WORKING
CLASS MOVEMENT
Sa pagkakatatag ng Rebolusyonaryong Partido ng
Manggagawa sa Pilipinas (RPM-P) sa batayan ng pagtatakwil sa Stalinismo at
bulgarisadong Maoismo at pagpupursige natin sa pag-aaral ng Marxismo -
Leninismo at sa praktika nito sa rebolusyong Pilipino, susing larangan ang
kilusan ng uring manggagawa sa nararapat mabigyan ng masusing pag-aaral at
pansin upang mailagay sa tamang pwesto sa kabuuang rebolusyonaryong
pakikibaka.
Ang ating mga pag-aaral at pansin ay nararapat na malinaw na tumungo sa pagsasaayos ng mga distorsyong nilikha ng ilang dekadang pamamayani ng Stalinista at Maoistang pag-iisip sa pagharap sa usapin ng kilusan ng uring manggagawa. At maging gulugod ng ating pangkalahatang re-oryentasyon sa gitna ng mga umiiral na katotohanan at Marxista-Leninistang rebolusyonaryong praktika.
Maikling Pangkalahatang Kalagayan Ng Uring Mangagawa
Sa
kasalukuyan, ang umiiral na pang-ekonomiang sistema sa bansa bagama’t
kapitalismo na ay isang hilaw o maldebelop na kapitalismo.
Dulot ito ng dayuhang pananakop na bumansot sa pag-unlad sa loob ng
halos mahigit 500 taong pag-iral ng Pilipinas bilang isang bansa - mula sa
halos apat na daang taon sa ilalim ng Kastila, sampung taon ng Amerikano,
tatlong taon sa ilalim ng Hapones at muli ng ilampung taon ng Amerikano.
Dahil dito, hindi naging normal ang pag-unlad ng bansa na ginawang
kurakutan ng yaman ng mga dayuhan.
Ang
nangyari ay naging mina ng hilaw na kalakal at tambakan ng tapos na
produkto ang bansa kaya labis na naantala ang pag-unlad nito bilang
industrialisado o kapitalista. Kaya sa halos 500 taon nitong pag-iral
bilang bansa, ang Pilipinas ay nasa yugto pa rin ng maldevelop na
kapitalismo – kahit na ang daigdig ay bumubungad na sa sosyalismo.
Ang tuwirang resulta nito ay hindi rin maunlad o debelop na uring
manggagawa na hati-hati sa ilang seksyon.
Bukod
dito, dahil na rin sa mga maniobra at manipulasyon ng kapitalismo, labis na
atrasado ang kamalayan ng uring manggagawa kahit sa antas lang ng unyonismo
- halos wala pang 10 % ng 25 milyong manggagawang industrial ang organisado
sa mga unyon. Ang maliit
namang persentahe ng organisado ay hati-hati rin sa mga pederasyon na
malaking bahagi ay pinamamayanihan ng mga dilawang lider manggagawa at ng
mga dating kasama na ngayon ay mga oportunista nang mas masahol pa sa mga
dilawan. Ang isplit sa CPP ay
nakapagpatigas pa sa pagkakahating ito laluna na ang maiku-konsiderang nasa
seksyon ng progresibo at/o rebolusyonaryo.
Kumpara
sa kalagayan ng manggagawang industrial, lalong higit na mahina ang iba
pang seksyon ng uri. Ang mala-manggagawa na binubuo ng mga manggagawa sa
serbisyo, konstruksyon, rural poor at iba pang informal sector
ay halos hindi organisado o walang organisasyon o organisado man ay hindi
naka-ayon sa kilusan ng uri. Kaya,
sa kabuuan, masasabing napakahina pa o nasa panimula pa lang ang kilusan
ng uri.
Sa
ganitong kalagayan, wala sa posisyon ang uring manggagawa na harapin,
ipagtanggol ang sarili at isulong ang makauring pakikibaka sa harap ng
pananalasa
ng
globalisasyon na ibinubunsod ng pandaigdigang kapital sa
pakikipag-kutsabahan ng lokal na naghaharing uri at gobyerno nito.
