ng mga minorya.  Sa kabilang panig, Ang programa ng Communist Party of the Philippines (CPP) sa ilalim ng pamumuno ni Jose Maria Sison hinggil sa usaping ito ay walang pagkakaiba at sumusunod sa linya at balangkas ng reaksyonaryong estado.  Nasa balangkas ng CPP na ang paggigiit ng nasyonalismo at ang pakikibaka tungo sa pambansang kalayaan ay nasa kamay lamang ng Mayoryang Pilipino.  Malinaw  na  hindi  kinikilala   ng   isang Maoista at Stalinistang Partido ang minoryang nasyonalidad at ang mga partikularidad at pekyularidad nito.

            Ang ganitong balangkas ay hubarang nagsasabi na ang mamamayang Moro at ibang minoryang nasyonalidad (Lumad, Cordillera) ay walang pambansang identidad at walang kakayahan na maglunsad ng pambansang rebolusyon.  Wala rin itong kaibahan sa Cultural Revolution ni Mao Tse Tung na pinapababa ang pagtingin sa mga pambansang minorya bilang isang purely cultural minorities o special concerns lamang (PSR).  Parehong inalisan ng reaksyonaryong estado at CPP ang minoryang inaapi ng karapatan na magtayo ng sariling estado o bansa.

4.            Parehong nagpapatupad ang reaksyonaryong estado at CPP ng isang polisiyang One Nation, One State at One People sa kabila ng reyalidad na ang Pilipinas ay nahahati sa iba�t-ibang mga nasyonalidad.  Batay rito hindi uubra ang ganitong polisiya sa isang lipunan na may multi-nationalities, multi-states (tri-people) na katayuan.  Iba�t-ibang nasyonalidad o multi-nationalities na may partikularidad at pekyularidad sa sistemang pulitika, ekonomiya at kultura.  Mga nasyonalidad na may sariling dinaanang kasaysayan at antas ng pag-unlad.  Dahil dito, hindi maaaring ipilit na ipahari ng isang burgesya o Partido ang kanyang sistema o polisiya sa ibang mga nasyonalidad sa Pilipinas na hindi makonsidera ang ethnic at clannish na katayuan nito at ang partikularidad at pekyularidad ng kanilang socio-cultural at political structures.

5.         Malinaw na ang basehan ng pambansang katanungan ay ang patuloy na pang-aapi at pagsasamantala sa mga mamamayan.  Malinaw rin na ang nasabing pang-aapi ay lalong pinaigting sa loob ng sistemang kapitalismo.  Naniniwala ang RPM na hanggang mananatili ang pang-aapi sa mamamayan ay walang mangyayaring kasagutan sa Pambansang Katanungan.  Kung hindi ito maresolba, magpapatuloy ang pakikibaka ng minoryang nasyonalidad tungo sa pagkamit ng tunay na kalayaan at kapayapaan.  Kinakailangan na ang programa ng Partido ay tutugon sa pagbura sa lahat ng porma ng pang-aapi at pagsasamantala upang masagot ang pambansang katanungan ng mga inaaping mamamayan.

            Sa Marxist point of view, dinidiin at binibigyan ng mahalagang papel ang ekonomiya bilang dahilan sa pagkawala (abolition) ng mga pambansang katanungan.  Karugtong nito, tinitingnan ni Marx na ang pag-unlad ng sistemang kapitalismo ang siyang dahilan sa pagsibol ng pambansang estado.  Tinitingnan ri ni Marx na ang pagkawala ng estado at uri na kung saan ekspresyon ng pang-aapi at pagsasamantala ay ang pagkawala ng pambansang katanungan.

6.         Sa konteksto ng Pilipinas partikular sa lipunan ng mamamayang Moro at Lumad, ang pag-unlad ng lipunan at ang transpormasyon nito sa isang yugto patungo sa isang yugto ay hindi pa ganap.  Naging mestiso ang takbo ng pag-unlad sa Pilipinas.  Hindi pa buong ganap ang pag-unlad ng sistemang pyudalismo, at hindi pa naging ganap ito, pumasok kaagad ang kapitalismo na inimposa ng mga dayuhang mananakop.  Hanggang ngayon ay nananatili pa ang impluwensya ng sistemang komunal, alipin at pyudal sa lipunan ng pambansang minorya.  Samakatuwid, ang modo ng produksyon na umiiral sa lipunan ng pambansang minorya ay multi-mode na may malakas na impluwensyang kapitalismo.

