Site hosted by Angelfire.com: Build your free website today!
Synthesis Online
index

links

geek guide

downloads

in other words

site map

mail us

Mga Hipokrito, Mga Hukom, at Ako
Isang Reaksyon sa “Apologia ni Sokrates” at Isang Pagsusuri sa Sarili

ni Mark Percival O. de Guzman



Napakaraming interesanteng bagay na maaaring mapag-usapan sa pakikitagpo kay Sokrates.  Subalit pumili lamang ako ng ilang mabibigat na kaisipang nagmeron sa aking isipan at katauhan sa mga sandaling ito.

Bakit nga ba sadyang ganiyan ang tao?  Halos lahat na lamang ng aking nakakasalimuha sa bawat araw ay kapansin-pansin ang kanilang pagiging hipokrito.  Sinasabi nila na ganito at ganiyan dapat ang pagkilos o di kaya’y ang paggawa, ngunit sila mismo ang hindi sumusunod sa mga batas at alituntuning kanilang binubuo.

Naaalala ko tuloy ang kuwentong ibinahagi sa amin ng aming kura paroko ilang taon na rin ang nakararaan.  Naikuwento niya sa amin ang isang saglit sa buhay ng isang guro.  Isang araw, nilapitan ang guro ng isang babaeng kasama ang kanyang anak.  Itinanong ng babae sa guro kung papaano maitutuwid ang problema ng kanyang anak sa paninigarilyo.  Natahimik ang guro at nagmuni-muni siya.  Winika niya sa babae; “bakit hindi kayo bumalik pagkalipas ng isang linggo sapagkat may aayusin muna ako.”
Pagkalipas ng isang linggo, bumalik ang babae sa guro kasama ang kanyang anak.  Sa pagkakataong ito, kinausap nang isahan ng guro ang bata.  Pagkatapos nilang mag-usap, umalis na ang mag-ina.  Tulad nga ng inaasahan na mangyayari, naituwid ng bata ang kanyang problema sa paninigarilyo.  Dahil dito, bumalik ang babae upang magpasalamat sa guro.

Nang magkita muli ang babae at ang guro, nagpasalamat ang babae sa guro.  Pagkatapos nito, naitatanong ng babae sa guro kung ano ang dahilan at pinalipas muna niya ang isang linggo bago kinausap ang bata.  Nagwika ang guro sa babae; “sa katunayan ho, alam ko naman kung ano ang dapat sabihin sa bata upang maisaayos ang kanyang problema.  Ngunit ayaw kong magsalita muna sa inyong anak sapagkat ako mismo’y may problema sa paninigarilyo.  Kaya nga isinaayos ko rin ang aking problema sa paninigarilyo sa loob noong isang linggong pinababalik ko kayo.”

Makikita natin sa simpleng kuwentong ito ang kahalagahan ng paggawa mo o pagtupad mo mismo ng iyong mga ipinapahayag sa madla.  Hindi magiging makatotohanan ang iyong pagpapahayag kung ikaw mismo ay hindi susunod sa iyong mga ipinapahayag.  Ngunit sa kabila ng lahat ng ito, nakukuha pa rin ng karamihan sa atin na mamuhay sa mundong ito bilang isang hipokrito.

Sa aking mga kaibigan na lamang, madalas kong naririnig sa kanilang pag-uusap, na ang mga sinasabi at ginagawa raw nila sa mga klase nila sa Teolohiya at Pilosopiya ay pawang mga pakitang tao lamang o di kaya’y mga kathang isip lamang.  Kadalasan, sinasabi nila sa kanilang mga guro na ganiyan ang kanilang gagawin ukol sa isang paksang kanilang napag-uusapan.  Ngunit sa loob-loob nila, pawang kabulaanan ang lumalabas sa kanilang mga bibig, at sadyang kabaligtaran ng kanilang tunay na ginagawa sa tunay na buhay.
Sa aking pagsusulat na lamang nito, hindi ko maiwasang hindi maisip na maaaring kasapi rin ako sa mga salarin na nagpapalaganap ng pagiging hipokrito.  Maaaring sa sandiling naiisip ko at naisusulat ko ang mga kaisipan ko rito’y hindi na ako nagiging makatotohanan sa sarili ko.

Sa mga sandaling ito’y hindi ako nakasisiguro na nagiging pantay ako sa paghuhusga ko sa mga tao.  Inaamin ko na ako’y isang mapanghusgang tao.  Lahat na lamang ng mga taong nadadaan sa aking landas ay aking hinuhusgahan.  Kadalasan pa nga’y nanghuhusga ako kahit na hindi ko naman talaga nakikilala ang isang tao, kung kaya’t masasabi mo na rin na wala talaga akong karapatan na magsalita tungkol o laban sa taong iyon.

Napuna ko rin sa aking sarili na nanghuhusga ako ng tao batay sa aking nararamdaman.  Masasabi kong hindi ito nararapat sapagkat hindi nagiging makatotohanan ang aking paghuhusga.  Magbibigay ako ng isang halimbawa.

Patungkol sa dati kong nagustuhang babae ang ibibigay kong halimbawa.  Sa kadahilanan na rin ito na naririnig ko ang kantang “Fallin’” ni Robert Klein sa mga sandaling ito.  Ngayon pa lamang, hindi na ako nagiging pantay sa babaeng nais kong pag-usapan.  Ang kantang ito kasi ang aming unang kinantang magkasama.

Aaminin ko na nadadala ang aking pag-iisip ng aking nararamdaman sa kanya.  Napuno ako ng pagkamuhi dahil sa mga naganap sa pagitan namin.  Dapat mang aminin na ipinagpalit na niya ako, hindi ko pa rin ito matanggap kung kaya't ganoon na lamang ang pagturing ko sa kanya.  Hindi mo akong makikitang nakikipag-usap sa kanya o nangangamusta kung ano na nga ba ang nangyayari sa kanya ngayon.  Sa halip, iniiwasan ko siya.  Kung maaaring hindi ko siya makita, gagawin ko ito o kaya'y gagawa ako ng paraan upang maisakatuparan ito.  Sa sandali man na mapag-usapan siya ng mga kaibigan ko, pawang masasamang katangian na lamang niya ang nakikita ko.

Alam kong mali ang mga ito, ngunit ginagawa ko pa rin.  Sa mga pagkakataong ito, nakikilahok din ako sa mga naghukom laban kay Sokrates.  Subalit hindi na lamang ito ang kinahahantungan nito.  Nagiging hukom na rin ako laban sa aking sarili; laban sa aking pagiging makatotohanan at laban sa aking paninindigan.

Sa pagpatuloy ng paghuhusga ko sa mga tao batay sa aking nararamdaman, at hindi batay sa meron, binabaon ko sa hukay ang aking paninindigan ukol sa iniisip kong nararapat na gawin.  Sa makatuwid, hipokrito rin ako sa mga sandaling inaakala kong nasa meron ako.  Sa palagay ko nga, malayo pa ang tatahakin ko upang marating ang narating ng gurong tumigil sa paninigarilyo.
 


home | links | geek guide | download | in other words | site map | e-mail us


© 2001, Synthesis Online and the Ateneo Chemical Society. No part of this website may be reproduced or distributed without express authority of the Ateneo Chemical Society. All other copyrights and trademarks revert to their respective owners. The Ateneo Chemical Society, 2nd Floor, Schmitt Hall, Ateneo de Manila University, Loyola Heights, Quezon City, Philippines. 

DISCLAIMER: The views and opinions expressed in this website are not necessarily the views of Synthesis Online or of the Ateneo Chemical Society.