Gayundin, nawawala ang uri sa kalagayan na pamunuan ang iba pang
inaapi at pinagsasamantalahang seksyon ng mamamayan na naghahangad din ng
tunay at rebolusyonaryong pagbabago.
Ang
globalisasyon o neo-liberal na pandaigdigang patakaran ng kapitalismo ang
pinakahuling salot na nananalakay ngayon sa uring manggagawa.
Naglalayon ito ng walang sagkang daloy ng kapital (pinansya,
produkto, at iba pa) sa buong daigdig. Kaya ang daigdig ay nagiging isa na
lang maliit na pamayanan kaugnay sa galaw ng kapital.
At upang maganap ito, pinapawi ang lahat ng proteksyon sa lokal na
ekonomia ng mga bansa para sa walang kabusugang pagsasamantala ng
pandaigdigang kapital.
Sa
bansa, nagkakaanyo ito sa liberalisasyon - pagpawi sa taripa na dapat
bayaran sa pagpasok ng mga produkto, pribatisasyon ng mga pag-aaring
publiko, deregulasyon - pag-aalis ng kontrol sa mga kompanyang dayuhan
tulad ng langis at pag-aalis ng kontrol sa pagdagsa ng mga produktong
maaaring itambak sa bansa ng dayuhang kapital.
Ito ay nagreresulta sa maramihang pagsasara ng mga pabrika,
pagbabawas (downsizing) ng lakas paggawa, rotasyon ng mga manggagawa at
kontrakwalisasyon ng paggawa. Sa kagyat, daan-daang libo hanggang milyong
manggagawa ang agad na nawalan at kinulang ng ikabubuhay.
Ang
globalisasyon ang magtitiyak ng patuloy na pagdaloy ng produkto sa bansa
kahit sarado na ang mga pabrika rito at wala ring hanapbuhay ang maraming
manggagawa. At ito ay simula pa lang, panimulang bwelo pa lang ito ng
pananalakay na ito ng globalisasyon, ang halimaw ng pandaigdigang kapital
na nagnanais sagpangin ang anumang tagumpay ng uring manggagawa na nakamit
sa kung ilang dekadang pakikibaka – pag-uunyon, mga prebilehiyo at
mismong mga hanapbuhay na tanging inaasahan ng uri.
Bukod sa
pagkakahati-hati ng progresibo at rebolusyonaryong seksyon ng kilusang
manggagawa na bunga ng isplit sa Partido; ang patuloy na pamamayani ng
dilawan sa signipikanteng bilang ng mga unyon at pederasyon; ang pagkabulok
ng mga dating rebolusyonaryo at progresibong lider bilang mga oportunista
at ang pananalasa ng pandaigdigang kapital sa anyo ng globalisasyon ng
ekonomia, may dalawa pang mabigat na dalahin na umuuntol sa pag-unlad at
pagsulong ng kilusang manggagawa. Ito
ay ang mali o baluktot na oryentasyon/direksyong dala-dala ng kilusan at
ang natural na pagkakahati ng uring manggagawa sa isang hindi pa maunlad o
mal-develop na kapitalismo.
Mula
sa estratehiya ng gyera na dinadala ng CPP, ipinalaganap at mabisang
naipatagos ang oryentasyon ng strike movement sa balangkas ng
umano’y genuine trade union (GTU).
Sa praktika, itinakda nito na maging labis na kaliwa ang mga
taktikang dinadala ng manggagawa sa larangang trade union.
Dahil sa esensya’y ipinagsisilbi ang kilusang unyon sa gyerang
inilulunsad ng CPP/NPA, sa aktwal ay nagiging propaganda lang ang kilusang
unyon upang maka-rekluta ng mga kadre at mandirigma para sa kanayunan at
hukbong bayan.