7.         Sa lipunan ng mamamayang Moro at iba pang minorya, malakas ang clan consciousness at clan contradictions kaysa class.  Malaki ang clan factor sa pagbabago at pag-unlad ng kanilang lipunan.  Sa ganitong objective realities ang Partido ay nagbigay ng malaking konsiderasyon sa clan at ethnic approach sa pag-AOM (arouse, organize, mobilize) sa kanilang hanay.

            Dahil sa bagong objective realities partikular sa pag-igting ng impluwensya ng sistemang kapitalismo sa loob ng kanilang lipunan, unti-unting sumibol ang class consciousness lalung-lalo na sa mamamayang Moro na malaki ang bilang sa nagiging mga kapitalistang panginoong maylupa, traders at burgesyang komprador kung ihahambing sa Lumad.

            Ang tingin ng RPM, ang class contradiction sa loob ng sistemang kapitalismo ay may malaking kontribusyon sa pag-igting ng clan contradiction sa loob ng lipunang Moro at Katutubo.  Ang tunggalian ng clan ay extension ng tunggalian ng uri sa pagitan ng nang-aapi at inaapi sa loob ng Pilipinas.  Tinitingnan ng Partido na ang pag-igting ng clan at class contradictions ay dulot ng malawakang opensiba ng sistemang kapitalismo sa Pilipinas at sa buong daigdig.  Kailangan dito ang mahigpit na kombinasyon ng clan at class approach sa pag-AOM sa kanila laban sa kapitalismo.

8.         Ang usaping Pambansang Katanungan ay hindi lamang nakalimita sa usapin ng pakikibaka ng minoryang nasyonalidad laban sa pambansang pang-aapi ng reaksyonaryong estado at imperyalista.  Samakatuwid sa loob mismo ng minoryang nasyonalidad ay may malaki at mahalagang usaping pambansang katanungan.  Sa loob ng nasabing lipunan ay may elemento ng pang-aapi at pagsasamantala ng dominanteng tribo laban sa minoryang tribo, malalaking clan laban sa maliliit.  Ang ibig sabihin, hindi magwawakas ang usaping pambansang katanungan kahit matapos at manalo na ang minoryang nasyonalidad sa kanilang  pakikibaka  laban   sa   reaksyonaryong   estado   at imperyalista.  May pambansang katanungan pa itong sasagutin sa loob mismo ng kanyang lipunan.

9.         Sa maraming karanasan ng komprontasyon na dinaanan ng mga Moro at ibang nasyonalidad na nagsimula pa noong Spanish at American colonization at sa kanilang direktang pakikibaka laban sa mga Multi-National Corporations (MNCs) at Transnational Corporations (TNCs) na kumikilos sa loob ng kanilang komunidad, madali nitong maunawaan na ang paglala ng pambansang pang-aapi ay dulot ng sistemang kapitalismo.  Dahil sa kanilang mayamang karanasan, madali nitong maintindihan ang  diyalektong  relasyon  ng pambansang pang-aapi sa kabuktutan ng kapitalismo.

            Madali na nilang mai-ugnay ang pagkawala at pagkasira ng ancestral domain doon sa kapitalismo.  Hindi na mahirapan ang Partido sa pagpapaintidi sa kanila kung sino at anong pwersa ang sumusira sa kanilang pamumuhay at kinabukasan at kung bakit at paano ito nasira at nawala.  Sa ganitong sitwasyon, ang papel ng Partido ay ang pagtulong kung paano masistematisa at mapatalas o mahasa ang kanilang ideolohiya at estratehiya sa pakikibaka laban sa burgesya at kapitalistang sistema.

 

II.                   ANG POSISYON AT PAGDALA NG RPM SA PAMBANSANG PAKIKIBAKA NG MGA MAMAMAYANG INAAPI

 

1.         Ang pakikibaka ng pambansang minorya ay hindi lamang nakatuon sa lokal at pambansang burgesya.  Ito�y direktang nakatutok laban sa mga dayuhang kapitalista at imperyalista.  Ang kanilang pakikibaka ay indirekta at direktang tumutugon sa pagpapahina sa pambansa at internasyonal na burgesya.  Malinaw na may internasyonalismong laman ang kanilang pakikibaka.  Ang mamamayang Moro at ibang minoryang nasyonalidad ay hindi lamang nananawagan ng pambansang kalayaan, higit sa lahat, nananawagan ito ng pandaigdigang kalayaan at kapayapaan.