Kaya
ang mga welga at iba’t iba pang aksyong inilulunsad sa balangkas na ito
ng oryentasyon ay lampas-lampas sa antas ng pag-unlad na inaabot ng
kilusang manggagawa at malinaw na hindi nagsisilbi sa patuloy na pag-unlad
– pagkamulat, pagka-organisa at pagsulong ng uring manggagawa.
Ang masahol pa, nagre-resulta ang mga pagkilos na ito ng pagkadurog
ng mga unyon at kawalan ng hanapbuhay ng manggagawa.
Ang kakatwa, kasalungat sa mga pagkilos na ito ay ang atrasadong
edukasyong pulitikal na ipinalalaganap sa hanay ng uri – ang pambansang demokrasya.
Ikalawa,
hindi pa nabibigyang pansin ang paglutas sa natural na pagkakahati-hati ng
uring manggagawa sa iba’t ibang seksyon dahil sa hindi lubos na develop
na kapitalismo sa ikatlong daigdig tulad sa ating bansa.
Ang nangyayari, naituturing o naibibilang na ibang sektor o hindi
kabilang sa uri ang mga mala-proletaryado sa kanayunan at maging sa
kalunsuran na wala sa mga industria. At
hindi nabibigyan ng seryosong pansin ang pagsanib ng mga ito sa
pangkalahatang kilusan ng uring manggagawa.
Ang
Rebolusyonaryong Kilusang Manggagawa
Bilang
Partido ng uring manggagawa, ang nararapat at kailangang pangunahing
konsentrahan at atupagin natin ay ang malawakang pagmumulat, pag-oorganisa
at pagpapakilos sa uri. Sa ibang salita, nararapat na ang buong uri ang magawang
pamunuan ng Partido tungo sa pagkakamit ng kanyang pangkasaysayang misyon
ng pagpapalaya sa sarili. At
mula rito ay magawa ng uri (hindi ng Partido) na tuwirang pamunuan ang
lahat ng iba pang inaapi at pinagsasamantalahang uri at sektor ng
sambayanang Pilipino.
Kaya
bilang taliba ng uring manggagawa, kailangang mailagay ng Partido ang buong
uri sa namumunong papel sa rebolusyong Pilipino.
Mali at pinatunayan na ng ating mahabang praktika na akuin ng
Partido ang pamumuno ng uri sa iba pang inaapi at pinagsasamantalahang
uri’t sektor. At lalong mali
na banatin ng Partido ang sarili upang pamunuan ang iba’t ibang uri’t
sektor sa lipunan. Ang resulta,
naiiwan o napag-iiwanan o nalalagay lang ang uring manggagawa na ka-antas
ng iba pang uri’t sektor at nawawala sa posisyon ng pamumuno.
Masakit
tanggapin subalit isang katotohanang matagal ring umiral na “nagtampo”
at na-”alienate” ang mga kasama na beteranong lider manggagawa sa
Partido dahil sa mga “PO” nilang galing sa sektor ng peti-burges na
wala namang kaalam-alam sa mga usapin ng kilusang manggagawa o kilusang
trade union. Gayundin, isang
malaking insulto sa uri na ang ibigay na pangunahing pag-aaral sa kanila ay
oryentasyong pambansa demokratiko (gayong ang sosyalismo ay sarili nito at
siyang ideolohia ng uri) kaakibat nito ay ina-antas-antas ang kamalayan at
pagkilos ng uri ayon sa pakikibaka para sa pambansang demokrasya at hindi
ayon sa kanyang uri at pangkasaysayang misyon.
Ngayon,
dapat na nating iwasto ang mga mali, kapos-kapos at wala sa lugar na
pagtingin at pagtrato sa uri at sa kilusan ng uri - nararapat at kailangang
ang uri ay maimulat, ma-organisa at mapakilos bilang uri upang mapamunuan
nito ang rebolusyonaryong pakikibaka ng buong sambayanang Pilipino para sa
kalayaan at demokrasya na ang ultimo ay pagtungo at pagkakamit ng
sosyalismo - ang unang malaking hakbang sa lubos na paglaya ng uri -
pagpawi sa pagsasamantala ng tao sa kapwa tao at pagbibigay wakas sa
pag-iral ng makauring lipunan .
Ang
pagpupunyagi natin sa pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos sa hanay ng
uring manggagawa ay magkaka-anyo sa paglitaw, pagpapaunlad at pagsusulong
ng rebolusyonaryong kilusan ng uring manggagawa.
Ito ay kilusan ng buong uri at hindi lang ng manggagawang
industriyal o trade union. Ibig
sabihin, ito ay kilusan na tatahi sa lahat ng seksyon ng uri mula sa
industriyal, serbisyo, iba pang informal sector hanggang sa mga komunidad
ng maralitang taga-lunsod at mala-proletaryado sa
kanayunan.
Kahit
pa ang magsisilbing gulugod ng kilusan ng uri ay ang nasa industriyal/trade
union, nararapat na mulat na sinasaklaw ng ating pagkilos na masasalamin sa
mga konkretong
programa/plano ang iba pang seksyon ng uring manggagawa.
At ang mga manggagawang industriyal, partikular ang mga unyon/pederasyon
nila ay mabisang nakakatulong na abutin ang iba pang kapatid sa uri.
Sa
pagsulpot ng kilusan ng uring manggagawa, kailangan at nararapat na kagyat
na pumuwesto ito sa unahan ng namumuong pangkalahatang kilusan ng mamamayan
kaalinsabay sa pagsisilbi bilang gulugod nito upang matiyak ang militansya,
katatagan, pagsulong at patuloy na pag-unlad ng buong kilusan ng mamamayan
(general mass movement). Tanging
ang kilusan ng uring manggagawa na nakasanib, nangunguna at gulugod ng
buong kilusan ng mamamayan ang garantiya sa pagiging sustinido ng buong
kilusan ng mamamayan. Ito lang ang may kapasidad na bumalanse sa pag-aatubili
at pag-aalanganin ng iba pang mga uri at sektor.
Sa
ganito, malinaw ang mga mapagpasyang papel ng uring manggagawa sa
rebolusyonaryong pakikibaka; una, tuloy-tuloy na buuin at paunlarin ang kilusan ng
uri; ikalawa, pangunahan o
pamunuan ang buong kilusan ng mamamayan;
at ikatlo; magsilbing gulugod ng buong kilusan ng mamamayan. Ang mga papel na ito ng uri ay kailangan at nararapat
niyang gampanan nang magkakaalinsabay at hindi nang una-una (one after the
other).
Ang
mga papel ng uri ay hindi makakamit sa isang iglap kundi sa isang mahabang
proseso na mahigpit ang dialektikong ugnayan - Sa proseso lang ng
pagpapalakas sa sarili magagawa ng uring manggagawa na pamunuan ang buong
kilusan ng mamamayan at magsilbing gulugod nito at sa proseso din lang ng
pamumuno/pangunguna sa buong kilusan ng mamamayan at pagiging gulugod nito
mabilis na mapapalakas ang sarili at ang patuloy niyang pagpapalakas sa
sarili ang magpapatibay sa kanyang pamumuno sa buong kilusan ng mamamayan
at mabisang pwersa sa ubod nito at ito rin lang ang gagarantiya sa patuloy
na pag-unlad at pagsulong ng buong kilusan ng mamamayan.
Ang
buong prosesong ito ang lubos na papanday sa uring manggagawa at sa Partido
nito upang dalhin ang rebolusyonaryong pakikibaka sa tagumpay at malagay
ang sarili sa pinaka-mainam na sitwasyon para humawak ng kapangyarihang
pampulitika at sa ultimo ay kamtin ang kanyang pangkasaysayang misyon –
ang pagpawi sa makauring lipunan kung gayon ay pagpawi sa pagsasamantala ng
tao sa kapwa tao.
Kaya,
uring manggagawa, magkaisa, pamunuan ang pakikibaka ng sambayanang Pilipino!
Tanging ang makauring pakikibaka ng uring manggagawa ang batayan
para sa rebolusyonaryong transpormasyon ng lipunan.