            Sa ganitong balangkas, ang posisyon ng RPM ay lubusang susuporta at makikiisa sa kanilang pakikibaka.  Ang pakikibakang ito ay may diyalektikong relasyon sa internasyonalismong pakikibaka ng proletaryado.  Ang programang ito ay sumasang-ayon o affirmation sa estratehikong panawagan ng Second International na �all workers and oppressed peoples in the world unite.�

2.         Malinaw na hindi kaiba ang problema na kinakaharap ng mga mangagawa at iba pang uri sa lipunan sa pundamental o pangunahing problema na kinakaharap ng mamamayang Moro at  Katutubo.    Walang  pag-alinlangan ang Partido sa pag-susuporta sa kanila.  At aktibong lalahok ang Partido sa pakikibaka laban sa pambansang pang-aapi ng inaaping mamamayan sa sariling pagpapasya habang puspusang nakikibaka laban sa kapitalismo at pinapanday ang proletaryadong internasyonalismo.  Batay ito, nilinaw ni Lenin ang diyalektikong relasyon sa pagitan ng internasyonalismo at ang karapatan sa sariling pagpapasya. Naninindigan ang Partido na ang demokratikong pakikibaka ng minoryang nasyonalidad ay karugtong at bahagi ng sosyalistang pakikibaka ng proletaryado.  Hindi natin simpleng ikahon na ito�y tuwirang hiwalay sa pambansa at demokratikong pakikibaka doon sa sosyalistang pakikibaka.  Hindi simpleng sabihin na ang demokratikong rebolusyon ng mga inaaping mamamayan ay isang burges na rebolusyon.  Hindi ito nakalagay sa isang laboratoryo na tatapusin muna natin ang pambansa at demokratikong rebolusyon bago umpisahan ang isang sosyalistang rebolusyon.  Ang rebolusyon ng minoryang nasyonalidad ay may progresibo at sosyalistang elemento.

3.         Sa usaping kultura at sistemang hustisya ng minoryang nasyonalidad, kikilalanin ito ng Partido.  Ang demokratiko at sosyalistang elemento ng kanilang kultura (halimbawa, pagtatrabaho ng kolektibo, pakikibaka sa mga mapang-aping uri, swift justice) ay paunlarin at iugnay sa international culture at justice system ng proletaryado.

4.         Ang usaping ancestral domain ay nasa pangangalaga at pamumuno ng kanilang Council of Elders.  Malinaw sa praktis ng mga katutubo na ang lupa ay nasa balangkas ng collective ownership.  Sila ay may mataas at mayamang karanasan sa usaping communal ownership of production.  Tutulungan ng Partido na mapa-angat sa siyentipiko at rebolusyonaryong antas ang kanilang praktis hinggil dito.

5.         Maliban dito, isa rin sa mahalagang usapin ang Governance.  Sa loob ng lipunang Moro, humigit kumulang, ay mayroong 13 ethno-linguistic groupings na may iba�t-ibang antas ng political governance.  Ang pinaka-dominante rito ay nabibilang sa tatlo: ang Sultanato sa Maguindanaw, Sultanato sa Sulu at ang Pat A Pangapong Ko Ranaw.  Ang tatlo ay autonomous sa isa�t isa at pederal ang tipo ng kanilang original na gobyerno.

            Samantala, sa hanay ng mamamayang Lumad, humigit kumulang ay mayroong 18 major ethno-linguistic groupings.  Katulad ng Moro, may sarili rin itong political structure.  Ang pinaka-dominante rito ay Timuay Government.  Ito ay autonomous mula sa isa�t isa at may katangiang pederal.

Dagdag dito, ang kahilingan ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na magtayo ng isang Islamic State sa Mindanao.  Katulad ng gobyernong Sultanato at Timuay, ito�y kikilalanin at susuportahan ng Partido na kabahagi sa pagpapasya sa sarili.