Mula rito, magkamit ng maraming tagumpay tungo sa kalayaan,
pagkakapantay-pantay, kasaganaan at kapayapaan!
Upang
mapabilis natin ang pagkabig sa pinakamalaking seksyon ng uring manggagawa
unahin nating tutukan ang mga unyon, pederasyon at institusyon na wala pang
“political alignment” o hindi nakapaloob sa anumang bloke mula sa
naganap na isplit sa rebolusyonaryong kilusan subalit nanatiling
rebolusyonaryo at/o progresibo. Sa
katunayan, ito ngayon ang pinakamalaking bloke kapag nagkasama-sama.
Ang kailangan lang ay matamo natin ang kanilang pagtitiwala na ang
atin ay isang matapat na hangaring buhayin, pasiglahin, paunlarin at muling
pasulungin ang kilusang
manggagawa para sa uri at iba pang inaaping seksyon ng sambayanan.
Masigla
nating ilako/ibenta sa mga kasama ang ating “bagong” oryentasyon at mga
konsepto sa pagbubunsod ng kilusang manggagawa upang malinaw nilang
maunawaan ang lubos nating pagtatakwil sa mga kamalian at iba’t iba pang
distorsyong nakapaloob at pumapalibot sa balangkas ng strike movement at
GTU.
Gayundin
ang lubos nating paglaban sa kabalasubasan ng grupong nasa likod ng BMP.
At ang matiim nating hangaring mailantad at maihiwalay ang mga
dilawan at iba’t ibang klase ng iskirol sa hanay ng uri.
Mula
rito, mabisa na nating makakabig/maiimpluwensyahan ang maliliit pang mga
independyenteng mga unyon na nadala’ rin o na-alienate ng mga kamalian,
distorsyon at pambabalasubas sa nakaraan.Kaalinsabay
nito ang pakikipag-alyansa sa iba pang mga mapagkaibigang mga pederasyon
at/o anumang pormasyon ng mga manggagawa.
Katapat
ng mga pagpupunyaging ito ay ang lubos na pagbibigay pansin at pag-atupag
sa iba pang seksyon ng uring manggagawa – ang mga mala-proletaryado sa
urban at kanayunan. Kahit sa
panimula ay sektoral ang ating trato at paraan ng pag-oorganisa at
pagpapakilos, nararapat na sa kagyat na hinaharap ay lubusan itong maisanib
sa pangkalahatang kilusan ng uring manggagawa.
Kaagapay ng ating
pagmumulat at pag-oorganisa ang pagpapakilos ayon sa mga demokratiko at
anti-imperyalista kahilingan ng uri at ang lubusang pagpapakahusay sa
pagkumbina at pagtataas ng pang-ekonomiang pakikibaka sa pulitika at pang-ideolohiang
pakikibaka. Ang lahat ng ito
ay nararapat na tumungo sa ultimo batay sa pag-unlad ng mga kalagayan sa
pakikibaka para sa sosyalismo – ang tanging alternatibo sa aping
kalagayan ng uring manggagawa at lahat na ng inaapi at pinagsasamantalahang
seksyon ng mamamayan.
Sa buong prosesong ito, nararapat na kaakibat na inaatupag at pinauunlad ang internasyunalisasyon ng mga isyu at pakikibaka ng manggagawa. Kailangang maidebelop natin ang pagkakaisa ng uring mangagawa sa pandaigdigang saklaw. At mapalitaw at mapaunlad ang mga solidarity formations para sa nagkakaisang mga pagkilos – suportahan, kumplimentasyon at suplementasyon
Upang
epektibo nating makabig ang uri, nararapat na lubusan nating isabuhay ang
pagwawasto sa mga kamalian sa nakaraan.
Sa kagyat, masasalamin ito sa ating mga istilo’t paraan ng
pagkilos.
1.
Nararapat na lubusan nating isaayos ang ating aktitud, pananaw at
pagtrato sa mga kasama at mga lider manggagawa.