Ang lahat ng progresibo at rebolusyonaryong gobyerno ng mamamayang Moro, ibang minoridad nasyonalidad at inaaping Pilipino ay malakas na susuportahan ng Partido, kabilang ang usaping patatayo ng isang pedserasyon o pederasyon ng gobyerno sa hanay ng tatlong mamamayan.  Ngunit ang pagpapasya mismo nito ay nasa kamay pa rin ng mga mamamayan.

6.         Ang estratehiya ng Partido ay palakasin ang pakikibaka sa sariling pagpapasya ng mga minoryang nasyonalidad, iugnay ito sa pambansa at demokratikong rebolusyon ng buong mamamayan at palakasin ang internasyonalistang pakikibaka ng mga proletaryado para mabilisang maitumba ang burgesya at imperyalista.  Ang labanan dito ng prolet at kapitalista ay hindi lang makikita sa pambansa at pandaigdigang labanan kundi sa labanan na nag-uumpisa sa lokal na antas.  Ibig sabihin, susuportahan at sasama ang Partido sa pakikibaka ng mga minoryang nasyonalidad laban sa mga kapitalistang panginoong maylupa, kartel at mga dayuhang korporasyon (TNCs, MNCs) na kumo-kontrol sa kanilang lupa o ancestral domain.

 

III.            PANGUNAHING LAYUNIN NG PAMBANSANG PAKIKIBAKA

 

Ang pinaka-layunin ng rebolusyonaryong pakikibaka ng mamamayang Moro, Lumad, Cordillera at inaaping Pilipino ay wakasan ang lahat ng pambansang pang-aapi at pagsasamantala.  Buong makakamtan ng mamamayang inaapi ang tunay na kalayaan at demokrasya sa pamamagitan ng pagkamit sa kanilang Right to Self-Determination (RSD).

Samakatuwid, ang pakikibakang ito ay sasagot sa mga pambansang katanungan.  Ang pambansang katanungan ay isang tanong sa pagsagot sa mahahalagang mga problema sa pag-unlad, pag-alis ng pambansang pang-aapi, pag-alis ng mga balakid, sa pagtatayo ng mga bansa at pagseguro sa kalayaan, kaunlaran ng mga mamamayan kasama na ang pagkamit ng tunay na kalayaan at internasyonalismo sa loob ng mga pambansang relasyon.

Ang RPM ay naniniwala na hindi matatapos ang pagsagot sa pambansang katanungan hangga�t mananatili pa ang usaping estado, uri at clan sa lipunan ng mamamayang Moro, Cordillera, Lumad at Pilipino.  Kahit  na papasok ang proletaryado sa isang sosyalistang rebolusyon at onstruksyon, hangga�t hindi pa nasasagot ang pambansang katanungan, patuloy pa rin ang pagsuporta ng Partido sa pakikibaka tungo sa Right to Self-Determination ng nasabing mga mamamayan.

Kahit na mananalo at matatapos ang demokratiko at sosyalistang rebolusyon, hindi awtomatikong matatapos na rin ang problema ng pambansang pang-aapi at pagsasamantala.  Hanggang buhay at mananatili pa ang materyal na basehan ng pambansang katanungan � solidang magpapatuloy ang pakikibaka ng Partido sa pambansang pang-aapi sa ilalim ng kahit ano mang sistema na maabot ng lipunan.

 

IV.        ANG POLITIKAL NA KATANGIAN NG PAMBANSANG PAKIKIBAKA

 

Ang katangiang politikal at kilusan ng pambansang kalayaan ay democratic at anti-imperialist struggle.  Subalit ito ay mahigit na naka-ugnay sa proletaryadong pakikibaka at tutungo ito (ang pambansang pakikibaka) sa isang sosyalistang pakikibaka.  Sa framework ng Partido, ang dalawang ito ay magkaugnay at inter-related sa isa�t isa.  Ang kapanalunan ng pambansang pakikibaka ng inaaping mamamayan ay kapanalunan rin ng pakikibakang prolet at vice-versa.  Ang paghihina sa komon ng kaaway, ang kapitalismo, ay interrelated at interconnected na trabaho ng dalawang nabanggit na magkaugnay na pakikibaka.