Nararapat na maging lubusan ang ating pagkilala at respeto sa mga
kasama at lider manggagawa, kung gayon ay hindi nararapat na sila ay
nasasapawan, natatabig o nababale-wala.
Bagkus, matuto tayo sa kanila at maging positibong salik sa
pagpapalakas ng kanilang liderato.
Kaya,
imbes na sapawan, tabigin o balewalain ang mga kasama at lider sa mga unyon
at pederasyon, tulungan natin sila para mapatatag ang kanilang pamumuno at
sa anumang pormasyong mabubuo para mabisa nating mapaunlad ang kilusang
manggagawa, sila ang ating ipwesto sa mga susing posisyon at lubos silang
suportahan upang makayanan at mapaunlad ang pamumuno.
2.
Ang ating kikilusan o kakabigin ay mga unyon at pederasyon – mga
legal na pormasyon na may mga sariling dinamismo st mga proseso.
Kailangan at nararapat na lubos na kilalanin, igalang at palakasin
ang mga prosesong ito. Sa
pagkilala, paggalang at pagpapalakas ng mga prosesong ito lamang natin
mai-istabilisa ang demokratikong tradisyon ng mga organisasyon ng uring
manggagawa.
3.
Sa mga unyon at pederasyong nasa ilalim ng pamumuno ng mga dilawan
at iba’t ibang klase ng iskirol, lubos nating pag-ibahin ang hanay at mga
palsipikadong lider. Nararapat
na lubos nating napag-aaralan ang tamang istilo’t paraan upang hindi
madamay ang hanay sa paglalantad at paghiwalay natin sa mga dilawan at
iba’t ibang klase ng iskirol.
Sa
nakaraan, ang mga atake natin sa mga dilawan ay may dating’ na ang
inaatake natin ay ang buo-buong unyon/pederasyon, kaya, imbes na ang mga
palsipikadong lider lang ang maihiwalay natin, tayo mismo ang nahihiwalay
sa kasapian na binubuo ng malaking bilang ng uring manggagawa.
4.
Ang ating pangunahing konsiderasyon ay pagpapaunlad at pagsusulong
ng solidong rebolusyonaryong kilusan ng uring manggagawa.
Kung gayon, ang nararapat nating konsentrahan ay ang pagsaklaw ng
kilusan sa buong uri at ang paglutas ng usapin ng pagsasanib ng lahat ng
seksyon ng uri sa iisang kilusan ng uri.
Sa ganito, partikular ang aspeto ng pakikibakang pang-trade union
ay nararapat nang ipaubaya o pangunahan ng mga lider pang-unyon.
Ang
mga kasama na nasa labas ng balangkas ng mga unyon at pederasyon ay suporta
lamang sa mga kahilingan/kahingian ng ating mga lider pang-unyon at
kanilang pakikibaka.
5.
Masinop nating balansehin ang pagpapalawak at pagpapatatag. Sa bawat yugto ng ating pagkilos o pagsulong ng kilusang
manggagawa, nararapat na natitiyak ang pagpapatatag. Ito ang garantya sa walang humpay na pag-unlad at
pagsulong ng kilusang manggagawa. Ang
ating pagpapatatag ay konkretong masasalamin sa mga edukasyong sosyalista
sa hanay ng uri at ng pagre-rekluta patungo sa kanilang Partido.
Bilang
Partido ng uring manggagawa, kailangan at nararapat na maging sentrong
balon ng kasapian nito ay ang mismong sariling uri, kahit bukas ito sa mga
elemento galing sa ibang uri at sector na tumalikod sa kanilang uring
pinagmulan at lubos nang niyayakap ang pakikibaka at ideolohia ng uri.
Gayundin, nararapat na mulat nilang itina-transporma ang mga sarili
bilang proletaryado.
REVOLUTIONARY MASS MOVEMENT ARMED STRUGGLE
ELECTORAL STRUGGLE PEACE NEGOTIATION
NATIONAL QUESTION AGRARIAN QUESTION
GENDER QUESTION ORGANS OF POLITICAL POWER