May panlipunanng responsibilidad ang Partido na suportahan ang lahat ng mamamayan, grupo o uring inaapi, ito ang prinsipyong hinahawakan ng Partido.  Hindi pwedeng ihiwalay ng prolet ang kanyang pakikibaka mula sa pambansang pakikibaka at kahit panlipunang kilusan.  Pinapakita ng Partido na ang pangkabuohang pakikibaka ng masa ay tutungo sa isang sosyalistang progreso na isa sa pinakamahalagang tutungihin ng proletaryadong pakikibaka.

Ang pambansang pakikibaka tungo sa pagkamit ng tunay na kalayaan ay isang politikal at ideolohikal na usapin ng pambansang katanungan.  Ang pakikibaka sa pambansang kalayaan ay pakikibaka ng impluwensya sa pagitan ng burgesya at proletaryado.  Ayon kay Marx, sa pag-unlad ng bansa at ng daigdig may malaking implikasyon at impluwensya ang maka-uring mga dahila sa pag-unlad ng proletaryadong internasyonalismo.

Sa balangkas na ito, hindi pwedeng pabayaan ng Partido ang pambansang   pakikibaka   at   RSD  ng   mga  inaaping   mamamayan.    Hindi pwedeng ibigay ng Partido sa burgesya ang nasabing pakikibaka at hayaan na ito sa kanila.  Ang labanan sa pagitan ng proletaryado at burgesya ay hindi nagsimula sa sosyalistang rebolusyon, nagsimula ito sa demokratiko at anti-imperyalistang pakikibaka ng minoryang nasyonalidad at inaaping mayorya.

            Ang dalawang nabanggit na pakikibaka ay kailangan panghawakan ng Partido bilang parehong mahalaga.  Malinaw na ang tuntungan sa pagpapa-abante at pagpapa-unlad ng internasyonalismo ay nasyonalismo.  Ngunit dapat malinaw rin sa Partido na ang kanyang pangunahing pupuntahan ay ang pagpapa-abante sa internasyonalismo.

            Ngunit hindi sa lahat ng panahon ay susuportahan ng Partido ang mga pambansang pakikibaka.  Malinaw na hindi susuportahan ng Partido ang pambansang pakikibaka na kontra-rebolusyon at pinapangunahan ng mga mapang-api at imperyalistang pwersa.

 

V. MGA KAGYAT NA DEMOKRATIKO AT SOSYALISTANG KAHILINGAN NG MINORYANG NASYONALIDAD AT INAAPING MAYORYA.

 

Sa sumada, ang inaaping mamamayan ay may dalawa, ngunit magka-ugnay, na demokratiko at sosyalistang kahilingan.  Ang usaping LUPA at socialization of means and ownership of production.

            Ang usaping repormang agraryo ay hindi lamang nakatali sa land distribution.  It ay hanggang land development.  Usapin ito ng genuine implementation ng repormang agraryo tungo sa isang tunay at peoples-based industrialization.  Nasa balangkas ito na ang pagpapa-unlad ng agrikultura ay pagpapa-unlad ng industriya at vice-versa.  Isang agricultural and industrial development na hindi makakasira ng kalikasan.

Isa sa pinakamahalaga sa usaping demokratiko at sosyalistang kahilingan ay ang socialization ng ownership of production at pagpapa-unlad ng means and forces of production.  Usapin rin ito kung papaano maitransporma ang indibidwal at private farms papuntang collective farms.  Ang kahilingang ito�y hindi kumpletong mareyalisa o mamateryalisa hangga�t mananatili pang hawak at kontrolado ng naghaharing-uri ang means of production.

Ang pag-angkin at pagbawi muli sa ancestral domain ng minoryang nasyonalidad    ay     tuwirang   naka-ugnay   sa   paghawak   ng    politikal   na kapangyarihan.  Ang ancestral domain ay ubod-laman ng kanilang pakikibaka tungo sa karapatan sa sariling pagpapasya.  Ito ang expression ng kanilang buhay at kinabukasan.  Ito ang tinutungtungan ng kanilang politikal na kapangyarihan.  Kailangan kumpletong mapalaya ang minoryang nasyonalidad mula sa kontrol at pang-aapi ng burgesya at sistemang kapitalismo.  Sa pamamagitan lamang nito (pagpapalaya sa kanila) makakamtan ng minoryang nasyonalidad ang kanilang demokratiko at sosyalistang kahilingan.

Subalit ang usaping RSD ay hindi lang usapin ng ekonomiya at kultura.  Higit sa lahat, usapin ito ng politika.  Kinikilala ng Partido ang kanilang karapatan sa pagbubuo ng isang estado, asosasyon o pederasyon kahit na sa antas ng paghihiwalay (secession).  Dito nilinaw ni Lenin, na ang pagbubuo at hindi pagbubuo ng sariling pambansang estado ay saklaw ng kanilang karapatan.  Ang usaping ito ay nasa kanilang kamay mismo.  Ang tungkulin ng Partido ay tulungan silang mapaabante ang kanilang pakikibakang RSD tungo sa pagkamit ng tunay na kalayaan at demokrasya.

 

VI.        ANG PANGUNAHIN AT KAGYAT NA GAWAIN NG PARTIDO

 

            Ang kagyat at pangunahing gawain ng Partido sa pambansang pakikibaka ng mga minoryang nasyonalidad at inaaping mayorya ay ang mga sumusunod:

1.            Ipaangat ang antas ng kanilang pakikibakang RSD sa pamamagitan ng pagpapatalas ng kanilang ideolohiya at estratehiya sa pakikibaka laban sa pambansa at internasyonal na burgesya at naghaharing uri;

2.            Palakasin ang kanilang kampanya tungo sa pag-angkin, pagbawi ng lupa at pagpapatupad ng repormang agraryo.  Sasamahan at gagabayan ito ng Partido sa pamamagitan ng konkretong praktika nito.  Mapakita sa kanila na ang siyentipiko at kolektibong pagpapatakbo ng lupa at socialized ownership of production ang siyang pinaka-abanteng pamamaraan tungo sa isang maunlad at progresibong lipunan;

3.            Ipaangat sa rebolusyonaryo at siyentipikong antas ang kanilang socio-political structure at justice system;

4.            Palakasin at konsolidahin ang kanilang kapasidad na mamuno at magpatakbo sa kanilang sariling organs of political power at ang pagpapaunlad nito.  Bahagi ng kanyang konsolidasyon ay ang pagbubuo ng mga sanga at komitiba ng Partido sa loob ng kanilang gobyerno, ugmos at armadong pwersa; 

5.         At ang pag-ugnay at pag-iisa sa pakikibaka ng pambansang minorya at inaaping mayorya sa pakikibaka ng mga manggagawa at iba pang inaaping uri at grupo ng lipunan laban sa mapang-aping sistema ng kapitalismo.

 


REFERENCES  :

1.        Resulta ng Unang Moro Right to Self-Determination Conference noong 1994, Mindanao, Philippines.

2.        Sub-Mindanao Regional Committee Document, �On Council of Elders� Approach � Lumad Context: Isang Oryentasyon,� 1993.

3.        Victor ruelan, �Ang Kasinatian sa Pag-oorganisa sa Hanay ng Katawhang Moro ug Lumad,� 1997.

4.        Paper ng �On National Question� ng Mindanao Region sa Unang Revised Basic Party Course na inilunsad ng Peoples� Communist Party (PCP) noong Agosto 1997.

5.        Marx and Engels,  Selected Works,   Vol. 2,  Progress  Publisher,  1964, p. 288.

6.        V.I. Lenin, Selected Works, Vol. 20, Progress Publisher, Moscow, 1966, pp. 24 � 25.

7.        Ibid., p.238.

8.        Jose Maria Sison, �The Philippine Revolution and the National Question,� International Network for Philippine Studies, February 15, 1996, p.8


working class movement    

revolutionary mass movement

armed struggle    

peace negotiation   

agrarian question electoral struggle    

gender question    organs of political power


home




Contents:
Home
REBOLUSYONARYONG PARTIDO NG MANGGAGAWA NG PILIPINAS
RPM-P PROGRAM
ON NATIONAL QUESTION
HISTORY
THE ORGANS OF POLITICAL POWER
ON ARMED STRUGGLE
ON PEACE NEGOTIATION
ON AGRARIAN QUESTION

CONSTITUTION AND BY-LAWS
RPM-P: BRIEF PROFILE
THE REVOLUTIONARY MASS MOVEMENT
ON GENDER QUESTION
WORKING CLASS MOVEMENT
THE REVOLUTIONARY WORKER'S JOURNAL
ON ELECTORAL AND PARLIAMENTARY STRUGGLE
POLITICAL CARICATURE